Vilma Santos avoids comparison between Ekstra and Nora Aunor’s Thy Womb

Hangga’t maaari ay ayaw nang magbigay ng komento ang Star For All Seasons na si Vilma Santos sa pagkukumpara ng ilan sa indie films na ginawa nila ng Superstar na si Nora Aunor. Sabi ni Ate Vi, “Ang mahalaga ay kung ano ang magagawa namin para sa ikauunlad ng indie.”


Iniiwasan na ni Star For All Seasons at Batangas Governor Vilma Santos-Recto na magkaroon ng intriga sa kanila ni Superstar Nora Aunor.

Ito ang dahilan kaya hangga’t maaari ay ayaw na niyang magkomento tuwing mapagkukumpara ang kauna-unahan niyang indie film, ang Ekstra, sa nagawang indie movie ni Ate Guy, ang Thy Womb.

Sinasabi kasing tila malalamangan ng Ekstra ang Thy Womb pagdating sa kita ng pelikula, lalo na nga’t naging topgrosser ang movie ni Ate Vi sa katatapos lamang na Cinemalaya Independent Film Festival.

Ngayong araw na ito, Agosto 14, ay nagsimula nang ipalabas sa mga sinehan nationwide ang Ekstra, na co-produced ng Star Cinema at Quantum Films.

Sabi ni Ate Vi sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), “Huwag na nating gawan ng isyu. Huwag n’yo na kaming intrigahin ni Nora.

“Ang mahalaga ay kung ano ang magagawa namin para sa ikauunlad ng indie.”

May linya nga si Ate Vi sa Ekstra na: “E, bakit si Nora Aunor?”

Inamin ng Star For All Seasons na ayaw niyang sabihin ito noong una dahil baka nga maintriga na naman sila ni Nora.

“Sinabi ko nga kay Direk [Jeffrey Jeturian], ‘Direk, iintrigahin n’yo kami.’

“Ang sabi ni Direk, ‘Hindi, nasa script iyan.’ Sabi ni Direk, ‘Sagot kita.’”

Paliwanag naman ni Direk Jeffrey tungkol dito, “I think it’s a compliment kay Nora kasi parang confirmation yun na icon siya.”

Ang usapan daw kasi sa eksenang iyon ay puro mestisa lang daw ang sumisikat at nagiging star kaya ang banat ng karakter ni Ate Vi na si Loida Malabanan, bakit daw si Nora na morena nga naman pero naging Superstar.



MOVIE WITH ATE GUY? Samantala, matagal na panahon na noong huling magsama sa pelikula sina Vilma at Nora.

Dahil pareho nang gumawa ng indie movies ang dalawa kaya naman may ilang filmmakers na nangangarap na pagsamahin sila sa isang indie film, una na nga riyan ang award-winning director na si Brillante Mendoza.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ang tanong tuloy kay Ate Vi: Posible kayang magkasama sila ni Ate Guy sa isang indie movie?

Sagot niya, “Kung mabibigyan kami ng magandang script, I don’t think magiging problema yun.

“Hindi naman kami first time magsama ni kumare ko, ni Ate Guy. Hindi, e.

“Nakaapat na yata kaming pelikula together since we were younger.

“Ang huli namin yata ay yung T-Bird At Ako [1982]. So, hindi imposible.

“Sa edad namin ngayon, we’re not getting any younger, we need a good script.

“Sa tinagal-tagal namin sa industriya, palagay ko hindi naman dapat mapahiya pa kaming dalawa.”

Bukod kay Ate Guy, balak pa raw isama sa proyektong ito si Coco Martin.

Inamin naman ni Ate Vi na may inilapit nga sa kanya na ganitong proyekto si Direk Brillante.

“Pinuntahan ako ni Direk Brillante, binanggit niya sa akin iyan.

“But the thing is isa lang naman ang sinabi ko, ‘Direk, walang problema. Pero I need the script.’

“Pero hanggang ngayon, wala namang script, e,” sabi ni Vilma.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN