Dennis Trillo on being tagged as “male Nora Aunor”: "Sa tingin ko, malayo pa..."

Natutuwa si Dennis Trillo na maging ang kanyang ina ay ipinagmamalaki ang pagganap niya bilang bading sa primetime series na My Husband’s Lover. Kuwento ng Kapuso actor, “Pag pumupunta siya sa parlor, pinagkakaguluhan na rin siya, feeling niya, pag nakausap siya ng mga bading, parang nakausap na rin ako.”


Dahil sa kanyang pagganap bilang Eric sa hit GMA-7 primetime series na My Husband’s Lover, nararamdaman daw ni Dennis Trillo na nanumbalik ang pagtitiwala at pagmamahal sa kanya ng mga manonood.

Sa Temptation of Wife kasi noon ay marami ang nagalit sa kanyang papel bilang si Marcel, isang lalaki na pinagtataksilan ang asawa.

Sabi ng Kapuso actor, “Oo nga, e, matagal na nga akong hindi gumagawa ng talagang mabait na role.

“Kaya siguro natuwa rin yung mga tao na gumaganap ulit ako ng ganito—martir na bading naman para maiba, iyon.”

PROUD MOTHER. Kuwento pa ni Dennis sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), kahit ang sarili niyang ina ay masaya sa kanyang pagganap sa My Husband’s Lover.

“Natutuwa sila dahil kahit saan sila magpunta, siyempre may mga kaibigan siyang bading... Pag pumupunta siya sa parlor, pinagkakaguluhan na rin siya.

"Feeling niya, pag nakausap siya ng mga bading, parang nakausap na rin ako.

“Nakakatuwa na, alam mo yun, na pati mga magulang ko, natutuwa sa mga ginagawa ko.

“Kahit na, alam mo yun, hindi ito yung ordinaryong klase ng role na lagi nilang nakasanayang ginagawa ko.”

Biniro namin si Dennis na baka feeling ng mommy niya ay siya si Chanda Romero, na gumaganap bilang si Sinag o Sol na ina ni Eric sa My Husband’s Lover.

“Parang ganoon, e... oo, e!” at tumawa si Dennis. “Nakakatuwa talaga.”



TALENTED CO-STAR. Very convincing ang pagganap nila ni Tom Rodriguez, bilang lover ni Eric na si Vincent, na kapag pinapanood sila ay tila tunay na mga bading na magkarelasyon.

“Magaling kasi siyang artista, e,” patungkol ni Dennis kay Tom.

“Nagbibigay siya, tumatanggap siya. Pag eksena niya, eksena niya; pag eksena ko, eksena ko.”

Dahil mas matagal nang umaarte sa harap ng kamera si Dennis, may mga pagkakataon ba na umaalalay siya kay Tom para hindi niya ito “malamon” o masapawan sa pag-arte?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sabi ni Dennis, “Nagtutulungan, nagtutulungan kami pareho.

“May mga eksena minsan parang nagugulat na lang ako sa mga ginagawa niya... na parang ako yung nai-intimidate.

"Kasi ano, e, mahusay siya, sensitive siyang artista.

“Nagre-react siya nang tama, hindi siya OA [overacting].

"Kumbaga, maganda rin ang timpla niya doon sa character na ibinigay sa kanya.

“Hindi nagkamali ang GMA sa pagpili sa kanya.”



WARM-UP. Bago kunan ang bawat eksena nila, lalo na ang intimate or emotional scenes, ano ang paghahanda nila ni Tom?

“Wala, ano lang, bago ang eksena, usap muna sandali, para kumbaga warm-up.

“Kasi siyempre, pagdating ng mga madaling-araw, nakakaano na kapag medyo inaantok ka na.

“Tapos kailangan mo pang yumakap sa lalaki, yung ganoon!” sabay-tawa ni Dennis.

Patuloy niya, “Yun bang ang iisipin ninyo, ‘Tapusin na natin ito!’

“So kahit halimbawang 5 a.m. na, kailangang believable pa rin kayo, ibigay mo pa rin, talagang yakapan.

“Minsan nakaka-stress din, pero iniisip ko na lang na maraming manonood nito kaya kailangang pagbutihin namin.”

Dagdag pa ni Dennis, “Sa pag-guide din ni Direk Dom [Dominic Zapata].

“Si Direk, ano, e, talagang simula Temptation of Wife pa lang, talagang yung presentation niya sa bawat eksena, kung papaano niya hinuhuli ang bawat detalye na mga kailangan para sa isang obligasyon mo sa isang eksena, sa character, doon siya magaling, e!”

Minsan ay may input daw si Dennis sa pag-atake niya sa eksena.

“Meron din konti, pero siya talaga, talagang lahat.

"Matalino siyang tao at ini-improve niya rin yung sarili niya.

“Kasi noon pa, siya na yung direktor ko, e...

“Pero ngayon, parang nakita ko, mas lalo pa siyang gumaling at ini-improve niya yung sarili niya palagi, bawat project.

“Sobra ang respeto ko sa tao na yun—matalino, magaling, magaling.”



MALE NORA AUNOR. Hiningan naman si Dennis ng reaksiyon sa sinasabi ng iba na siya ang "lalaking Nora Aunor" pagdating sa kahusayan at lalim sa pagganap.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sabi niya, “Wow! Grabe naman yung kung ihahambing nila ako ng ganito kaaga sa Superstar.

“Pero nakakatuwa naman kung napapansin nila iyon, dahil siyempre, Nora Aunor yun.

“Pero iyon, salamat naman kung ganoon ang tingin nila.

"Pero ako, sa tingin ko, malayo pa, malayo pa.

“Marami pa akong dapat matutunan at pag-aralan bilang isang artista bago ko marating yung ganoong estado ng Superstar.”



LOYAL KAPUSO. Magtatapos na sa January 2014 ang kontrata ni Dennis sa GMA-7. Magre-renew ba siya?

“Oo naman, oo naman,” mabilis niyang sagot.

Hindi siya matsitsismis na lilipat sa ibang network?

“Siyempre nandiyan yung mga offers pero ano, e, mahal ko ang GMA.

“Tsaka ever since, talagang hindi nawala yung tiwala nila sa akin.

“Anuman yung nangyari sa career ko noon, nandiyan sila, sumuporta at hindi nawawala yung pagmamahal nila sa akin.

“Kaya dito lang siguro ako talaga,” pahayag ni Dennis.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN