BB Gandanghari reconciles with Robin Padilla and other siblings; Eva Cariño-Padilla says BB’s illness a blessing in disguise

Ang Instagram post ni Robin Padilla kunsaan magkasama ang kanyang anak na si Ali at kapatid na si BB Gandanghari ang naging hudyat na tanggap na ng action star ang bagong katauhan ng kapatid niyang si Rustom. Labis namang ikinatuwa ng kanilang ina na si Eva Cariño-Padilla ang pagkakasundo nilang ito.


Isang larawan na ipinost ni Robin Padilla sa kanyang Instagram account ang nagsilbing kumpirmasyon na sa wakas ay tanggap na ng action star ang kapatid na si Rustom Padilla sa bagong katauhan nito—bilang BB Gandanghari.

Noong July 1 ay nag-post si Robin ng larawan ng kanyang anak na si Ali habang ipinapakita ang kanyang boxing moves sa kanyang "Tita BB," na nasa hospital bed.

Ang inilagay na caption dito ni Robin ay ito: “My son Ali showing his boxing moves to my sister bb gandanghari who used to be my brother Rustom who beats me up when we were young 😄 she #is so weak because of a very serious infection but her right cross is still as fast as before 👊 my son was surprised and amazed"

Kapansin-pansin sa post na ito ni Robin ang pagtawag niya kay Rustom bilang “my sister bb gandanhari” at pagtukoy dito bilang “she.”

Inilathala ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ang larawang ito ilang oras pagkatapos itong mai-post ni Robin sa kanyang Instagram account.



BB’S ILLNESS. Kahapon, July 7, ay ipinalabas ng The Buzz ang exclusive interview nila sa ina nina Robin at BB na si Eva Cariño-Padilla.

Ikinuwento muna nito ang pagkaka-ospital ni BB.

“Isang araw, last week, tumawag sa akin [si BB], ‘Mama, may sakit ako.’

“Tumawag, halos hindi ko na marinig ang boses niya. Ang hina-hina.

“’Nanghihina na po ako. Mama, nagtsi-chill na ‘ko, ang taas ng lagnat ko…’”

Mabilis daw nilang pinuntahan si BB sa condominium unit na tinitirhan nito at nagulat sila nang makita ang kalagayan nito.

Lahad pa ni Mommy Eva, “Pagdating namin dun, natulala ako, hindi na ‘ko makasalita dahil ang hitsura niya, parang wala na.

“Gusto kong umiyak, hindi ako makaiyak.

“Gusto kong sumigaw, hindi ako makasigaw.

“Nabigla ako. Hindi ko akalaing ganoon ang dadatnan ko.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Siguro, baka ilang araw na siyang may sakit.

“Noong hinang-hina na siya, pakiramdam niya siguro mamamatay na siya, saka lang siya tumawag sa akin.”

Isinugod daw nila agad si BB sa hospital.

Base sa findings, “extreme dehydration” ang naging sakit nito na nagdulot na rin ng infections.



STRAINED RELATIONSHIP. Pero naniniwala si Mommy Eva na malaking bahagi sa pagkakaroon ng sakit ni BB ang hindi magandang relasyon nito sa mga kapatid.

Aniya, “Hindi naman siya binabastos. Okay naman, tanggap siya.

“Pero nararamdaman niya na iba.

“Iba yung closeness nila noong hindi pa siya ganyan.

“E, alam niyo naman, iba-iba ang opinyon, di ba?

“E, ako naman, anak ko yun, e. Hindi mo naman puwedeng itapon. Anak is anak.”

Inamin din ni Mommy Eva na masakit na may ibang seksuwalidad na pinili ang anak. Pero anak pa rin niya ito na kailangang tanggapin at unawain.

Sabi niya, “Kung iisipin niyo talaga, masakit na naging ganoon siya.

“Pero, ano ang magagawa natin? Wala.

“Yun, e, yun ang gusto niya. Yun ang napi-feel niya.”

Dahil na rin sa paniniwala na ang hindi magandang relasyon ni BB sa mga kapatid ang posibleng isa sa dahilan ng pagkakasakit nito, gumawa ng isang hakbang si Mommy Eva na sa palagay niya ay makabubuti para sa maysakit na anak.

“Tinawagan ko ang mga kapatid niya—sina Robin, sina Rommel, Royette, sina Rhoda… lahat.

“Sa madaling-salita, dumating lahat, kumpleto.

“Yung dating ni Robin, ‘O, sister, kumusta ka na?’ Yun ang unang bati niya.

“So, nangiti si BB.

“Tapos, yung mga kapatid niyang babae, ‘O, ateng, sister…’ gumaganyan na.

“So, tuwang-tuwa na siya.

“Ibig sabihin, tanggap na siya as BB.

“Hanggang sa araw-araw namin siyang dinadalaw,” masayang kuwento ng Padilla matriarch.



ROBIN’S INSTAGRAM POST. Naikuwento rin ni Mommy Eva ang tungkol sa Instagram post ni Robin.

“Di ba, yung anak ni Robin kasi, gusto raw maging boksingero,” pagtukoy niya kay Ali.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“So, sabi ni Robin, ‘Alam mo, si Tita BB mo noong araw, nagbo-boxing kami. Magaling mag-boxing ‘yan.’

“So, noong nandoon sa hospital si Ali, ginagano’n [boxing] ni Rustom, so tuwang-tuwa yung bata.

“Tuwang-tuwa rin si Robin.

“E, sa ngayon, ‘Tita’ na ang tawag sa kanya ni Ali.”

Dahil sa pangyayaring ito, napakasaya raw ni Mommy Eva bilang isang ina.

Saad niya, “Masayang-masaya ako, halos hindi ako makapagsalita sa saya.

“Mabuti naman na nagkasakit siya, para magkasundo sila, ano?

“Si BB siguro, ewan ko kung sinadya niya yung ganun na magkasakit siya, titingnan ko kung mahal ko siya… parang ganoon siguro.”

Natawa naman si Mommy Eva nang tanungin kung pang-ilang babaeng anak niya si BB.

“Ano na tayo, five girls and three boys!” sagot niya.



OUT OF HOSPITAL. Noong Huwebes, July 4, ay nakalabas na raw ng hospital si BB.

“Pero, huwag muna raw siyang kausapin, bayaan munang mag-rest. Wala munang bisita,” paalala ni Mommy Eva.

Noong araw ring iyon ay nag-post si BB sa kanyang Twitter account ng larawan na kuha mula sa hospital, kunsaan nandoon ang mga kapatid at ilang pamangkin.

Nakalagay sa caption: “A family that heals… #feeling better”

Sa huli, nagbigay ng mensahe si Mommy Eva sa kanyang mga anak.

Aniya, “Robin, lahat kayong magkakapatid, maraming-maraming salamat sa pagtanggap ninyo kay BB.

“Napasaya ninyo ako. Ilang taon ko rin tiniis, kayo ay hindi nagkakasundo.

“Ngayon, masayang-masaya na ‘ko. Maraming-maraming salamat.”

At ang mensahe naman niya kay BB: “BB, anak, alam kong masayang-masaya ka ngayon.

“Lahat kami, masaya na bumalik na yung inaasahan kong magkakasundo kayong magkakapatid at magmamahalan tulad noon.

“Masayang-masaya ako, nakita namin sa mukha mo. Ganundin kami.

“Kaya magpagaling ka, magpaganda ka para lalo kaming matuwa sa ‘yo kesa noong kinuha ka namin sa condo mo na, akala ko mawawala ka na, anak.

“Magpaganda ka, mahal kita.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN