Rochelle Pangilinan relives Ondoy trauma; joins other PPL artists in relief operations

Nanariwa sa isip ni Rochelle Pangilinan ang naranasan niyang trauma noong bagyong Ondoy dahil sa pagbaha sa Metro Manila at mga karatig-probinsiya dulot ng hanging habagat at bagyong Maring nitong mga nakalipas na araw.


Hindi maiwasan ng former SexBomb girl na si Rochelle Pangilinan na balikan sa kanyang alaala ang trauma na naramdaman pagkatapos mapanood sa TV ang sinapit ng mga naging biktima ng hanging Habagat at ng bagyong Maring nitong nakalipas na mga araw.

Hanggang ngayon ay dala-dala pa rin daw ni Rochelle ang kanyang naging hindi magandang karanasan noong 2010 dahil isa siya sa mga celebrity na naging biktima ng bagyong Ondoy.

Sa naging panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kay Rochelle, via direct messaging sa Twitter last August 22, sinabi niyang hinding-hindi niya makakalimutan ang mga pangyayari noong bagyong Ondoy kahit na tatlong taon na itong nakalilipas.

“Nakakatakot itong mga nararanasan ng maraming mga tao ngayon, lalo na yung mga nawalan ng tirahan at mawalan ng kabuhayan dahil sa matinding baha.

“Alam ko ang pakiramdam ng mawalan ng gamit. Yung pinaghirapan mo ay sa isang iglap lang ay biglang nawala sa iyo.

“Kaya alam ko ang feeling na ganyan dahil napagdaanan ko ‘yan. Malungkot pero kailangan tanggapin.”

Dalawang sasakyan ni Rochelle ang nasira noong Ondoy bukod sa naging damage sa bahay nila sa Malabon.



RELIEF OPERATION. Saad pa ng dancer turned actress, “Malaking pagsubok ang dumating na iyon sa akin, pero nagpapasalamat pa rin ako kay God dahil wala namang nasaktan sa kahit na sinong miyembro ng pamilya ko.

“Mga material things lang ang mga nawala na puwede mo naman mapalitan.

“Hindi ka naman bibigyan ng pagsubok ni God kung hindi mo kaya, di ba? Bangon lang tayo at move on lang.”

Ito ang mensaheng nais iparating ni Rochelle sa mga naging biktima ng matinding baha. Na hindi sila dapat mawalan ng pag-asa at unti-unting bumangon ulit.

“Kaya nga magkakaroon kami ng relief operation this coming Saturday and Sunday [August 24 and 25].

“Ang buong PPL family ay makikipagtulungan sa YesPinoy Foundation para mag-distribute kami ng relief goods sa mga evacuation centers.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Ito ang mumunting paraan namin para mapasaya namin sila at mabigyan sila ng pag-asa.

“Tulad nga ng sinabi ko, alam ko ang pakiramdam ng mawalan.

“Masuwerte pa ako dahil mga gamit lang ang nawala sa akin noon. E, ang ibang tao, hindi lang bahay at kabuhayan, kundi miyembro ng pamilya nila ang nawala.

“Kaya maging matatag sila. Dasal lang parati kay God,” sabi pa ni Rochelle.



DANCE COACH. Kahit magiging busy si Rochelle sa kanyang partisipasyon sa relief operations, kanya namang tinitiyak na hindi niya mapapabayaan ang kanyang trabaho para sa parent-child reality/talent show na Anak Ko ‘Yan sa GMA-7.

Si Rochelle ang dance coach para sa naturang talent/reality show na ihu-host ni Jennylyn Mercado.

Sabi niya, “Sobra akong nag-e-enjoy sa trabaho kong ito.

“Masaya kasi, this time, mga bata ang nakakasama ko. Bihira kasi akong makapagturo sa mga bagets.

“Usually mga kaedad or mga teenagers ang nakakasama ko sa pagsayaw kaya mabilis ang pagtuturo.

“Sa mga bata kasi, kailangan nakatutok ka nang husto para makuha nila agad ang mga itinuturo mo sa kanila.”

Mahirap daw para kay Rochelle bilang dance coach na ipakitang istrikto siya.

Saad niya, “Ang paalala sa akin ay huwag kong masyadong kinakaibigan ang mga bata kasi baka kapag kampante na sila sa akin, baka hindi sumunod.

“Ayoko man maging strict or magtaray sa mga batang hindi makasunod, kailangan kong gawin para nga naman matuto sila.

“Pinapaalala ko nga sa kanila na contest itong pinasok nila at hindi basta-bastang show.

“Makakalaban nila ay ang batang nasa tabi nila. Kailangan mas magaling sila sa katabi nila.”

Natutuwa naman si Rochelle sa mga magulang ng mga batang kinu-coach niya dahil may mga mahilig daw umeksena.

“Actually, may mga parents na parang gusto nila na sila na ang mag-perform!

“Kailangan pigilan ko sila kasi ang naka-spotlight dito ay ang mga anak nila.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Hindi naman sila pinagbabawalan na manood ng session namin. Nandoon sila para maramdaman ng mga anak nila ang kanilang suporta.

“Pero dahil isa nga itong contest, may mga rules tayo na dapat sundin para walang maging problema.”



TROPANG TRENDING. Ikinatutuwa naman ni Rochelle na patuloy na gumagaling ang team niyang Tropang Trending sa Sunday All Stars.

Last Sunday nga, August 18, ay nagwagi sila sa ika-limang pagkakataon. Ano ang sikreto ng kanilang team kung bakit sila ang may pinakamaraming panalo?

Ayon kay Rochelle, “Lahat naman ng mga teams ay naghihirap para makapagbigay ng mga bongga at kakaibang performances every Sunday.

“Yung team naman kasi namin ay focused parati sa kung ano ang bago na maipapakita namin.

“Kaya siguro nagugustuhan ng televiewers at ng mga judges.

“Basta nandoon yung teamwork, walang imposible.”

Samantala, nais daw ni Rochelle sumubok gumawa ng indie film.

Sa tinagal-tagal na rin ni Rochelle sa showbiz, tatlong pelikula pa lang ang kanyang nagagawa: Bakit Papa? (2002), Vertud Ng Putik (2003), at Fantastic Man (2003).

Gusto raw niyang maranasang gumanap sa isang hindi pangkaraniwang role.

Ani Rochelle, “Gusto ko ngang subukan ‘yan. Kung may offer ba, bakit naman hindi?

“Gusto kong ipakita na hindi lang ang pagsasayaw ang kaya ko.

“Malawak na rin ang experience ko sa pag-arte kaya sana mabigyan ako ng chance sa isang magandang indie film project.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN