Zanjoe Marudo wants grand wedding with Bea Alonzo: "Sana maganda talaga at sana bayaran ng ABS!"

Isang hamon daw para kay Zanjoe Marudo at sa girlfriend niyang si Bea Alonzo na gumawa sila ng isang drama project. Sabi ni Zanjoe, “E, challenge yun, isang malaking challenge yun para sa aming dalawa na gagawa kami ng teleserye, tapos magda-dramahan kami sa isa’t isa.”


Naniniwala si Zanjoe Marudo na ang pagiging bahagi niya ng comedy-gag show ng ABS-CBN na Banana Split ang nagbigay-daan para makilala sa larangan ng comedy.

Ayon kay Zanjoe, “Malaki ang pasasalamat ko sa Banana Split.

“Kung hindi naman dahil sa Banana Split, hindi naman ako makikitaan ng management na, ’Puwede ninyo akong bigyan ng pelikulang comedy.’

“Parang, hindi naman sila susugal sa ganoon kung wala naman silang napapanood.

“Kaya pasasalamat ko talaga sa grupo ni Direk Bobot [Mortiz].”

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Zanjoe sa Bida Kapamilya Caravan Day ng comedy unit ng ABS-CBN noong Sabado ng gabi, July 6, sa Sky Dome.



COMEDY AND DRAMA. Nakakagiliwan na si Zanjoe ng mga manonood sa pagpapatawa.

Pero bago makita ang galing niya sa pagpapatawa, nakilala muna si Zanjoe sa pagiging isang seryosong aktor.

Katunayan, siya ang itinanghal na Best Supporting Actor ng Gawad Tanglaw para sa pelikulang One More Try (2012).

Saan niya mas gustong malinya: sa drama o sa comedy?

Nakangiting sagot ni Zanjoe, “Kahit saan, kahit saan... hindi naman ako mapili.

“E, di ba, ang sarap pakinggan kapag sinasabing komedyante ka o kapag sinasabing dramatic actor ka?”

Ano naman ang nakukuha niyang fulfillment lalo na kapag sinasabihan siyang "comedy actor" sa Banana Split at sa Banana Nite?

“Ang masarap kasi sa Banana Split, nakikita mo na agad ang reaksiyon ng tao, lalo na kapag nandoon kami sa Music Museum.

“Kapag nagpe-perform kami na may audience, alam mo na agad kapag maganda ang ginagawa mo o hindi.

“Kasi, maririnig mo na ang tawa.

"Kung hindi man tumawa, nandoon ang challenge."

May pagkakataon ba na hindi natawa ang audience sa joke niya?

“Oo, marami,” pag-amin ni Zanjoe. “Pero, kailangan saluhin ninyo na lang at tawanan ang isa’t isa.”

Puwedeng sabihing balanse ang career ni Zanjoe ngayon dahil kung nagpapatawa siya sa Banana Split, nagdadrama naman siya sa Annaliza.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sabi niya tungkol sa Annaliza, “Pataas nang pataas ang rating.

“Itong last Wednesday nga, kinongratulate ng ABS-CBN ang Annaliza team dahil naka-20 plus na sila sa rating.

“E, first time na nag-20 plus ang Annaliza.

“So yun, paganda nang paganda ang istorya at tinututukan ng mga bata.”

(Ang datos ng ABS-CBN ay mula sa nationwide survey ratings ng Kantar Media-TNS.)



ALWAYS BUSY. Kinontra naman ni Zanjoe ang sinabi naming isa siya sa mga artista ng Kapamilya network na hindi nababakante.

Sabi niya, “Hindi, nababakante rin ako nang matagal—matagal din naman akong nabakante.

“Bago ako mag-One More Try, ang ginagawa ko lang noon, Banana Split lang.

“E, last teleserye ko naman, matagal na, ito na ang sumunod—Annaliza.”

Sa pelikula naman, ang pagkakaalam ni Zanjoe ay mayroon nang ginagawang bagong script para sa kanya.

“Ang alam ko, comedy rin yun,” nakangiti niyang sabi.

Kaya siguro comedy pa rin ang susunod niyang pelikula dahil naging matagumpay ang huli niyang pelikulang Bromance.

“E, baka siguro nakakadaya tayo na natutuwa ang mga tao!” natawa niyang sabi.



GIRLFRIEND/LOVETEAM. Nakagawa ng isang comedyfilm sina Zanjoe at Bea Alonzo, ang 24/7 (2012). Wala ba silang plano na magkasama o magkapareha muli sa isang seryosong pelikula?

Nangiti si Zanjoe saka sinabing, “Ang hirap namang umarte noon, ang galing ng kasama ko!

“E, challenge yun, isang malaking challenge yun para sa aming dalawa na gagawa kami ng teleserye, tapos magda-dramahan kami sa isa’t isa.

“Yun ang challenge—paano namin magagawang makatotohanan na hindi kami maiilang?”

Kapag magkausap sila ni Bea, naiisip ba nila na sana nga ay magkasama sila sa isang proyekto?

Ayon kay Zanjoe, “Hindi e, hindi namin talaga… parang hindi naman namin wini-wish na magkasama kami sa isang project.

“Pero kung bibigyan kami ng isang magandang proyekto na maisip ng management na, ’Kayong dalawa ang bagay rito, wala nang iba…’ siyempre, bakit naman, sino naman kami para humindi?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Lalo na kung kami ang naka-peg sa role?”



STABLE RELATIONSHIP. Kahit masasabing “high profile” ang relasyon nina Zanjoe at Bea, napapanatili nilang matatag at tahimik ang relasyon nila.

Sabi ni Zanjoe, “Oo, e, ganoon lang naman talaga kami—ayaw naman namin ng maraming isyu.

“Na lahat ng problema, lahat ng masasaya, e, pinag-uusapan, inaano… parang mas maganda na tahimik lang.”

Halos wala ngang intriga sa kanila.

“Siguro, hindi naman namin sinasadya.

“Kumbaga, nasa personality rin siguro namin pareho na, siya, simple lang siya, tahimik lang.

“Ako, ganoon lang din ang gusto kong buhay, hindi maingay, nagkataon lang.

“Siguro kasi, mas maganda sa aming dalawa.”



WEDDING PLANS. Pinangunahan na namin si Zanjoe na siguradong madalas maitanong sa kanya ang tungkol sa kasal. Pero wala pa nga ba silang plano?

“Bata pa, bata pa, e… bata pa siya!” natatawang sabi niya tungkol kay Bea.

Si Zanjoe ay 31 years old na sa July 23, habang si Bea naman ay 25 pa lang.

Patuloy ng aktor, “Sa ngayon, mas ini-enjoy pa namin ang boyfriend-girlfriend na relasyon.

“Kapag masyado mong minadali ang mga bagay, baka anong mangyari.

“Mas maganda na sabay kaming nagma-mature sa relasyon.

“At saka, wala na rin naman akong iniisip na pupuntahan, di ba?

“So, hindi ko na lang mamadaliin. Kumbaga, kung ukol naman, di ba?”

Mga ilang taon pa ang ibinibigay niya sa relasyon nila ni Bea para masabi niyang dapat na nga silang umakyat sa next level?

Tugon niya, “Mahirap magbigay ng taning... malay mo, kung puwedeng bukas o sa isang araw.

“Basta ngayon, wala naman, wala naman akong plano pa.

“Marami rin naman tayong nakakausap, marami rin ang nagpapayo na, ‘I-enjoy ninyo muna ang edad ninyo’ o ’Bata pa kayo, ang dami ninyo pang puwedeng gawin.’

“At saka, marami pang priorities na puwedeng gawin tulad ng pag-iipon, pamilya, kanya-kanyang suporta sa bawat pamilya.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Tiniyak naman ni Zanjoe na kung magpapakasal man sila ni Bea, isang magarbong kasal ang gusto niyang ipagkaloob dito.

“Siyempre, once in a lifetime, so sana maganda talaga at sana bayaran ng ABS!

“Biro lang,” bawi ni Zanjoe sa sinabi.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN