Sylvia Sanchez on giving due respect to "senior" stars: “Di mo kailangang tsumika. Bigay galang ka lang.”

Sylvia Sanchez on the value of respect: “Kasi para sa akin ay hindi tama na pumunta ka sa set na parang wala kang pakialam kung sino ang mga kasama mo. Buwisit sa akin yung ’nahihiya ako’ at hindi ka lalapit sa mga kasama mo at dadaan-daanan mo yung senior stars. Mas ano ako kung hindi ka magpapakilala. E, di lumapit ka, magpakilala ka na, ’Hi, ako po si ganyan, si ganito,’ tapos umalis ka na. Hindi mo kailangang makipagtsika.”


Kinumusta ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Sylvia Sanchez sa isang eksklusibong subdivision sa Quezon City noong Huwebes, September 12.

Ang multi-awarded character actress ay mas kilala ngayon bilang si Nanay Teresita sa top-rating at well-loved daytime show na Be Careful With My Heart ng ABS-CBN.

Kagagaling lang niya mula sa two-day taping ng Be Careful With My Heart sa Pila, Laguna, na kahit pagod pa ay nag-imbita para sa isang “late dinner kuwentuhan” sa mismong tahanan niya.

“Okay naman,” nakangiting bungad niya sa amin. “Heto, kung walang taping... kung walang Be Careful With My Heart, nasa bahay lang.

“Masaya naman... kuntento sa buhay. Asikaso sa asawa’t mga anak.

“Yun lang, wala nang iba.”

SHARING HER TALENT. Naging Best Supporting Actress na siya sa mga pelikulang Takbo, Talon, Tili (sa segment na “Ang Lalaki sa Salamin”), ABS-CBN’s Calvento Files at TV5’s Untold Stories pero para sa kanya, mas pinahahalagahan niya nang husto ngayon ang pagiging isang alagad ng sining.

Pahayag niya, “Iba na talaga ngayon. Noon kasi, parang artista ka lang.

“Nandoon ka lang... taping, shooting, so, yung changes pagdating sa career ko, siguro yung mas tumatanda ako pero mas natututo ako, mas sineseryoso ko ang craft ko.

“Tapos, mas nakakapagbigay ako ng .... mas nadya-justify ko ngayon ang bawat role na ginagampanan ko.

“Noon, ganun pa rin naman, pero mas ngayon ko napi-feel na mas naging malalim, mas nagkaroon ng laman.

“Kumbaga dati, pag sinabi na ’iyak,’ iyak lang ako ng iyak, pero ngayon parang mas naging thinking actor ako ngayon.

“Alam mo yung kung gagawa sa isang eksena ay mas nag-iisip na ako... ’heto ang atake ko.’

“Hindi lang basta iiyak kundi kailangang alam ko kung ano ang pinaggalingan. May ganun na.

“Yun ang kaibahan.”

Dugtong pa niya, “Noon din kasi, parang wala lang yung pag-aartista pero ngayon, kapag may mga bagets, natuturuan ko na, kung ano ang mga ginagawa ko noon, nai-share ko na.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Like, yung professionalism tapos dapat ay respectful ka sa seniors.

“Sini-share ko ’yan kasi like noong una, noong bago pa lang ako ay nagpapakilala talaga ako sa mas senior na artista.

“Sasabihin ko, ’Hi, ako po si Sylvia,’ kahit hiyang-hiya ako kasi yun ang respeto, e.”

RESPECT. Para sa kanya, mas dapat na matutunan ng mga baguhang artista ngayon ang paggalang sa senior stars kahit sabihin pang sila ang mga sikat ngayon.

“Alam mo, totoo ’yan,” mariing sabi ng batikang aktres. “Kasi para sa akin ay hindi tama na pumunta ka sa set na parang wala kang pakialam kung sino ang mga kasama mo.

“Buwisit sa akin yung ’nahihiya ako’ at hindi ka lalapit sa mga kasama mo at dadaan-daanan mo yung senior stars.

“Mas ano ako kung hindi ka magpapakilala. E, di lumapit ka, magpakilala ka na, ’Hi, ako po si ganyan, si ganito,’ tapos umalis ka na. Hindi mo kailangang makipagtsika.”

Ilang beses na rin daw niyang naobserbahan sa mga new breed of stars ngayon na ang iba ay walang paggalang sa mga mas naunang maging artista kaysa sa kanila.

“Totoo naman ’yan,” bulalas ng 38-year-old character actress,”Yes, actually ayoko nang mag-name names, pero nangyari ito kailan lang.

“Merong isang senior star na nagtanong din sa akin na, ’‘Yan bang bagets na ‘yan, ganun ba talaga ‘yan, yung hindi marunong magbigay-galang kasi kanina pa ako dito, hindi ako binabati?’

“Sabi ko, ’ah, oo, ganun talaga yun. Bastos ba yun o nahihiya lang?’ May ganun.

“Di ba, mas ano yung kahit nahihiya ka, e, aano nga, ’hi,’ ka tapos pakilala ka then umalis ka pa. Di mo kailangang tsumika. Bigay galang ka lang.”

INSTILLING VALUES IN SON ARJO. Isa ito sa lagi niyang sinasabi sa 22-year-old niyang anak na si si Arjo Atayde na pinupuri sa mahusay nitong pag-arte bilang si Rafael de Lara sa Dugong Buhay ng ABS-CBN.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Bida rin siya Arjo sa Maalaala Mo Kaya na ipinalabas kahapon, September 14, sa episode kunsaan kasama niya si Kiray Celis.

Aniya, “Yun nga ang lagi ko kung sinasabi sa kanya na kung saan man mapunta ang career niya, maging respectful siya sa lahat ng tao. Yung mga nakasama niya at sa magiging mga kasama niya.

“Nagpapasalamat din ako dun sa nakaka-appreciate sa anak ko.

“Una kasi ang takot ko, kapag kasi ang isang anak ng taga-showbiz ay nag-artista, under the shadow ’yan ng magulang nila, di ba?

“Sasabihin na kaya nakapasok dahil anak siya ni ganito o ganyang artista... may kapit, nagpapalakas.

“Yun ang sabi ko sa kanya, ’Anak, lagi kang masasabihan na anak ka ni Sylvia Sanchez, kailangang matanggal mo ’yan.’

“Kailangang tumagal ka sa showbiz na hindi na, ’Ay, si Arjo Atayde na anak ni Sylvia,’ kundi yung may sarili siyang identity.”

Sabi pa niya tungkol kay Arjo, “Nakakatuwa ngayon dahil noong una, no’ng nag-E-Boy siya, hindi ko talaga ’yan inano, yung idinaan sa palakasan, talagang honestly, nag-audition yun.

“Meron daw kasing role para sa ganitong aktor, thank God, nakuha siya. Kasi even pa ng Star Magic, talagang nag-audition siya, nagwu-workshop, nag-apply.

“Yung sa Maalaala Mo Kaya noon kung saan siya nagka-award, nag-audition siya noon.

“Sabi ko sa kanya, ’Arjo, make or break mo ’yan.’ Kasi kaming mga artista, senior man o bago kapag nakuha ka sa Maalaala Mo Kaya, ang dating ay artista ka na, di ba?

“After noon, umalagwa na si Arjo dahil nakakaarte nga raw. Ako as nanay, siyempre, natutuwa ako na deep inside hindi ko siya pinuwersa na mag-artista, galing yun sa kanya. Pinaghirapan din niya ’yan.

“Kaya nga nung tanungin ko siya kung ano ba ang gusto niya ang maging bida o kontrabida, sabi lang niya, ’gusto ko lang sumikat.’

“Gusto niya longevity, e. Parang ako raw. Sabi niya, ’Parang ikaw, Mom. May umalis, may dumating, nandiyan ka pa rin.’ Then sabi ko sa kanya, ’galingan mo.’”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

NEW GENERATION OF STARS. Natutuwa daw si Sylvia sa bagong trend ngayon na ang bagong henerasyong mga artista ay halos mula na rin angkan ng mga artista.

Tulad nina Daniel Padilla, KC Concepcion, Elmo Magalona , Julia Barretto, Diego Loyzaga at marami pang iba.

“Yes, natutuwa ako,” bulalas ni Ibyang (palayaw ni Sylvia). “Yung mga sumisikat ngayon ay halos mga anak ng artista.

“Pero, depende pa rin talaga. Hindi porke’t anak ka ng artista ay kakampante ka na.

“Actually sila pa nga yung delikado at mas hirap sila dun sa mga hindi anak ng mga artista. Kasi nga, under sila sa shadow ng mga magulang nila.

“Nasa kanila na yun kung paano sila aalis sa shadow ng kanilang mga magulang at magkaroon ng sariling identity,” makabuluhan niyang pagtatapos.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN