Amy Perez denies resigning from Face To Face; talk show will go off the air

Nilinaw ni Amy Perez ang naunang balita na nag-resign siya sa TV5 talk show na Face To Face. Bagamat hindi siya nag-resign ay mawawala na rin sa ere ang programa, kasabay ng isa pa niyang show sa Kapatid network na Ang Latest.


Gustong linawin ng TV5 host na si Amy Perez na hindi siya nag-resign sa show niyang Face to Face, taliwas sa naunang lumabas na balita.

Paglilinaw ni Amy, “Hindi pa ako nagre-resign. Alam mo, doon ako natatawa.

"Let’s just clear it na hindi ako nag-resign.

"Walang natanggap si Sir Perci [Intalan, TV5 executive]… wala pa akong isina-submit na resignation.”

So, mali ang balitang nag-resign siya?

“Oo,” pagdidiin niya.

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Amy sa last taping day ng kinabibilangan niyang Kapatid showbiz talk show, ang Ang Latest, kaninang hapon, Hulyo 13, sa Studio B ng TV5 sa Novaliches, Quezon City.

FACE TO FACE & ANG LATEST WILL END SOON. Hindi man nag-resign si Amy sa kanyang show ay nakatakda na rin daw tapusin ng TV5 ang pag-ere ng Face to Face.

Hindi pa lang daw niya matiyak kung kailan matatapos dahil may mga nakabangko pa raw silang episodes.

“Kasama siya [Face to Face] sa may mga changes sa TV5… Talentadong Pinoy, Face to Face, Ang Latest.

"Lahat naman dito inaayos nila e. May reason ang management for doing that, so you have to respect their decision.

“Kaya lang siyempre, because of ganung pangyayari, siyempre yung ibang mga tao, low morale, emotional, may tendency na mag-panic.

"So, maraming bagay ang mga nagawa, nasabi, naging emosyunal.

"Yun ang mga inaayos ngayon ng TV5, which hindi mo naman iyon maiaalis sa isang tao na siyempre nagtatrabaho at may pamilyang pinapakain at binubuhay, syempre, di ba?

"But it’s normal that your reaction will be magpa-panic ka.”

Ang isa pa niyang show na magtatapos ay ang Ang Latest na hanggang sa Hulyo 19 na lang daw mapapanood.

Ano ang pakiramdam niya na pati ang Ang Latest ay magtatapos na rin?

Sabi ni Amy, “Alam naman natin na sa industriya natin, nothing stays permanent.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Walang show na panghabambuhay till the day na mamatay ka at malagutan ka ng hininga.

"Lahat ng shows, kahit sa Amerika, nagpu-fold up. So, lahat may katapusan.”

Siyempre, may lungkot din daw siyang nararamdaman.

“Oo, pero kasama na iyan sa trabaho namin, e. Di ba, if talagang ano… ganun talaga ang magiging pangyayari.”

Ano ang mami-miss niya sa Ang Latest?

“Ay, siyempre yung samahan namin. Yung pagkain namin ng lunch together, yung mga masasarap na pagkain ni Nanay [Cristy Fermin].

"Yun ang mga mami-miss ko at saka yung pagkakaibigan,” sagot ng TV host.

Bukod kay Amy at Cristy, kasama rin sa Ang Latest sina Mr. Fu, Lucy Torres-Gomez, Joey Reyes, Divine Lee, Shalala, at IC Mendoza.

Sinasabing may bagong showbiz talk show na kapalit ang Ang Latest. Wish niya ba na magkasama-sama pa rin silang mga host sa show?

Sagot ni Amy, “Sana, kasi everybody wish for the best.

"Wala namang may gusto na ganito, e, na nag-e-ending ang mga bagay-bagay.

"Lahat tayo, ang gusto natin, merong bagong ginagawa, bagong simula sa buhay.

"Wala naman sa atin ang may gusto na may katapusan ang lahat.

"Even relationships we want it to last forever. But sometimes things don’t last forever.”



BLIND ITEM. May blind item na lumabas na tila patungkol sa kanya at sa staff ng Face to Face.

Diumano’y hindi raw maganda ang relasyon ng lady TV host sa kanyang staff. Tila nagmamalaki pa raw ang host sa kanyang staff.

Ano ang masasabi niya rito?

Sabi ni Amy, “Ay, tanungin natin diyan ang management ng TV5.

"Tanungin natin ang tunay na mga kaibigan ko at tunay na nakakakilala kung sino ako.

"Alam nila na walang katotohanan ang mga iyon.”

Pero kumusta ba ang relasyon niya sa staff ng Face to Face?

Sagot ni Amy, “Merong mga bagay na kailangang ayusin.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"May mga kailangan na immature na ibang tao na iayos.

"Kumbaga, maraming dapat pag-usapan, ganun.

"Sa part ko, pumapasok ako, ginagawa ko ang trabaho ko to the best of my ability. Because yun ang hinihingi sa akin ng management at dini-deliver ko iyon.”



TRANSFERRING TO ANOTHER NETWORK? Dahil nga sa paglabas ng balitang pagre-resign niya sa Face to Face ay nagkaroon din ng ispekulasyon na baka lumipat na siya ng network—mula raw sa TV5 ay babalik siya sa ABS-CBN.

Pero ispekulasyon lang daw ito.

Saad ni Amy, “Yun nga rin, e. Pero alam mo, a lot of things can happen.

"We are all welcome, you know… wala naman akong problema with any stations. Wala naman akong binurn na any bridge.

"So, whether I can go back to 2 [ABS-CBN] or I can be with 7 [GMA], I can even work for Channel 4, I can even work for RPN 9, I can work for Channel 13.

"So, wala akong problema doon.”

Pero mananatili ba siya sa TV5?

“Nag-uusap kami ni Sir Perci at marami kaming inaayos. So, madami pang inaayos.”

May susunod na ba siyang show kapag natapos na Face to Face at Ang Latest?

“May pinag-uusapang ganun. Inaayos pa.”

HEALTH CONDITION. Isa pang itinuturong dahilan sa posibleng pag-alis niya sa Face to Face ay ang kanyang health condition.

Ayon kay Amy, iniinda naman talaga niya ang kanyang nararamdamang pananakit ng katawan.

“Oo, sa back ko, sa caesarean.

"Alam naman natin na, physically, kung babae ka, nakita mo ganyan ka, akala mo healed ka na.

"Pero yung ceasarean, sa loob, hindi pa completely healed. So, six months pa lang ako… sariwa pa yung sugat.

"So, eto, kahit anong paliwanag ko, ang lalaki hindi nila maiintindihan iyan, di ba? Only kung dumaan ka lang sa ganun.”

Nanganak si Amy via caesarean section sa kanyang pangatlong baby na si Isiah Joaquin noong Enero 2, 2013.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Pero pwede bang maging dahilan talaga ng posibleng pagre-resign niya ang kanyang health condition?

“Puwede, kasi kung hindi kaya ng katawan mo, bakit mo ipipilit?

"Hindi pa ako nagre-resign pero isa iyan sa sinasabi kong hindi ko kaya—ang taxing na schedule o yung maraming schedule kasi nga iba pala ang feeling kapag caesarian ka sa normal [delivery].”

Ang kanyang health condition nga ang isa sa mga ikinukunsidera ni Amy ngayon pagdating sa proyektong tatanggapin niya.

Isa raw ito sa pinag-uusapan nila ni Perci kung anong show ang puwede niyang kayaning gawin sa kanyang kundisyon ngayon.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN