Robin Padilla officially "buries" Rustom Padilla

Pormal na idineklara ni Robin Padilla ang "paglibing" sa kapatid na si Rustom Padilla sa harap ng maraming tao sa show kamakailan ni BB Gandanghari. Sabi pa ni Robin, “Naniniwala ako sa pinili mong kasarian, magiging hari ka...”


“Kailangan natin, Ma, mailibing na natin si Rustom.”

Ito ang makahulugang pahayag ni Robin Padilla kay Mommy Eva Cariño patungkol sa kapatid na si BB Gandanghari (dating si Rustom Padilla) sa concert ng huli noong Sabado ng gabi, August 3, sa Music Museum.

Hindi man direktang sinabi, posibleng hudyat na ito ng pagkilala, kung hindi man pagtanggap ni Robin kay BB.

Pagdating ng closing ng “The Beauty And The Sweet” concert nina BB at John Lapus, inanyayahan si Robin na umakyat sa stage, mula sa kinaroroonan nito sa audience kasama ang kanyang kabiyak na si Mariel Rodriguez.

Naroon din sina Mommy Eva, mga kapatid na babae nina Robin at BB, mga pinsan at pamangking si Bela Padilla para magbigay ng suporta kay BB.

“Kailangan natin ng pormal na ilibing natin si Rustom, sapagkat sa ipinakikita ng kapatid ko, ’tol, ang galing mo!” papuri ni Robin kay BB, na napamangha ang mga nanonood dahil sa kanyang makapigil-hiningang aerial art dance sa isa sa kanyang performances.

“Thank you,” simpleng sagot ni BB sa papuri ng nakababatang kapatid.

Tila ipinagmamalaki rin ni Robin ang performance ng kapatid dahil nagbigay pa ito ng mga hamon sa mga action stars.

“Yung ginawa mo na ’yon, hindi ko kaya ’yon.

“At kahit sino’ng nag-a-action star ngayon, sige nga gawin mo nga ’yon? Kahit sino... kahit sino.

“Kahit ako inaamin ko, di ko kaya yon,” pag-amin ni Robin.

Naghalakhakan ang mga tao sa tuwa sa tinuran ng action superstar.

Nagpalakpakan naman ang mga tao sa sumunod na pahayag ni Binoe.

“Kaya yung huling natitira kong pera, yung pang-farming namin ng asawa ko, pagpu-prodyus ko ng pelikula mo, ’tol.”

Tanging naibubulas ni BB ay ang mga katagang, “Naku, thank you.”

Sabay hirit pa ni Robin, “Mukhang kikita ako do’n,” bilang indikasyon ng pagkabilib sa ginawa ni BB.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Napakagaling no’n yung height, nakuha mo, ang tapang mo... ang tapang mo, ’tol.

“Mabuhay ang inyong rebolusyon,” dagdag ni Robin, patungkol sa mga taong kabilang sa third sex.

Tugon ni BB, “Maraming salamat sa ’yo sa support and everything.”

Kuwento pa ni Robin, nakita raw niya ang kanyang pamilya na dumalo sa show kung gaano sila ka-proud kay BB.

“Nakita ko maligayang maligaya ang mga kapatid [ko], mga pinsan ko, pamangkin ko...

“Maligayang-maligaya kami dahil ang galing mo at naniniwala ako sa napili mong kasiraan magiging hari ka... ikaw na nga si BB Gandanghari!”

Pagkatapos ng napaka-emosyonal na eksenang iyon ay mahigpit na nagyakap ang dalawa—dahilan upang maghiyawan ang mga tao sa audience.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN