Boxer Nonito Donaire Jr. reconciles with estranged father again

Hawak ni Nonito Donaire Jr. ang anak na si Jarel Michael. “One thing bothering me was, of course, having a baby and not having my family around,” sabi ni Nonito bilang paliwanag kung bakit nakipag-reconcile sa ama.


Matapos ang matagal na panahon ng hindi pagkikita, muling nagkausap nang personal ang mag-amang Nonito Donaire Sr. at Nonito Donaire Jr.

Hindi lang ang muli nilang pagkikita’t pag-uusap ang naganap noong Setyembre 12 sa Las Vegas, Nevada, kundi nakita’t nakarga pa ni Nonito Sr. ang kanyang apo kay Jun.

Jun ang palayaw ni Nonito Jr., at ang apong tinutukoy ay si Jarel Michael, ang anak ni Jun at ng misis na si Rachel.

Sa Facebook account ni Nonito Sr., in-upload agad nito ang litrato nilang mag-lolo, na may ganitong caption: “Happiest moment of my life. I held in my arms Nonito jr son, Jarel today in when I visited them in [Las] Vegas.”

Eksklusibo namang nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ang dating WBO at The Ring super bantamweight champion na si Nonito Jr., sa pamamagitan ng Facebook, kagabi, September 19.

Ani Jun, tungkol sa muli nilang pagkakabati ng kanyang ama, “It feels refreshing.”

Labis din daw kasi niyang na-miss ito.

Matatandaang nagkaroon ng hidwaan noong 2009, na nagtuloy sa paghihiwalay ng landas ng mag-ama.

Lumabas na isyu ang pagpapalit ng trainer ni Jun, mga usaping pera, at ang di pagkakasundo nina Nonito Sr. at ni Rachel.

Ngunit noong 2011, nagkapatawaran silang tatlo, matapos magbantang magdedemanda ng kasong libelo ang nakatatandang Donaire.

Nagkausap at nagkayakapan pa ang mag-ama, at naglabas ng kani-kanilang mga statement tungkol sa kanilang pagkakasundo.

(Read: Nonito Donaire Jr. ends rift with his father, blames the media for family’s misunderstanding)

Pero noong taon ding iyon, muling nagbitaw ng maaanghang na salita si Nonito Sr. laban sa mag-asawa, na binawi rin nito ilang linggo lang ang lumipas.

Sabi nito, nadala lang siya ng “bugso ng damdamin” dahil sa hindi pagkakaimbita sa kanya sa kasal nina Rachel at Jun nung taong iyon.

Pinagsisisihan daw niya ang mga masasakit na nasabi laban sa mag-asawa at bukas siya sa kanilang reconciliation.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

(Read: Nonito Donaire, Sr. takes back words against son Nonito Jr.; now open for reconciliation)

Nagsabi pa si Nonito Sr. na kahit hindi siya tanggap na biyenan ni Rachel ay tanggap niya ito bilang asawa ng kanyang anak.

Muli ngang nagkaroon ng gap sa pagitan nina Nonito Sr. at Jun.

Ngayon, sa panayam ng PEP sa kasalukuyang The Ring Magazine No. 10 pound-for-pound boxer, sinabi nitong noong isang taon pa raw sila paunti-unting nag-uusap ng ama.

“Baby steps lang. Texts,” sabi ni Jun tungkol sa kanilang komunikasyon ng nakagalit na ama.

IT WAS RACHEL’S IDEA. At nagtuluy-tuloy na nga ang pagkakabati nila nitong nakaraang linggo lang, nang si Rachel na mismo ang nagsabi kay Jun na kailangang magkabati na uli sila ng ama, alang-alang sa kanilang bagong-silang na anak.

“It’s kind of interesting how it all came about,” simulang kuwento ni Jun.

“With my loss in April, I really had time to look at what was important.”

Natalo si Nonito Jr. sa kanyang WBO, The Ring, at WBA super bantamweight title fight noong Abril laban sa Cuban boxer na si Guillermo Rigondeaux, via unanimous decision.

“But one thing bothering me was, of course, having a baby and not having my family around.

“Pero, siyempre, my wife was hurt last time, so I felt it wasn’t my right to ask again.

“But she was the one who brought it up to me, saying Jarel is only a baby once, and if we don’t contact them, they’ll miss out on his growing years.

“It was Rachel’s idea to fly them out to see the baby. She knew, in the long run, I’d be happy, and I appreciate how strong she is to put her pride down.

“All she said was, ‘It’s not about me. It’s for Jarel. It’s for our family. He should have the chance to meet his lolo and lola.’”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Kaya tinext daw nila si Nonito Sr. at pagkatapos ay ibinili ng plane ticket papuntang Las Vegas. At noong September 12 nga ay nakapiling na nila ito, at nakarga na ng nakatatandang Donaire ang apo.

Hindi nga lang nakarating ang ina ni Jun.

“Mamang couldn’t come last minute because she had eye surgery,” paliwanag ng boksingero.

Limang oras daw nanatili sa piling nila si Nonito Sr.

FORGIVENESS FROM BOTH SIDES. Sa artikulong lumabas sa spin.ph, ipinahiwatig ng nakatatandang Donaire na kulang ang oras ng pagsasama nila ng apong si Jared.

“Nakita ko apo ko, tapos nag-usap kami ni Junjun, pati si Rachel. Five hours yun, pero parang 30 minutes yung pakiramdam ko,” sabi ni Jun sa artikulo.

Kailangan din kasing bumalik ni Nonito Sr. sa training camp nito sa San Francisco, California, kunsaan inihahanda naman nito ang Filipino boxer na si Marvin Mabait.

Lalaban si Mabait sa Mexican na si Johnny Garcia sa October 11 sa isang junior featherweight boxing match.

Ayon pa sa spin.ph, sinabi ni Nonito Sr. na pareho silang humingi ng tawad ni Jun sa isa’t isa, kinalimutan ang kanilang hidwaan, at pinag-usapan ang muli nilang pagsasama sa boxing camp.

Kinumpirma naman ni Nonito Jr. na muli nga niyang makakasama ang ama sa kanyang boxing training.

“Yes, he’s part of my team again. I asked him a couple days after if he’d be able to join.

“Now that he’s accepted Rachel and my marriage, I think everything will be okay,” pahayag ni Jun.

Nakatakdang lumaban muli si Jun sa Nobyembre 9 sa Texas. Makakaharap niya rito ang Armenian boxer na si Vic Darchinyan, ang dating flyweight champion na pinabagsak niya nung 2007.

Inamin ni Nonito Jr. na napaiyak siya nang umalis na ang ama para bumalik sa boxing camp nito.

“When Papang left for San Francisco again, I teared up and cried in the car.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“I didn’t know how much I really miss my dad.

“Now that I’m a father, I really do see and appreciate all he’s ever done for me.”

EXCITED TO GO BACK TO BOXING. Sa pagkakabati nila ng ama, masasabi ngang tila panibagong Nonito Donaire Jr. ang nagte-training ngayon para muling makuha ang mga titulong nawala sa kanya.

Todo raw ang kanyang ensayo para sa nalalapit na laban.

Dahil bukod sa hangarin niyang muling mabawi ang mga nawalang titulo ay inspirado raw siya sa pagkakabati nilang mag-ama, bukod pa sa dati nang nagpapalakas sa kanya na sina Rachel at Jarel.

Excited na raw siyang bumalik sa boxing ring at lumaban.

“There are so many unknowns. I haven’t fought since my shoulder surgery and we are changing many things in this camp. So, I’m excited to see how everything turns out.”

Sumailalim ng shoulder surgery si Nonito matapos ang laban niya kay Rigondeaux.

Matagal na raw niyang nararamdaman ang kanyang shoulder injury, ngunit tumindi lang ang sakit nito nung Enero ng taong ito.

Sa kabila nito, itinuloy pa rin ni Nonito ang kanyang training at lumaban pa kay Rigondeaux noong Abril.

Nais daw niyang balikan si Rigondeaux, na tinalo raw siya sa pamamagitan ng madalas na pag-ilag, pagtakbo, at pagkuha ng puntos sa mga suntok.

“Of course, I want the rematch, pero I can’t make 122 [pounds] limit anymore. I had a hard time making that weight. So, if ever he moves up to 126, sige,” sabi ni Nonito.

Lumalaban ngayon si Nonito sa boxing weight division na featherweight, na may limit na 126 pounds.

SHOWBIZ. Tungkol naman sa showbiz, tinanong ng PEP kung may balak pa siyang bumalik, lalo na’t gumawa na siya ng indie film nung nakaraang taon, ang Palad Ta Ang Nagbuot.

“I don’t know,” sagot ni Jun.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“It was a lot of fun, and the cast, I will never forget. Because we became family in such a short time,” sabi niya tungkol sa ginawang indie film.

“I like to do it for fun, pero boxing is my priority.”

Sa huli, nag-iwan ng mensahe si Nonito sa kanyang fans.

“Everything is in God’s plan for us. Just trust it, even if it’s a harder road.

"Thank you to my fans for not leaving my side during my trials and tribulations.

“I will do my best to come out victorious once again. Salamat.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN