Manny and Jinkee Pacquiao deny bankruptcy report

Itinanggi ng mag-asawang Manny at Jinkee Pacquiao na said na ang kanilang yaman, taliwas sa report na lumabas sa isang pahayagan sa Cebu. Sabi ni Jinkee tungkol dito, "Don’t put somebody down na yung parang magkaroon lang ng ano na masiraan yung ibang tao, kasi mali yun, e."


Itinanggi ng mag-asawang Manny at Jinkee Pacquiao ang ulat na diumano’y bangkarote na sila.

Ito ay base sa ulat ng isang pahayagan sa Cebu na diumano’y sinabi ng kaibigan ng Pambansang Kamao na si Rex “Wakee” Salud, isang boxing promoter, na ubos na raw ang yaman ng mga Pacquiao kaya hindi makapagretiro sa boxing si Manny.

Sa panayam ng 24 Oras ng GMA-7 ngayong gabi, August 23, sinabi ni Manny na matagal na silang hindi nagkakausap ni Salud.

Aniya, “Hindi kami nagkuwentuhan, hindi ko nga nakakausap yun.”

Itinanggi rin ni Salud na galing sa kanya ang isinulat ni Erwin Lirazan para sa Sun Star.

“Wala akong naalala na sinabi kong naubos na ang pera ni Manny… wala talaga.”

Wala rin daw maalala si Salud na sinabi niyang ubos na ang pera nina Manny kaya nagulat siya sa lumabas na ulat.

Ayon pa sa ulat, nagbebenta raw ng kanilang property ang mag-asawang Pacquiao, katulad ng kanilang mansion sa Los Angeles, California.

Sabi ni Salud, hindi siya nagkomento tungkol dito.

Ang nabanggit lang daw niya nang tanungin kung bakit kailangang magbenta ng ari-arian si Manny ay baka raw nagipit ang Pambansang Kamao.



TO TRANSFER TO BEVERLY HILLS. Hindi naman itinanggi ni Sarangani Vice Governor Jinkee Pacquiao na ibinebenta nga nila ang kanilang mansion sa Los Angeles, pero hindi raw ibig sabihin nito ay wala na silang pera.

Paliwanag niya, “Yung mga neighbors namin sa L.A., nagrereklamo kasi kapag nandun kami, sobrang maraming tao, tapos maingay, e.

"Kasi sa Amerika, di ba, ayaw naman nila ng ganun saka istorbo?”

Dagdag naman ni Sarangani Congressman Manny Pacquiao, “Naghahanap na ako ng bahay sa Beverly Hills, kasi lilipat kami… para yung may gate ang pinipili namin.

"Pero hindi ko ibebenta yun [L.A. mansion] basta hindi pa kami makabili ng bago.”

Totoo rin daw na malaki ang nagastos nila sa kampanya noong 2010 at 2013 elections.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Minsan din daw ay personal na pera nila ang kanilang ginagamit para makatulong. Pero hindi raw umabot sa puntong nasaid ang kanilang pera.

Sabi ni Jinkee, "Yung mga nasalanta nga ng bagyo sa Sarangani, sarili naming pera ang ibinigay namin dun kasi nga pag sa government, matagal masyado, pinapa-process.”

Mayroon din daw silang mga negosyong kumikita.

Ayon kay Manny, “Mga negosyo, mga building na nirerentahan, may hotel kami.”



NOT AFFECTED. Hindi na rin daw magpapaapekto sa isyu ang mag-asawang Pacquiao.

Ayon kay Pacman, “A, hindi maka-distract sa akin ’yan. Huwag lang akong saktan at saka yung pamilya ko.”

Saad naman ni Jinkee, “Don’t put somebody down na yung parang magkaroon lang ng ano na masiraan yung ibang tao, kasi mali yun, e.

"At saka hindi maganda, dapat magmahalan tayo, love one another.

"Siguro mas pangit yung ibabalita na na-bankrupt ang tao, pero nagnakaw, mga nagnanakaw, bakit pagtuunan nila ng pansin pag may mga ganun lang.”

Samantala, hindi pa nagbibigay ng pahayag ang may-akda ng artikulo dahil kokonsultahin muna raw niya ang Sun Star.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN