President Noynoy Aquino: "Panahon na upang i-abolish ang PDAF."

Instead of PDAF, PNoy proposes a new mechanism for budget allocation to avoid the misuse of government funds. “Bubuo tayo ng bagong mekanismo upang matugunan ang pangangailangan ng inyong mga mamamayan at sektor—sa paraang tapat, gamit ang tama at makatuwirang proseso, at nang may sapat na mga kalasag laban sa pang-aabuso at katiwalian,” says PNoy in a press briefing earlier today, August 23.


Inanunsiyo ni President Noynoy Aquino na panahon na para tanggalin ang Priority Development Assistance Fund (PDAF) o mas kilala bilang pork barrel fund.

Ayon sa report ng GMA News Online ngayong araw, Biyernes, Agosto 23, ipinangako ng Pangulo na pananagutin niya ang lahat ng opisyal na nakinabang sa umano’y talamak na paggamit ng pork barrel fund sa maling paraan.

Matatandaan na noong Agosto 20 ay sinuspinde ni PNoy ang pag-release ng second half ng PDAF habang hindi pa tapos ang imbestigasyong isinasagawa ng Commission on Audit (COA) kaugnay ng sa pork barrel scam kung saan sangkot ang ilang mga senador at kongresista.

“Nakita natin sa mga ulat na lumabas nitong mga nakaraang linggo: kailangan pa ng mas malaking pagbabago upang labanan ang mga talagang pursigidong abusuhin ang sistema. Panahon na po upang i-abolish ang PDAF.”

Ito ang pahayag ng Pangulo sa isang press briefing tatlong araw bago ang nakatakdang mass gathering sa Luneta Park ng ordinary taxpayers upang kondenahin ang korupsyon ng mga opisyal na sangkot diumano sa pork barrel scam.

Ikinagalit ng publiko ang lumabas na imbestigasyon ng COA mula pa noong Hulyo tungkol sa ilang senador na umano’y sangkot sa 10-billion-peso scam sa loob ng sampung taon.



PROPOSED BUDGET SYSTEM. Inanunsiyo rin ni PNoy ang plano niyang magsagawa ng bagong mekanismo para sa budget allocation upang matugunan ang pangangailangan ng bawat mamamayan sa tapat na paraan.

“Bubuo tayo ng bagong mekanismo upang matugunan ang pangangailangan ng inyong mga mamamayan at sektor—sa paraang tapat, gamit ang tama at makatuwirang proseso, at nang may sapat na mga kalasag laban sa pang-aabuso at katiwalian,” dagdag pa ni PNoy sa nasabing press briefing, kung saan kasama rin niya sina Senate President Franklin Drilon at House Speaker Feliciano Belmonte Jr.

Ipinangako rin ng Pangulo na sisiguraduhin niyang mas magiging mahigpit ang allocation ng funds sa mga proyekto kung sakaling maaprubahan ang naturang bagong mekanismo.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Kung maaprubahan, itatala ang mga ito bilang mga line item, alinsunod sa mga programa ng Pambansang Pamahalaan. Mapapaloob ito sa batas bilang Pambansang Budget—hihimayin ang bawat linya, bawat piso, bawat proyekto, gaya ng lahat ng iba pang mga programa ng inyong pamahalaan.”



LIMITED PROJECTS. Nanindigan din ang Pangulo na mas limitado na ang mga aaprubahang proyekto upang ma-discourage ang korupsiyon o maling paggamit ng pondo ng bayan.

“Bawal na ang mga consumable na soft project tulad ng fertilizers, punla, gamot, medical kits, pustiso, paliga, training materials, at iba pang mga bagay na hindi masusuri kung totoo ngang may kinahihinatnan, o kung nagmumulto at pinagkakakitaan lamang.”

Naging partikular din si PNoy sa mga klase ng proyekto na kanyang ipagbabawal sa bagong ipapatupad na budget system.

Ilan sa mga ito ay infrastructure projects partikular na ang dredging, desilting, regravelling, or asphalt overlay projects.

Bawal na rin ang pagbibigay ng pondo sa NGOs at selected Government-Owned-and-Controlled Corporations (GOCCs).

Pati na rin ang pag-i-sponsor ng proyekto para sa mga districts na hindi sakop ng mambabatas ay ipinagbabawal na din.

Bukod dito ay required na rin ang posting ng bid notices at awards sa Philippine Government Electronic Procurement System (PhilGEPS) at estado ng ng implementasyon ng bawat proyekto sa website ng Department of Budget at Management, na tinaguriang National Data Portal ng gobyerno at iba pang sakop na ahensiya.

Sa kasalukuyan, 16 out of 24 incumbent senators na ang pumapayag na tanggalin ang PDAF.

Ayon pa kay PNoy, karamihan sa House leadership ay sang-ayon na may mali sa sistema ng pag-allocate ng pork barrel fund.

Nanawagan din siya sa taong bayan na tumulong sa pagsulong ng wasto at transparent na pamamahal sa gobyerno.

“Nananawagan akong makiambag at magsikap ang bawat isa, gaya ng pakikiambag at pagsisikap ng inyong gobyerno.

"Sama-sama nating pagtibayin ang pananagutan at katapatan, upang masigurong ang pera ng bayan ay ginugugol sa paraang makatarungan at tunay ninyong napapakinabangan,” saad niya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN