Glaiza de Castro on tackling more diverse roles in indie films: “Ayaw ko namang makulong lang sa isang putahe ng pag-arte.”

Glaiza de Castro on her indie movie’s timely and socially-relevant message about the plight of OFWs: “Buti na lang at merong producers at mga taong mababait ang loob na nag-produce ng ganitong magandang pelikula na ganito ang konsepto. Hindi lamang puro entertainment pero para i-educate din ang mga tao about what’s really happening sa ibang nangyayari sa OFWs natin.”


Nakatakdang magsimula next week ang shooting ni Glaiza de Castro para sa pinakabago niyang indie movie para sa taong ito—ang Cattleya, An OFW Story ng One World Production International Films sa direksyon ng baguhang indie director na si Joric Raquiza.

Sa contract signing cum pocket presscon na ginanap kagabi, August 2, sa Hotel Rembrandt sa T. Morato Ave., Quezon City ay masayang ibinalita ni Glaiza sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ang latest development sa kanyang acting career.

Bungad na kuwento ng Kapuso star tungkol sa role niya bilang si Lea, “Masaya ako sa role ko dito kasi tungkol siya sa babae na nagtrabaho sa abroad para maihaon ang pamilya niya sa hirap.

“Kasi... may kaya naman sila pero nasalanta sila ng bagyong Ondoy. Malapit ito sa reality talaga at nangyari talaga sa totoong buhay.

“Nang mabasa ko nga ang script ay mas naging aware ako sa pinagdadaanan ng mga kababayan natin sa abroad.

“Matapos kong mabasa ang script, na-challenge talaga ako na gawin ito namg maayos at iparating din sa tao kung gaano rin kahirap lalo na yung pinagdaanan ni Lea, yung main character.

“Nakaranas siya ng iba’t ibang ano... ginawa pa siyang parang messenger ng drugs ng mga sindikato.”

Dagdag pa niya, “Naaawa ako tungkol dun sa mga taong nasa abroad at hindi aware ang mga pamilya nila dito sa Pilipinas kung ano ang pinagdadaanan nila.

“Buti na lang at merong producers at mga taong mababait ang loob na mag-produce ng ganitong magandang pelikula na ganito ang konsepto.

“Hindi lamang puro entertainment pero para i-educate din ang mga tao about what’s really happening sa ibang nangyayari sa OFWs natin.”

Bilang isang dramatic actress, may gusto rin siyang patunayan sa pelikulang ito.

Ayon sa isa sa pinakamagaling na bida-kontrabidang aktres, “Oo. Gusto ko rin naman yung mga ganitong klaseng projects, di ba?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Hindi naman lagi na gusto ko mabigat [ang role ko]. May times naman na gusto ko relax lang tulad sa movie namin noon na Coming Soon... gusto ko, parang rock and roll lang.

“Siyempre, naghahanap ka ng iba’t iba, e. Ayaw ko namang makulong lang sa isang putahe ng pag-arte.

“Dito, ayoko namang isipin na pressure siya.

“Mas nae-excite ako sa kalalabasan ng pelikula kasi most of the actors here ay first time kong makatrabaho.

“Looking forward ako na marami akong matutunan lalo na’t out of the country din namin siya gagawin kasi may shoots kami na sa Hong Kong gagawin, e,” kuwento pa ni Glaiza.

Ito rin daw ang pelikulang maghihiwalay sa kanya sa kamalayan ng mga manonood bilang si Heidi, ang role niya sa Temptation of Wife na nagdala sa kanya ngayon bilang isa sa pinaka-epektibong character actresses ng kanyang henerasyon.

Aniya, “Ano naman ako. Siyempre, malaki ang pasasalamat ko dun sa role na yun kasi kung hindi naman dahil dun, personally hindi ko... kumbaga, achievement talaga yun sa akin.

“Na-recognize ako ng mga tao. Nalaman nila yung capability ko as an actress at saka, oo, naging paghahanda na rin yun sa kung ano pa ang darating na mga project.

“Tulad nga dito sa Cattleya, siyempre ibang Glaiza ang makikita nila—mabait, mahinang matapang na pinaglaruan talaga ng tadhana.”

PREPARATIONS. Bilang paghahanda sa naiibang papel niya, ano naman ang mga preparasyong ginagawa niya?

Paliwanag ni Glaiza, “Ginagawa ko ay pinag-aaralan ko ang papel na kapag inarte ko ay as close to reality as possible.

“Siguro, mas observant ako sa mga tao around me.

“At saka ganun ako, e. Bago ako sumabak sa isang project, mapag-observe talaga ako.

“Kasi kung ano yung nakikita natin sa paligid natin, yun dapat ang makita ng tao sa pelikula—yung hindi gaano exaggerated at hindi kulang, yung sapat lang.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

May kapatid si Glaiza na isa ring OFW (Overseas Filipino Worker) at nakapag-show na rin siya sa abroad at nakita niya ang sitwasyon ng mga kababayan natin overseas.

MESSAGE. Ano sa palagay niya ang mahalagang mensaheng puwede niyang ibahagi sa mga ito?

Nangingiting sambit ng 25-year-old actress-singer, “Gusto ko munang sabihin yung tungkol sa mga pamilya nila na naririto sa Pilipinas.

“Pahalagahan nila ang mga perang ipinadadala sa kanila ng mga mahal nila sa buhay na nagsasakripisyo sa ibang bansa.

“Kasi hindi nila alam kung gaano kahirap ang pinagdaanan ng mga nasa abroad ang mga kakarampot na pera o kahit yung malaki man, talagang dugo at pawis ang naging puhunan nila.

“Hindi naman pumupunta ang mga Pinoy sa abroad para magpakasaya, e.

“Minsan ang nasa isip ng mga kapamilya dito na kapag umalis yung mahal nila sa buhay, e, mas magiging maginhawa ang mga buhay nila.

“Actually, mas mahirap. Mas mapalad pa tayo na mga nagtatrabaho dito, lalo na yung mga naka-establish na ng business dito dahil sa totoo lang, mas masaya sa atin, di ba?

“At saka, tulad nga ni Lea, hindi lahat ay maayos ang kinalalagyan sa abroad. Iba talaga kapag nasa sarili kang bansa kahit hindi ganun ka-bongga ang buhay mo, di ba?.

“Kahit sapat lang, okay na yun kasi nanduyan ang pamilya mo. Nandiyan ang mga kaibigan mo,” pagkumpara niya.

OPEN TO SUGGESTIONS. Dahil marami siyang dramatic moments dito, sa tingin ba niya ay makakakuha siya ng acting award at kahit nominations man lang bilang si Lea?

Nag-aalangang sabi niya, “Masyado pa naman pong maaga para isipin ’yan. Para sa akin, ang ginagawa ko muna ay pag-aralan ang role ko at gawin kung ano ang expected sa akin.

“Yung acting award, hind ko naman iniisip kaagad kasi baka mas lalo akong maging conscious kapag umarte na ako.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Pero, magandang material po si Lea kasi ang dami niyang emotional struggles dito. Siguro, na kay Direk Joric na rin kung paano niya palalabasan ang anumang talento merong ako.

“Kaya nga kahit sa script writing, ini-involved ko ang sarili ko kasi gusto ko, kahit yung dialogues gusto ko makatotohanan.

“May lines kasi dito na parang...gusto ko yung kaswal lang. Yung parang nakikipag-usap ka lang kasi kung sobrang melodramatic parang... alam mo yun... parang malayo sa truth.”

Mabuti at malaya siyang pinagbibigyan ng maging bahagi siya ng team effort ng produksiyon.

“Open naman po sila,” bulalas niya.

“Sinasabihan naman nila ako na kung ano ang maisa-suggest ko at sa tingin naman nila ay tama, okay lang sa kanila.

“Sila din ang nagsabi na pelikula ko ito so kung ano ang maitutulong ko, puwede kong gawin.

“So far, wala naman kaming problema. Mababait lahat sila sa akin at excited na kaming matapos ang movie,” pagtatapos niya.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN