Ruru Madrid on why he won’t fall for Lauren Young: "Magagalit po sa akin yung kaibigan kong si Elmo!"

Hati ang saloobin ni Ruru Madrid sa pag-amin ng isang artista tungkol sa kanyang relasyon. Ayon sa kanya, “Okay lang naman na sabihin kung may karelasyon, pero okay rin lang na hindi. Lalo kung pareho kayong artista, may pagkakataon na parang mas okay kung i-keep ninyo na lang in private yung relationship.”


Sa dami ng projects ni Ruru Madrid mula nang matapos ang reality show na Protégé, masasabing isa siya ngayon sa most promising Kapuso young star.

Patunay nito ang tatlong shows niya sa GMA-7 ngayon: Sunday All Stars (SAS), Akin Pa Rin Ang Bukas, at Dormitoryo.

Ang Dormitoryo ay magsisimulang umere sa September 22, Linggo, pagkatapos ng SAS.

Kumpara sa male winner sa Protégé na si Jeric Gonzales, tila mas nabibigyan ng break ngayon si Ruru.

“Hindi naman po!” tanggi ng young actor nang makausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa presscon ng Dormitoryo noong Miyerkules, September 10.

“Pero natutuwa po ako kasi akala ko yung winner lang ang mabibigyan ng break, e. Pero hindi pala, nagkamali ako.

“Actually, matapos ang Protégé, napasok agad ako sa Paroa.

“Maganda ang naging role ko doon kasi parang kami ni Barbie [Forteza] ang naging magka-loveteam.

“Ayun po… natutuwa ako.”

Ano sa tingin niya ang mayroon siya at naungusan niya ang ibang ka-batch niya sa Protege?

Sabi ni Ruru, “Uhm… wala naman po akong iniisip na kung anong meron sa akin na mas makakalamang ako sa kanila.

“Pero ako po talaga, kung ano ang ipagawa sa akin ng director, gagawin ko ang best ko.”

BIGGEST BREAK. Biggest break daw niyang maituturing ang Dormitoryo kung saan kasama niya sa cast sina Lauren Young, Joyce Ching, Winwyn Marquez, at Enzo Pineda.

“Ginagampanan ko po ang role ni Charlie Chavez na kapatid ni Enzo sa story.

“Isa po akong nerd na freshman dito na may secret crush kay Hazel [Lauren].

“Magiging magkaribal kami ng kapatid ko [Enzo] kay Lauren, at kung kanino siya mapupunta, yun ang isa sa aabangan sa story.

“Maganda yung story, suspense-thriller siya na… may misteryong kailangang matuklasan tungkol sa pagkamatay at pagmumulto sa dorm ng isang estudyante na ipinu-portray naman ni Winwyn.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW



JUST FRIENDS. How does he find Lauren?

Sabi ni Ruru, “Mabait po siya. Nagkasama po kami sa workshop, dati pa po.

“So parang… magaan na po ang loob ko sa kanya kasi sa workshop na ginawa namin before, nag-aasaran kami.

“Magkaibigan po kami ni Lauren at masaya naman po kapag nagkakasama kami.”

Wala siyang nararamdaman attraction kay Lauren?

“Nagagandahan po ako sa kanya!” nangiting pag-amin ng 15-year-old actor.

“Pero yung magiging type ko siya, hindi po, magagalit po sa akin yung kaibigan kong si Elmo!” natawang pagtukoy niya kay Elmo Magalona, na rumored boyfriend ni Lauren.

Kung magkaka-girlfriend ba siya, ililihim din niya gaya ng ginagawa ng ibang young stars na aamin lang kapag nag-break na?

“For me, okay lang naman po na sabihin kung may karelasyon, pero okay rin lang po na hindi.

“Kasi minsan, lalo kung pareho kayong artista, may pagkakataon na parang mas okay kung i-keep ninyo na lang in private yung relationship.

“Pero sa ngayon, wala muna sa isip ko ang tungkol sa panliligaw o paggi-girlfriend… fifteen pa lang po ako, e.

“Gusto ko, mag-focus muna sa career ko at saka sa pag-aaral ko rin po.

“Third year high school na po ako sa NCLC [National Christian Life College] sa Marikina.”



SHOWBIZ AND STUDIES. Mahirap daw para kay Ruru na pagsabayin ang pag-aartista at pagpasok sa school, pero sinisikap niya na mabalanse ang kanyang oras at atensiyon dito.

“Ang ginagawa ko na lang po, kapag may mga times na hindi ako nakakapasok at may nami-miss akong lessons, binabalikan ko na lang po.

“Tapos, nagre-review rin ako ng lessons sa taping sa mga oras na wala akong eksenang kukunan.”

Desidido raw talaga siyang maka-graduate ng high school at gusto niyang kumuha ng filmmaking sa college.

“Bukod sa pag-aartista, gusto ko rin po kasing maging director someday.

“Gusto kong maging actor-director gaya ng idol ko na si Cesar Montano.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Naimpluwensiyahan din kaya siya ng manager niyang si Maryo J. de los Reyes kaya gusto rin niyang maging direktor?

“Siguro po," sagot ni Ruru.

“At first, inisip ko na gusto ko lang maging artista, pero kalaunan, parang naging idolo ko rin yung mga direktor.

“Kung paano yung magagaling nilang shots ng mga eksena, kung paano sila mag-motivate ng mga artista.

“Naisip ko, nandito na rin lang ako sa showbiz, i-aim ko na rin na maging director kapag nagkaedad na ako.

“Ang daming mga magagaling na artista na naging director, like si Direk Gina Alajar, si Direk Ricky Davao—parang ganoon po ang gusto ko.”

Malaking bagay raw para kay Ruru na si Direk Maryo ang tumayong mentor niya.

“Sobrang close po kami ni Direk Maryo, para talagang mag-tatay kami. Opo,” sabi niya.



SEXY IMAGE. Sa mga darating na panahon, gusto rin ba niyang maging hunk ang kanyang dating at pagkatapos ay magkaroon ng sexy pictorial o cover sa magazines?

Sagot ni Ruru, “Hindi ko pa naiisip ang tungkol doon kasi bata pa po ako, e. Siguro pagdating ko ng age na 20, okay lang yun.

“Magpapalaki muna po ako ng katawan, siyempre kailangan po yun, e.

“Hintayin ko na lang po yung panahon na puwede na.”



SHOWBIZ CRUSH. Wala rin daw muna sa isip ni Ruru ang panliligaw o pagge-girlfriend, pero hindi niya maiwasan na magkaroon ng crush.

At hindi niya itinatanggi ang nararamdaman niyang paghanga kay Barbie Forteza.

Kuwento niya, “Hindi pa ako nag-aartista, crush ko na si Barbie. Ano po, e, iba ang hitsura niya talaga.

“Like noong sa TV ko pa lang siya napapanood at hindi ko pa siya nakikita sa personal, parang ano… sobrang maamo yung mukha niya at charming.

“Tapos noong nagkasama kami sa Paroa, ganoon pa rin ang paghanga ko sa kanya.

“Mabait pa siya, kaya lalong tumindi ang crush ko sa kanya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Pero hanggang crush lang talaga, wala nang ano… basta kaibigan lang.”



BASHERS. Lately, ikinagugulat ni Ruru na may mga bashers siya na mga fans ni Julie Anne San Jose.

Sabi niya tungkol dito, “Kasi sa Sunday All Stars, magka-grupo kami ni Julie, minsan parang partner kami sa production number.

“May mga fans po siya [Julie Anne] na parang nagalit sa akin, sobrang dami kong bashers.

“Sinasabi po nila sa akin na ginagamit ko lang daw si Julie para sumikat, na, ‘Umalis ka na diyan, kasi wala kang kuwenta.’ Ganoon."

Alam ni Ruru na he can’t please everyone at anuman ang gawin niya, hindi rin maiiwasan na magkaroon siya ng detractors.

“Nasasaktan po ako sa mga sinasabi nila, pero hindi ko na lang po pinapansin.”



LEAD STAR. Kaysa magpaapekto, sinisikap daw niyang mapagbuti na lang ang bawat trabahong natotoka sa kanya.

Kaya ikinatutuwa raw niyang isa siya sa mga bida ng pelikulang Bamboo Flowers.

“Ang role ko po dito ay isang folk dancer na parang handa kong ibigay ang lahat para sa pamilya ko.

“Tatlong stories po bale sa movie at ako po ang bida doon sa isa.

“Ang gumanap po na nanay ko, si Irma Adlawan, tapos, lolo ko po si Spanky Manikan.

“Malaking privilege po para sa akin na makatrabaho ang gaya nilang mga batikang artista, nakaka-inspire po talaga.

“Kung mabibigyan ng pagkakataon, gusto ko po talaga malinya sa action-drama, yung parang si Phillip Salvador po, na idolo ko rin.

“Tagahanga rin po ako nina Christopher de Leon at Robin Padilla.

“Nagagalingan din po ako kina John Lloyd Cruz at Dingdong Dantes... marami po akong iniidolo.

“At gusto kong maging kasing-husay nila balang araw,” panghuling sabi ni Ruru.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN