Ejay Falcon on Sarah Geronimo: "Bago pa ako mag-artista, crush ko na yun."

Ito ang paliwanag ni Ejay Falcon kung bakit hindi siya gumagawa ng paraan para magkakilala sila ni Sarah Geronimo: "Kasi naniniwala ako na, siguro kung talagang… parang right time, di ba? Tamang panahon, tamang lugar. Hindi mo naman puwedeng madaliin, di ba? Ang hirap, e, pag padalus-dalos ka. Siguro pagtatagpuin kami ng tadhana… Hinihintay ko na lang yun, kung talagang darating yung time na yun."


Masaya si Ejay Falcon dahil na-extend ang pinagbibidahan niyang afternoon soap sa ABS-CBN, ang Dugong Buhay.

Hindi raw ito inasahan ng young actor.

“Kasi iniisip ko nga nung ginagawa namin, ‘Siguro saglit lang ’to kasi ang hirap niya gawin. Kasi action, e.’

“Ang hirap gawin talaga nung... dito sa taping namin, mabilis kang mapagod.

"Minsan konti lang yung nakukunan namin kasi... iba kasi yung mga shot pag action, action scenes.

“So, dun kami sa... hindi ko talaga in-expect na tatagal, kasi nga mahirap.

"Tapos yung mga kasama ko ditong artista, halos karamihan, baguhan lang din.”

Nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang miyembro ng press si Ejay sa set ng Dugong Buhay noong Biyernes, August 2.

Sa serye, gumaganap si Ejay bilang Gabriel de Lara o Victor Bernabe. Unang ginanampanan ni Bong Revilla Jr. ang role sa movie version nito noong 1983.

Kuwento ni Ejay, isa sa mga pinakamahirap na eksenang ginawa niya ay nang kaladkarin siya ng isang 4x4 na sasakyan. At hindi raw siya kumuha ng stunt double para sa naturang eksena.

“Hindi, hindi. Kasi si Direk Toto [Natividad] naman, may tiwala naman sa akin na pag sinabi niyang ‘Victor, kaya mo yan!’ Kaya ko. Kilala niya kasi ako.”

Nasanay na ang direktor na tawagin si Ejay na "Victor," ang pangalan ng kanyang karakter sa serye.

Maraming training din daw ang pinagdaanan si Ejay para sa Dugong Buhay.

“Nag-ano po kami, parkour… ganun… mga martial arts. Tapos, kali… yung sa balisong. Marami… basta martial arts.

“Pero, dun kami natagalan sa parkour… yung mga tumatalon… yung mga tumatalun-talon sa building.”

ACTION STAR IN THE MAKING. Dahil sa Dugong Buhay ay natupad ang pangarap ni Ejay na maging isang action star.

Aniya, “Siguro ano… pangarap ko talaga.

"Pangarap kong gumawa ng action, fan talaga ako ng action films kahit nung bata pa ko.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Pag tinanong ako kung anong gusto kong panoorin, action talaga. So, ayun.

"Dati, pinapanood ko, tapos ngayon, nakagawa ako."

Dagdag niya, “At masuwerte ako na sa dinami-dami naming artista sa Star Magic, sabihin nating Star Magic pa lang, hindi pa kasama yung buong artista sa ABS…

“Masaya po ako na ako yung nabigyan sa ngayon sa henerasyon namin na yun, binigyan nga po ng action.

"Kasi alam ko marami din, marami ding gusto ng action.

“Sabi nga ng handler ko last week, mga lalaki sa Star Magic kapag tinanong, anong gusto mo, action din ang gusto nila, e.

“Ayun, masuwerte ako na nabigyan ako, nabigyan agad ako at Direk Toto [ang direktor].”

Marami rin ang nakakapansin ng improvement sa pag-arte ni Ejay.

Hindi naman daw nao-offend si Ejay kapag sinasabing marunong na siyang umarte ngayon, na ibig sabihin ay hindi siya marunong umarte noon.

Sabi niya, “Nakakatuwa po.

"Kasi kahit dati nung sinasabi nilang hindi ako marunong, parang okay lang, e. Parang hindi naman ako napipikon talaga.

“Tapos ngayon, dahil sasabihin nilang marunong ako, salamat sa mga nagsasabi. Salamat sa mga nakaka-appreciate nung mga ginagawa ko.”

CRUSH ON SARAH G. Sino ang pangarap niyang makatrabahong action star?

Sagot ni Ejay, “Nakasama ko na si Kuya, si Robin [Padilla], parang kapatid yung turingan namin.

"Si FPJ sana, e, pero...

"Gusto ko rin si Cesar Montano makasama sa isang action."

Isa raw sa mga gustong i-remake na pelikula ni Ejay ay Ang Utol Kong Hoodlum (1991) na pinagbidahan nina Robin Padilla at Vina Morales.

Nang tanungin kung sino ang gusto niyang makapareha dito, sagot ni Ejay, "Kailangan kasi mas bata yata sa akin.

"Kathryn [Bernardo]… mas bata kasi kailangan… Julia Montes.”

Nang may mag-suggest na ang crush niyang si Sarah Geronimo, pahayag ni Ejay, “Si Sarah, pang-ano yun, Robin-Sharon.

“Pangarap lang… minsan nga, nag-i-imagine ako na parang isang action film with Sarah G… yung parang Maging Sino Ka Man, yung ganun.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Lahat naman ng lalaki pag tinanong… Kasi, di ba, sikat talaga yung movie na yun, e.”

Nang kulitin ng press tungkol sa Pop Star Princess, sabi ni Ejay, “Hindi, kasi yung Sarah kasi, bago pa ako mag-artista, crush ko na yun.

“Ayoko lang masabi na parang… ang daming nanggagamit sa kanya.”

Ano ang nagustuhan niya kay Sarah?

“Siguro yung pagiging simple. Mas gusto ko yung mga babaeng… conservative.”

Kilala ang ina ni Sarah na si Divine Geronimo na mahigpit pagdating sa lovelife ng 25-year-old na dalaga. Sakaling dumating ang pagkakataon ay handa ba si Ejay na magpaalam kay Mommy Divine bago manligaw kay Sarah?

Sagot ni Ejay, “Hindi pa muna, hindi pa muna ngayon. Kasi hindi pa naman kami talaga magkakilala, e.”

Paliwanag niya, hindi pa rin daw sila nai-introduce sa isa’t isa ni Sarah hanggang ngayon.

“Pero nakakasalubong ko siya sa ASAP.

“Hanggang ganun lang, pero hindi pa talaga yung… hindi pa kami nagkakasama sa lahat.”

Ngunit bakit nga ba hindi siya gumagawa ng paraan para magkakilala sila?

Paliwanag ni Ejay, “Kasi naniniwala ako na, siguro kung talagang…parang right time, di ba?

“Tamang panahon, tamang lugar.

"Hindi mo naman puwedeng madaliin, di ba? Ang hirap, e, pag padalus-dalos ka.

“Siguro pagtatagpuin kami ng tadhana… Hinihintay ko na lang yun, kung talagang darating yung time na yun.”

Hindi ba siya natatakot kay Mommy Divine?

Sabi ni Ejay, "Kasi kapag wala ka namang gagawing masama, bakit ka matatakot, di ba?

“Kung hindi masama yung intensiyon mo, hindi ka naman dapat matakot.

"Siguro naman ako, hindi naman masama yung intensiyon ko sa kanya. So, wala.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN