Businesswoman Cristina Decena recounts ambush attempt

Isinalaysay ng negosyanteng si Cristina Decena ang tangkang pag-ambush sa kanya noong Miyerkules, August 14, sa may Banawe, Quezon City. Nakaligtas si Decena, ang kanyang anak, at isang kasambahay sa nasabing ambush attempt.


Ikinuwento ni Cristina Castillo—kilala rin bilang Cristina Decena—kung paano nila nalagpasan ang nakaambang panganib sa nangyaring pag-ambush sa kanya at mga kasamahan noong Miyerkules, August 14.

Sa ulat ng ABS-CBN kahapon, August 16, sinabi ni Cristina na galing sila ng anak niyang si Danilo Decena at kasambahay na si Helen Francisco sa isang restaurant sakay ng kanilang itim na Hyundai Starex nang bigla na lamang daw silang paputukan ng baril ng dalawang riding in tandem sa corner ng Simon Street at Banawe sa Quezon City.

Dahil sa pangyayari, nasugatan ang kasambahay ni Cristina na si Helen.

Kuwento pa ni Cristina sa panayam sa kanya ng dzMM, "Actually hindi ko alam na binabaril kami kasi yung baril walang ingay, e, may silencer...

"Nakita ko na lang, parang yung salamin ng sasakyan namin, unti-unting nadudurog.

"Nung nakita ko... sinabi ko sa kasambahay ko, ’Helen, dapa, may bumabaril sa atin.’

"’Anak, presence of mind, may bumabaril sa atin.’

"Tapos nagdadasal ako. Sabi ko, ’Lord, tulungan Mo ako. Yakapin Mo po ako ng mga kamay Mo.’"

Maagap naman daw ang kanyang anak na si Danilo, na siyang nagda-drive ng kanilang sasakyan, na mag-U-turn. Nabangga pa nga raw nito ang motorsiklo na kinalulunanan ng mga suspek.

Pero hindi raw ito nagpatigil sa mga suspek at patuloy pa rin daw silang binabaril. Nakakuha rin daw ng ibang sasakyan ang mga suspek.

Sa takot daw niyang hindi sila tantanan ng mga ito sa paghabol, nagdesisyon daw si Cristina na bumaba ng sasakyan para makatakas ang anak at kasambahay.

Kuwento niya, "Sabi ko sa anak ko, ’Anak, this is it. Kailangan ihanap mo ako ng isang lugar na puwede kong takbuhan. Iligtas mo yung sarili mo. Dalhin mo si Helen sa ospital. Anak, ako lang ang kailangan ng mga ’yan. Ako lang ang kailangang mapatay niyan.’"

Tumakbo daw kaagad sila sa Wilcon Depot sa may Quezon Avenue kung saan maagap naman daw siyang ginamot ng mga staff ng nasabing tindahan, dahil kilala naman daw siya doon bilang regular costumer.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW



"HINDI AKO NATATAKOT." Sa nasabing panayam, sinabi ni Cristina na "landgrabbers" ang may pakana ng ambush pero tumanggi siyang pangalanan ang mga ito.

Aniya, "Pag meron silang nagustuhang property, ililipat nila sa pangalan nila.

"Pag nalipat na nila, papatayin ka nila, papatahimikin ka nila para hindi sila mausig ng batas.

"Iniisip siguro nila pag napatay ako, wala na, kanila na yung property na ipinaglalaban ko. At gagawin na naman nila yun sa ibang tao.”

Sinabi rin ni Cristina na hindi siya natatakot sa kung sinuman at ipaglalaban daw niya hanggang sa mahuli ang mga salarin.

"Hindi ako natatakot... alam ko kung sinong nasa likod nito.

"Mas lalo akong tumapang... Hindi ko sila titigilan hangga’t hindi ko sila nakikitang nakakulong.”

Naaresto na kahapon ng Manila Police ang dalawang suspek na positibong kinilala ng mga witness. Sila ay sina PO1 Henry Quiñonez, dating miyembro ng Special Action Force, at Edgardo Binalla.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN