Shalala hopes to work with Boy Abunda: “Kasi idol ko si Kuya Boy, e. At saka talagang mabait siya.”

Pinabulaanan ni Shalala na “ungrateful” ang showbiz nang naglitawan ang suporta ng mga kaibigan sa paglunsad ng kanyang pelikula. Sabi niya: “Hindi totoo iyong sinasabi na ungrateful ang showbiz, may mga totoo talagang kaibigan dito. Siguro, ito iyong sinasabi nila na mayroong tunay na kaibigan sa showbiz, basta totoo ka lang sa kanila.”


Hindi makapaniwala si Shalala na aapaw ang guest stars para sa kanyang launching movie na Echoserang Frog.

Nag-commit na ang ilang mga artista at patuloy pa rin ang iba pa na sasali bilang suporta sa kanya.

Nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Shalala kamakailan sa compound ng TV5.

Bulalas niya, “Na-shock ako, actually. Ang dami, e. Ang dami!

“Ang alam ko lang kasi na magsusuporta sa akin diyan ay si Mr. Fu, iyong grupo sa Ang Latest, ’tapos ay si Kuya Germs [German Moreno].

“Kaya talagang not in my dreams na ganito ang mangyayari.

“Sabi nga ni Direk [Joven Tan], kada-gap, iba-ibang artista ang mapapanood sa pelikulang ito.

“At ang dami pang ano…pero hindi namin alam kung saan pa isisiksik, kaya na-shock talaga ako.

“Hanggang sa iyong iba, baka magsabi na, ‘Ay, naku, bakit hindi kami nag-guest diyan?’

“So, nakakatuwa na, halos hindi ko kasi inaasahan ito, e.”

MORE STARS. Sinabi rin niya ang iba pang mga star na mapapanood sa Echoserang Frog.

“Siyempre ang pinaka-sidekick ko diyan, ang best friend ko na si Kiray [Celis]…

“Nandiyan si Joross Gamboa, Marco Alcaraz, si Dennis Padilla, ang buong grupo ng Ang Latest, Odette Khan.

“’Tapos, na-touch ako talaga kay Jaclyn Jose at kay Derek Ramsay. Si Iza Calzado ay okey na rin.

“Nakausap na rin ni Noel [Ferrer] si Ryan Agoncillo, kaya bale si Juday [Judy Ann Santos] na lang ang nililigawan namin.

“Si Kuya Germs siyempre ay nandito, hindi iyon mawawala.

“Pati si Jojo Alejar, Vin Abrenica, andito rin, ’tapos, si Anita Linda, si Lilia Cuntapay, Wendell Ramos, Angelu de Leon, nandito rin sila.”

REAL FRIENDS. Ayon pa sa komedyante, hindi totoo ang sinasabi o paniniwala ng iba na ungrateful ang mundo ng showbiz.

“So, rito ko napatunayan na hindi totoo iyong sinasabi na ungrateful ang showbiz, may mga totoo talagang kaibigan dito.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Actually, isa pang nalulungkot nga ako, kasi, close ako sa Magdayao, di ba?

“Hindi ko pa sila nakakausap, even si Vina [Morales], kasi, kaibigan ko siya, alaga ko siya sa Viva.

“Sabi nga ni John Nite, ‘Bakit hindi mo tawagan si Vina, naghihintay lang ng tawag mo iyon?’

“So, ang iba pang close [sa akin], iyong mag-asawang Ronnie Ricketts at Mariz, si Jackie Lou Blanco…at marami pa,” kuwento pa niya.

“So, siguro ay ito iyong sinasabi nila na mayroong mga tunay na kaibigan sa showbiz, basta totoo ka lang sa kanila.

“Kasi, hindi ba sabi nila, ang hirap daw makipagkaibigan sa showbiz, mahirap makahanap ng totoong tao?

“Pero, no, hindi totoo iyong ganoon. Mayroon ding ganoon, pero mas marami ang mabait.

“Lalo na kung iisipin mo na when in times na kailangan mo, like yung kay Derek Ramsay, nakita ko lang siya na nag-taping dito.

“At sabi ko, ‘Baka puwede kita i-guest dito?’

“Alam mo ang sagot niya? ‘Oo, anytime, basta ayusin lang natin sa schedule.

“At karamihan din sa mga artista na narito ay hindi nagpabayad, talagang for the love of lang.”

DREAM COME TRUE. Nakunan na ang eksena nila ni Derek, pero, natupad kaya ang pangarap niyang maka-love scene si Derek?

“May love scene kami sa kamay! Ha-ha-ha! Kiniss [kiss] ko siya sa kamay, nagka-holding hands kami ni Derek.

“Iyon na ang love scene namin—mag-holding hands,” wika niya, sabay banat ng halakhak na trademark niya.

Kapag mga kaibigan niya at ine-expect pa niyang ibang guests tulad nina Juday at Ryan ay lumabas dito sa Echoserang Frog, ano ang feeling?

“Siguro, kahit hindi na muna ako gumawa ng movie, dahil nandirito ang mga kaibigan ko, ang mga nagmamahal sa akin, iyong mga totoo talaga.

“Feeling ko naman, siguro ay hindi ako hihindian ni Juday, kasi ang dami naming pinasagsamahang movie ni Juday na ako ang promo coordinator niya.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Bukod kina Derek, Juday, at Ryan, may isa pang nais na makaeksena si Shalala.

Sabi niya, “Tsaka isa pang dream ko, na sana ay makasama ko, si Tito Boy Abunda."

Bakit si Kuya Boy?

“Kasi idol ko si Kuya Boy, e. At saka talagang mabait siya.

“Kilala ko siya noon pa, as ’Tolites’ ako."

Tolites ang dating palayaw ni Shalala.

“Kaya kapag nakikita niya ako, di niya ako tinatawag na Shalala, pero as Tolites talaga.”

Mayroon pa ba siyang dream na maging leading man o makasama sa pelikula?

“Bukod kay Derek, talagang ang isa pang gusto ko ay si Coco Martin. Kaibigan ko kasi ang naka-discover kay Coco, si Brillante Mendoza.

“At saka si Coco, Kuya Tolites din ang tawag niya sa kin. Hindi niya ako kilala bilang Shalala, e.

“Pero hindi na muna ngayon. Sa next movie na lang si Coco. Reserba muna si Coco, para maraming reserve,” pahalakhak na sabi niya.

INVITED MENTOR. Paano niya naiparating kay Kuya Germs na gusto niyang lumabas ito sa Echoserang Frog?

“Tinext ko si John Nite, sabi ko pakisabi kay Kuya Germs na may tatawag sa kanya, sa inyo, na magge-guest siya sa movie ko.

“Wala naman siyang sinabi na kung ano—oo agad!

“Hindi ito mabubuo nang wala si Kuya Germs, iyon naman ang sinabi ni Direk Joven at kahit na ng producer namin.”

Sinabi rin ni Shalala kung ano ang totoong pakiramdam at turing niya kay Kuya Germs, kahit na nagkaroon pa sila noon ng tampuhan.

“So, after ng shooting, na-feel ko talaga na mahal ako ni Kuya Germs, sobrang mahal niya ako.

“E, mahal ko rin naman iyon, e,” sinserong paliwanag pa ng TV host-komedyante.

Paano niya ide-describe si Kuya Germs?

“Siya talaga ang totoo kong mentor.

“Sabi nga ng ibang mga tao, ‘Wala namang nakatulong sa iyong iba, kundi siya lang.’

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Actually, totoo naman iyon, siya lang ang nakatulong at mentor ko nga siya at wala nang iba.

“Even Noel Ferrer, hindi niya kukunin sa iyo yun [credit] at sinasabi niya na, ‘Alam ko naman na mahal ka ni Kuya Germs, sobra.’

“So, ganoon si Kuya Germs, totoong-tao siya at hindi rin pinag-usapan dito iyong bayad.

“Alam ko nga ay hindi rin siya nagpabayad, e.

“Kaya nga nahihiya ako, kaya may binili akong frame para sa kanya na ang ganda-ganda ng mukha ng clown.

“Gusto niya kasi iyong clown, hindi ba iyon ang collection niya, yung clown?

“Nabili ko na, pero hindi ko pa nabibigay. Gusto ko, iyon ang regalo ko sa kanya dahil gusto ko, kapag promo na, at saka ko ibibigay.

“Kasi minsan, nagre-request iyan, ‘O, bilihan mo ako ng puto…’ So, bibili ako ng puto, kasi, iyon ang gusto niya, puto at dinuguan.”

So, magpo-promote din siya sa show ni Kuya Germs na Master Showman, Walang Tulugan?

“Oo naman, sabi nga ni Noel, kakaririn natin hanggang Dos [ABS-CBN]. So, sana,” wika niya.

SMALLER ROLES. Ayon pa sa Kapatid talent, pagkatapos ng Echoserang Frog, okey lang na magbalik uli siya sa dati niyang mga ginagawa.

Ayaw naman daw kasi niyang lumabas na parang sobrang ambisyoso.

Sabi niya, “Hindi ko naiisip na tuluy-tuloy na magbibida ako.

“After this, balik ulit ako sa dati, pero kung maaari ay ayaw ko na ng bida.

“Siguro, puwede pa rin ako sa mga maliliit na eksena like kay Bossing Vic Sotto, hindi ba madalas naman ako sa kanya?

“Balik na ulit sa dati. At least ay naranasan ko nang maging bida, tapos na sa akin iyon.

“Kasi baka naman sabihin ng iba na sobrang ambisyoso na ako.

“Sabi ko nga, tama na muna ito, for the meantime, ha? For the meantime!

“Pero kung ako ang papipiliin, oky na iyong best friend nga ng bida.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

NEW SHOW. Sa pagkawala ng showbiz talk show nilang Ang Latest sa TV5, inamin ni Shalala na nalungkot siya, pero may ipapalit naman daw dito na sila-sila pa rin ang magkakasama.

“Nalungkot kami, pero in-assure naman kami ni Sir Perci [Intalan] na grupo pa rin namin, magkakasama pa rin kami.

“Sabi nga ni Nanay [Cristy Fermin] noong nakipag-meeting siya, para kaming Noah’s Ark, parang barko, na wala raw iwanan, lahat nakasakay.

“Pero siguro, pahinga lang kami ng mga three weeks. So, malungkot din na masaya.”

Si Amy Perez ba ay makakasama niya pa rin? May mga ispekulasyon kasi na lilipat na ito ng ibang TV network.

“Makakakasama iyan, ipaglalaban namin iyan. Mahal namin siya at hindi puwedeng mawala ang isa man sa amin. Bale pito kami, e,” paniniyak ni Shalala.

HUMBLING EXPERIENCE. Sa mga magagandang nangyayari sa kanyang career, hindi ba siya nakakaramadam na parang nagbabago o nagkakaere na sa ulo?

“Walang nagbabago sa akin, wala.

“Iyong sinasabi nilang mga ereng ganyan, siguro kapag nakikita nila akong nakaganoon [sabay pikit at sandal sa pader], antok na antok lang ako at akala nila ay nagsusuplada ako.

“Hindi ko kayang magganoon, dahil ang unang-unang aaway sa akin ay si Kuya Germs.

“Kapag may nababasa kasi siya, talagang nagtatanong siya at tiyak na papagalitan niya ako.

“Dahil ayaw niya ng negative, kasi kapag ganyan, magtatanong siya, ‘Ano itong nabasa ko?’

“’Huwag mo na iyang patagalin, kausapin mo na, ayusin na agad iyan…’ Ganoon talaga si Kuya Germs, e.”

Ano ang pinakamagandang payo na ibinigay sa kanya ni Kuya Germs?

“Iyong maging makatao, unahin daw mahalin iyong mas nakakababa.

“Ganoon naman kasi si Kuya Germs, lagi iyong ganoon, mas nakakababa ang naiisip niya.

“Mahalin ko daw ang trabaho at payo niya rin na be professional, na hindi dapat pinaghihintay ang mga kasama sa set o sa trabaho.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Alam mo naman si Kuya Germs, on the dot na kapag sinabing 7 a.m., before 7 ay nandiyan na iyang si Kuya Germs.”

Sinabi pa ng 52-year-old na komedyante na sa ngayon ay wala na siyang mahihiling pa sa Diyos.

“Wala na akong mahihiling pa, naibigay ko na rin ang para sa mga kapatid ko, naabot ko na rin ang gusto ko para sa buhay ko.

“Kung mayroon mang darating pang blessings, pasalamat na lang ako sa Diyos.

“’Tsaka gusto ko pa rin na maipagpatuloy ang aking foundation, iyong sa Fe Del Mundo [Medical Center Foundation], iyong mga batang may cancer.

“Tumutulong ako sa abot ng aking makakaya, kung minsan ay nagfa-fund raising kami ni Noel Ferrer.

“Ito iyong sa may Banaue [Quezon City], iyong mga batang may mga cancer.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN