Akihiro Blanco overwhelmed working with big stars; goes daring and sexy in first movie

Bihira sa mga baguhan ang makatrabaho ang mga kilalang personalidad sa showbiz kaya natutuwa ang TV5 talent na si Akihiro Blanco sa oportunidad na ibinibigay sa kanya ng Kapatid network. Aniya, “Hindi nga po ako makapaniwala na ako, nakasama ko na sina Ms. Sharon at Ms. Nora. Dati po, pinapanood lang natin sila sa mga dating pelikula nila. Ngayon, nakasama ko pa sa magkaibang projects na parehong magaganda.”


Bagamat hindi siya ang nanalo sa artista search ng TV5 na Artista Academy noong isang taon, marami pa ring naka-lineup na proyekto sa network si Akihiro Blanco.

Bukod sa kasama siya sa gag show na Tropa Mo Ko Unli, nasimulan na rin niya ang tawa-seryeng Madame Chairman at ang soap na When I Fall In Love.

Sa press launch ng mga bagong weekend shows ng TV5 sa Megatrade Hall ng SM Megamall kamakailan, nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Akihiro.

“Nagpapasalamat po ako sa mga blessings na dumarating,” bungad niya.

“Hindi ko naman po inaasahan na ganito kalalaking projects ang darating sa akin.

“Kaya ipinapakita ko nga po ang pagiging masipag ko, ayokong may masabi silang tatamad-tamad tayo sa trabaho.

“Bihira ang mga ganitong pagkakataon, lalo na at malalaking artista pa po ang nakakasama ninyo.

“I feel lucky kaya ayokong mawala ang suwerteng ito kaya trabaho lang tayo ng tama.”



BIG STARS. Hindi kataka-takang matuwa si Akihiro sa mga sunud-sunod niyang projects dahil mga kinikilalang personalidad sa showbiz ang mga makakasama niya.

Sa Madame Chairman ay gaganap siyang anak ni Megastar Sharon Cuneta.

Sa telemovie naman na When I Fall In Love, katrabaho naman niya ang Superstar na si Nora Aunor.

Sa Tropa Mo Ko Unli ay si Ogie Alcasid naman ang kasama niya.

Biro nga kay Akihiro ay naungusan na niya ang Best Actor winner ng Artista Academy na si Vin Abrenica.

Ngunit tanggi niya, “Hindi naman po, mas priority pa rin po nila si Vin kasi siya yung winner.

“Magkakasunod din naman ang mga projects niya at magkasama kami sa Tropa Mo Ko Unli

“Nagkakataon lang naman po na kasama ako sa shows kunsaan bida sila Ms. Sharon Cuneta and Ms. Nora Aunor.

“Tsaka katatapos lang ng Misibis Bay, di ba? Malaking project iyon kaya hindi ko rin po masasabing nakakaangat ako kay Vin.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Hindi pa rin makapaniwala si Akihiro na dalawang projects niya ay kasama niya ang dalawang reyna ng Philippine cinema.

“Hindi nga po ako makapaniwala na ako nakasama ko na sina Ms. Sharon at Ms. Nora.

“E, dati po, pinapanood lang natin sila sa mga dating pelikula nila.

“Ngayon nakasama ko pa sa magkaibang projects na parehong magaganda.

“Si Direk Joel Lamangan ang director ng Madame Chairman at When I Fall In Love.

“Kaya hindi puwedeng hindi tayo magaling magtrabaho kasi mahirap na yung mapagalitan tayo!” tawa pa niya.



FIRST MOVIE. Pero naunahan naman ni Akihiro si Vin sa paggawa ng pelikula.

Malapit nang ipalabas sa CineFilipino Film Festival ang pinagbibidahan niyang indie film na Mga Alaala ng Tag-ulan sa direksyon ni Ato Bautista.

Isang coming-of-age movie ang Mga Alaala ng Tag-ulan, kung saan kasama ni Akihiro si Mocha Uson.

Gagampanan ni Akihiro ang role ng isang neglected teenager at mahahanap niya ang pagmamahal sa isang babaeng mas matanda sa kanya played by Mocha.

Inamin ni Akihiro na virgin pa siya, pero ang role niya sa movie ay nawala ang pagiging inosente niya dahil sa pagmamahal niya sa isang much older woman.

May mainit na love scene sila ni Mocha pero maganda raw ang pagkaka-shoot ni Direk Ato kaya para raw itong music video.

Saad ni Akihiro, “Naging very careful po si Direk Ato sa pagkuha ng love scene namin ni Mocha.

“Ayaw niyang lalabas na parang eksena lang siya.

“Ginawan niya ng magandang treatment kasi iyon ang isa sa highlights ng movie—yung mawala ang pagiging inosente ko at maiba ang tingin ko sa mundo.”



LOVE SCENES. Kumusta naman ang pakikipagtrabaho kay Mocha?

Tugon ni Akihiro, “Bagay na bagay po kay Mocha ang role ng babaeng magkaka-first time ko.

“At ang ganda-ganda po niya sa movie. She’s very sexy at magaling po siyang umarte.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Inaalalayan po niya ako sa love scene namin, ayaw niyang magmukha akong awkward.

“Tanggalin ko raw ang hiya ko kasi gumagawa kami ng magandang pelikula kaya naging very cooperative kami sa isa’t isa.

“Kaya nga po unforgettable ang experience ko doing Mga Alaala ng Tag-ulan.

“Pinaghirapan naming gawin at sana’y magustuhan nila ito kapag pinalabas na.”

Nagsimula na ang CineFilipino Film Festival noong September 18 at tatakbo ito hanggang September 24 sa Newport Cinemas in Resorts World Manila, Lucky Chinatown Cinemas in Binondo, Gateway Cinemas, at Shangri-La Cinemas.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN