Carlo J. Caparas says Supreme Court decision on his National Artist Award is "expected"

Tanggap ng direktor at comic strip creator na si Carlo J. Caparas ang pagbawi ng Supreme Court sa iginawad sa kanyang National Artist Award noong 2009. Sabi niya, "Nakakalungkot lang siyempre na ganito ang nangyari. Pero wala tayo magagawa dahil isa akong mamamayang kumikilala ng liderato, kumikilala ako ng batas na umiiral."


Pinawalang-bisa ng Korte Suprema ngayong araw, July 16, ang National Artist Award na iginawad kina Philippine Educational Theater Association (PETA) founder Cecile Guidote-Alvarez, architect Francisco Mañosa, filmmaker Carlo J. Caparas, at fashion designer Jose "Pitoy" Moreno.

Ayon sa desisyon ng Supreme Court, nabalewala ang guideline ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) nang maisama ang pangalan ng apat kahit wala sila sa isinumiteng short list ng mga nominado noong 2009.

Nagkaroon din daw ng "grave abuse of discretion" ang noo’y Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo nang ideklara nitong National Artists ang apat.

(Read: Supreme Court invalidates National Artist Awards on Carlo Caparas, Cecile Guidote-Alvarez, Francisco Mañosa, and Pitoy Moreno)



CARLO J. CAPARAS. Nakausap ng Aksyon ang isa sa binawian ng karangalan na si Carlo J. Caparas via phonepatch.

Ayon sa direktor, hindi pa niya natatanggap ang court order pero nalaman niya ang balita mula sa telebisyon.

Sumama ba ang kanyang loob sa pangyayaring ito?

Sagot ni Direk Carlo, “Alam mo, kung sasabihing sumama ang loob palagay ko, hindi na dapat, e, dahil tila expected na siguro ’yan sa panahon na ito.

“Alam mo naman ’yang National Artist award na ’yan, ikinukunsidera ko na lang na bonus na ’yan sa buhay ko.

"Kasi alam mo naman ang totoong karangalan at ang medalyang natanggap ko sa mga kababayan natin, sa suporta nila sa akin sa maraming dekada sa pagsusulat ko sa komiks, pagdidirek ko ng pelikula, at mga teleserye ko sa telebisyon na hanggang nagayon ay sinubaybayan pa rin ng tao.

“Yun talaga ang medalya ko, e.

"At natutuwa naman ako na patuloy ang pagtitinginan natin nang maganda ng mga taong-bayan.”

Ano ang masasabi niya sa pahayag ng Korte Suprema na inabuso raw ni dating Pangulong Arroyo ang kapangyarihan niya sa pagkakaloob ng National Artist award sa kanilang apat?

Tugon ni Direk Carlo, “Kasi wala naman ako sa loob ng Malacañang at hindi ko hiningi ang award na ito, katulad ng mga kasamahan ko na sina Cecille Guidote-Alvarez, Mañosa, at Moreno.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Hindi namin hiningi ang award na ito kundi ipinagkaloob sa amin bilang mga alagad ng sining.

"At ang mga alagad ng sining, ang mga artists, kapag pinapurihan o binigyan ng karangalan, talagang tuwang-tuwa ang kalooban namin dahil sa iyan ang kailangan namin, e.

"Kasi, sabi nga, appreciation first before compensation.”

Dagdag niya, “E, nakakalungkot lang siyempre na ganito ang nangyari.

"Pero wala tayo magagawa dahil isa akong mamamayang kumikilala ng liderato, kumikilala ako ng batas na umiiral.

"Sa palagay ko, sapat na sa akin na alam kong ilang dekada akong nagpakahirap, nagpakahusay na magsulat at magdirek.

"At hindi ko tinutulugan ang trabaho ko, talagang maghapon akong nagsusumikap pagandahin ang trabaho ko, para sa mga sumusubaybay.

"At alam ko naman na medyo may tiwala sa akin ang tao sa kakayahan ko, kasi marami ang bumabati sa akin nang ipinagkaloob ang karangalang ‘yan.

"At hanggang ngayon, nagpapatuwa sa kalooban ko at, palagay ko, mas intindihin kong mapaganda pa lalo ang mga nobela ko, ang mga idinidirek kong pelikula, at ang mga teleserye ko kaysa pag-isipan ko ang pangyayaring ito.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN