Tart Carlos recounts her conversion from die-hard Noranian to true-blue Vilmanian

Tart on working with Vilma Santos: “During the shoot for Ekstra, ang sabi niya sa amin, since never siyang naging extra, okay lang kung gusto daw naming siyang tabunan at eksenahan. Doon ako humanga sa kanya kasi Vilma Santos ito—Star for all Seasons, Governor ng Batangas tapos pumapayag na sapawan namin siya? Saan ka nakakita ng artistang ganyan na sobrang mapagbigay despite her status sa industriyang ito? At sobrang saya siyang kasama talaga. W


Big hit sa Cinemalaya Independent Film Festival 2013 ang Ekstra: The Bit Player na pinagbibidahan ni Batangas Governor and Star for all Seasons na si Vilma Santos-Recto.

Umani ng maraming papuri ang pelikulang ito ni Jeffrey Jeturian. Bukod sa mahusay na pagganap ni Governor Vilma bilang si Loida, isang hardworking showbiz bit player, napansin din ang husay ng kanyang gumaganap na best friend sa movie na ginagampanan naman ng komedyanteng si Tart Carlos.

Si Rita Rosario Carlos, o mas kilala bilang Tart Carlos, ay host at stand-up comedienne ng comedy bars na The Library at Laffline, pero lumalabas na siya sa iba’t ibang mga TV series sa GMA-7, TV5 at ABS-CBN 2. Nakagawa na rin siya ng ilang mga comedy movies.

Sumikat si Tart bilang ang kikay na yaya/housemaid na si Doris sa long-running hit morning series na Be Careful With My Heart ng ABS-CBN.

FROM NORANIAN TO VILMANIAN. Para sa mga hindi nakakaalam, galing pala sa pamilya ng mga die-hard Noranians itong si Tart.

“Noranian po ang buong pamilya namin.

“At ako po ay isinilang at lumaki na nanonood ng mga pelikula ni Nora Aunor at nakikipag-away sa mga fans. Totoo yan, walang ka-echosan!” tawa pa ni Tart nang makakuwentuhan siya ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kamakailan sa isang event ng Cinemalaya.

Pero noong alukin nga siya ni Direk Jeffrey ng role sa Ekstra bilang best friend ni Ate Vi, hindi nga raw nakatanggi itong si Tart kahit na isang Noranian siya.

“Sinabihan na ako ni Direk Jeffrey na gagawa siya ng indie film with Vilma Santos para sa Cinemalaya. Gusto niya na ako ang gaganap na best friend ni Ate Vi.

“Pinaghandaan ko talaga yun kahit walang bayad kasi Vilma Santos naman ang bida. Tatanggi pa ba ako?

“Nang nakilala ko si Ate Vi, ay bigla akong na-convert!

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Hindi ko sinasabing ako ay hindi na Noranian. Pero ngayon, Vilmanian ako!” sabay tawa niya ng malakas.

Wala naman daw pagkakaiba ang una niyang pagkakakilala kay Ate Vi sa pagkakakilala niya rin sa unang pagkakataon kay Ate Guy noong makasama niya ito sa teleserye ng TV5 na Sa Ngalan Ng Ina noong 2011.

“Tulad kay Ate Vi, na-starstruck din ako kay Ate Guy nung nakatrabaho ko siya. As in, hindi ako makapaniwala na kaharap ko na ang iniidolo ng pamilya ko.

“Si Ate Guy kasi, seryoso. Siya yung typical na serious actress.

“Ang papel ko pa naman sa Sa Ngalan Ng Ina, secretary ng asawa niyang si Bembol Roco na laging inaaway ang character niya.

“Tapos nandun pa yung anak niyang si Ian De Leon na laging nanunukso pag eksena na naman, sasabihin nya, ‘O, ayan na si Mama.’ Alam niya kasing Noranian ako.

“Being a Noranian, kinakabahan ako lagi pag eksena na namin,” pag-alala pa ni Tart.

“Kay Ate Vi naman, ibang experience. Wala akong pressure na naramdaman sa kanya kasi napakagaan niyang katrabaho.

“During the shoot for Ekstra, ang sabi niya sa amin, since never siyang naging extra, okay lang kung gusto daw naming siyang tabunan at eksenahan.

“Doon ako humanga sa kanya kasi Vilma Santos ito—Star for all Seasons, Governor ng Batangas tapos pumapayag na sapawan namin siya?

“Saan ka nakakita ng artistang ganyan na sobrang mapagbigay despite her status sa industriyang ito?

“At sobrang saya siyang kasama talaga. Walang araw na hindi ako excited na makasama siya. E, halos lahat ng scenes ko kasama ko si Ate Vi.

“Kaya bigla nga akong naging Vilmanian!” malakas na tawa niya.

THE PROLIFIC EXTRA. Nakaka-relate nga si Tart sa kanilang pelikulang Ekstra dahil alam niya ang pakiramdam na maging isang ekstra sa tunay na buhay.

Pagmamalaki niyang kuwento, “Lahat pinagdaanan ko na bilang ekstra. Eight years akong ganyan.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Yung kahit na anong trabaho, basta mapasama ka lang. Minsan hindi ka nababayaran, hindi ka nakakakain. Lahat ng sakripisyo ay gagawin mo.

“Pero masaya ka naman kasi nakakita ka ng artista at nakasama mo sila sa eksena.

“Kung ano ang napanood ninyo sa movie, yun ang buhay naming mga extra. Walang exaggeration. Lahat ng hirap, sermon at pagpapahiya ay naranasan ko na bilang extra.”

Beterana na nga raw si Tart sa pagganap bilang katulong. Dahil maraming beses na niyang nagampanan ito.

“Mapa-TV, pelikula, teatro at sa TV commercials. Siguro 50 times or more na akong lumabas bilang katulong.

“Pero sa role ko as Doris nga ako mas nakilala at malaki ang pasasalamat ko kay Direk Jeffrey.

“Una kaming nagkasama sa Mundo Man Ay Magunaw at natuwa daw siya sa akin. Kaya sinama niya ako sa Be Careful With My Heart.

“Doon ako nakilala ng maraming tao at kahit saan ako magpunta, Doris ang tawag sa akin. Kaya masasabi kong malaking break ang show na iyon for me.

“Tapos dumating pa itong Ekstra nang dahil din kay Direk Jeffrey. Natutuwa ako sa mga magagandang reviews ng pelikula namin,” diin pa ni Tart.

NOT HOPING FOR AWARDS. Nang may magsabi nga na may posibilidad na magkaroon siya ng acting nomination para sa role niya sa Ekstra, ngumiti lang si Tart at sinabing...

“Hindi ko naman iniisip ‘yan.

“Masaya na ako sa mga magagandang reviews nila sa Ekstra. Lalo na sa performance ni Ate Vi. Siya ang gusto kong manalo sa movie dahil ang galing-galing niya.

“Ako, happy akong nakasama sa movie na ito at marami ang nagandahan.

“Wish ko ay maipalabas ito sa iba’t ibang international film festivals at sana ay makasama ako sa pagbiyahe ng Ekstra!” panalangin niya.

Hindi nga rin malayo na matulad nga si Tart sa naging successful climb sa showbiz ni Eugene Domingo na nagsimula rin bilang extra noon sa pelikula at telebisyon.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Ang sarap mangarap, di ba?” tawa pa niya.

“Malayung-malayo pa ako sa ganyang estado.

“Ngayon kasi ini-enjoy ko ang mga trabahong dumarating. Hindi ko naman inasam ang maging big star.

“May mga taong destined na maging ganyan. May mga tao naman na hanggang dito na lang pero maayos naman ang lahat. Balanse lang tayo.

“Nandito ako sa industriyang ito para maipakita ang kaya kong gawin. Yung ma-appreciate nila ang talent ko and I will do my best in everything.

“Malagyan lang ng pagkain ang aming lamesa at huwag lang akong mawawalan ng trabaho at pang-tuition sa mga anak ko, okay na sa akin yun,” pag-aming muli ni Tart.

WHAT’S IN A NAME? Inusisa namin kung saan nanggaling ang kanyang palayaw na “Tart” na tila malayo sa kanyang totoong pangalan na Rita Rosario.

“Kasi noong high school ako, dahil sa sobrang kadaldalan ko, ang tawag nila sa akin ay Taratirat.

“Dahil yun na nga ang tawag sa akin, inigsian nila at naging Tart na lang. Kaya yun na ang nakasanayan na itawag sa akin sa school. Hanggang sa bahay, Tart na ang tawag sa akin,” pagbalik-tanaw niya.

Bata pa lang daw si Tart ay mahilig na itong magpatawa kaya hindi katakatakang pasukin niya ang pagiging isang komedyante sa mga comedy bars.

“Makuwento at makulit na talaga ako noong bata pa lang ako. Tapos ang dami kong naiisip na mga bagay-bagay at nagbubuo ako ng kuwento.

“Doon sila natatawa sa akin kasi ang bata ko nga pero ang dami kong alam. Hindi nila alam kung nagsasabi ba ako ng totoo o hindi.

“Basta natatawa na lang sila sa akin.

“Kaya noong pasukin ko nga ang mundo ng pagpapatawa, hindi na nagulat ang mga nakakakilala sa akin kasi iyon daw ako sa totoong buhay.

“’Tsaka gusto ko nga, masaya lahat ng mga tao. Kahit na may problema tayo, smile lang tayo at tumawa. Gaganda pa tayo, di ba?” pagtatapos pa ni Tart Carlos.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN