Superstar Nora Aunor is fine with losing CineFilipino Best Actress trophy to 13-year-old newcomer

Nora Aunor on longtime rivalry with Vilma Santos: "Hindi mawawala yun kahit kailan. Oo, forever na ’yon. At mas maganda naman yung ganun."


Likas ang pagiging sport ng Superstar na si Nora Aunor, kaya hindi siya apektado ng mga pagkatalo sa nasasalihang kumpetisyon sa larangan man ng pag-arte o pagkanta.

Good naturedly ay natatanggap ni Ms. Nora ang ganitong bahagi ng matagumpay niyang propesyon sa showbiz.

"Tama na ’yon, huwag na tayong [magdamdam]. Ibinigay na sa atin ang lahat," pahayag niya matapos ang awarding ceremonies kagabi, September 22, ng CineFilipino Film Festival.

Dito ay nagwagi ang 13-year-old newcomer na si Teri Malvar ng Best Actress award.

Si Teri ang bidang aktres sa coming-of-age movie na Ang Huling Cha-Cha Ni Anita ni indie director Sigrid Andrea Bernardo.

Nakita pang nagbiro ang 60-year-old actress nang magkasabay sila sa stage ni Teri na halos kasing-taas niya.

Masaya rin si Ate Guy—ang palayaw ng Superstar—na tatlong parangal ang natamo ng Ang Kuwento ni Mabuti, ang entry na pinagbidahan niya.

Nanalo ang pelikulang ito ni Mes De Guzman sa mga kategoryang Best Screenplay and Direction para kay Mes.

At co-winner ito bilang Best Picture, ka-tie ng Ang Huling Cha-Cha Ni Anita.

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang taga-media si Ate Guy bago mag-umpisa at nang matapos ang awards ceremony sa Resorts World Manila, sa Pasay City.

Heavy favorite si Nora to win the Best Actress award, pero wala raw siyang anumang expectation.

Pahayag niya bago ang awards night, "Alam n’yo naman, lagi kong sinasabi, pagka ganitong awards night, hindi naman ako talagang umaasa.

"Pag nanalo, maraming salamat. Pag hindi naman nanalo, maraming salamat.

"Kasi ang isang artista naman, nasa role na ginagampanan niya yun, e.

"Maraming magagaling naman [sa CineFilipino entries], kaya binabati ko rin silang lahat.

"Hindi lang yung pelikula namin. Siyempre, kailangang tangkilikin yung sariling atin."

LOSING TO A NEWCOMER. Matapos ang pagpaparangal sa lahat ng kategorya ay muling nakausap ng PEP si Ate Guy.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sinabi nitong masaya siya para sa tagumpay ng pelikulang kinasalihan niya bilang female lead.

Pero ano ang masasabi ni Ate Guy sa pagwawagi ng baguhang si Teri?

Sagot ng veteran actress, "Hindi ko pa napapanood yung pelikula, pero sabi ko nga, lagi na maraming artistang magagaling—depende sa role na ibinibigay ng isang direktor sa kanya.

"Congratulations sa lahat ng mga nanalo."

FESTIVAL TOP GROSSER. This early, may unofficial report na top grosser sa CineFilipino Film Festival ang Ang Kwento ni Mabuti, kaya extended ito sa Gateway at Ali Mall Cinemas simula September 25.

Sa simula pa lang ng festival ay madalas nang sold out ang screenings ng lead-starrer ni Nora sa mga sinehang pinagtanghalan nito.

Sabi ng aktres tungkol dito, "May nagbabalita sa akin.

"Siyempre, kahit papaano, hangga’t hindi ko nakikita, nandoon yung pangamba.

"Positive ako na talagang nagustuhan nila yung pelikula."

Marami ring glowing reviews ang pelikula mula sa mga lehitimong kritiko at serious film buffs.

"Oo nga, nabasa ko din, kaya maraming salamat," sabi niya.

Ginagampanan ni Ate Guy sa Ang Kwento ni Mabuti ang papel ng isang barrio folk healer at farmer.

"Sa mga fans na nanood, at yung mga hindi pa nakakapanood, panoorin n’yo po ang pelikulang Ang Kwento ni Mabuti, at makakapulot ho kayo ng aral dito.

"At sa mga sumuporta at sa mga press na tumulong po sa Mabuti, maraming-maraming salamat po sa inyong lahat, lalung-lalo na po yung nagkagusto sa aming pelikula.

"Mula sa direktor hanggang sa utility, binabati ko silang lahat."

Aware ba si Nora na may maituturing na "new generation" ng moviegoers na nakaka-appreciate ng pelikula at pag-arte niya—o masasabing mga "bagong Noranians"?

Sagot niya, "Ay, nagulat ako! Nung nanood ako, talagang puro estudyante, puro kabataan yung nanood."

Sa Ang Kwento ni Mabuti, Ilocano ang dialogues ng mga nagsiganap, kaya naiiba ito para kay Nora na isang Bicolana.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Handa ba uling gumawa ng pelikula si Ate Guy na ibang lengguwahe uli, maliban sa Tagalog, ang gagamitin?

"Oo naman. Mas matsa-challenge ako doon," sagot niya.

Biro sa Superstar ng press, paano kung Chinese ang dialogue?

Nangiti si Ate Guy at sinabing, "Teka muna, magpapasingkit muna ako ng mata!"

Dugtong niya, "Bakit hindi, kung kinakailangan?"

RIVALRY WITH ATE VI. Hindi maiiwasang maitanong kay Nora ang tungkol sa karibal at kumare niyang si Vilma Santos.

Ano ang masasabi niya sa posibleng muling pagtutunggali nila ng Star For All Seasons sa awards season next year?

Kung may Ang Kwento ni Mabuti si Nora, si Vilma naman ay mayroong Ekstra.

Sabi ni Nora, "Alam mo, ang bawat artista naman may kanya-kanyang ano... Merong kaya si Mare na hindi ko kaya. Ganun din naman ako."

Makikita muli ang matagal nang respeto ni Nora sa writers, directors, at prodyusers: "Depende ’yan sa role na ibinibigay ng isang direktor o isang producer sa kanya."

May ilan pang mahuhusay na aktres na makakalaban sina Ate Vi at Ate Guy sa susunod na taon.

Pahayag ni Nora tungkol dito, "Mas kailangan natin yun. Kailangan ng industriya, para at least lalong mabuhay ang industriya at sumigla katulad dati.

"Kasi pansamantalang nawala ’yan, e."

Hinggil sa rivalry nila ni Vilma, sabi rin ni Nora, "Hindi mawawala yun kahit kailan. Oo, forever na ’yon."

Tulad ng sinasabi ng mga beterano tungkol sa showbiz rivalries, sabi rin ni Guy: "At mas maganda naman yung ganun."

Hirit lang nito tungkol kay Vilma, "Pero ang importante doon, nagkakausap kami. Hindi man kami magkita, kahit papano nagkakausap naman kami paminsan-minsan.

"Nagkakaintindihan kami, hindi man kami nagkikita."

May posibilidad ba talaga ang naiulat na "reunion movie" nina Nora at Vilma?

"Hindi ko pa alam," sagot ni Ate Guy.

Napanood ba ni Ate Guy ang Ekstra ni Ate Vi?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Alam mo, maski ang pelikula ko minsan, hindi ko napapanood," pag-amin niya.

BIG STARS IN INDIE FILMS. Ano ang masasabi niya sa pagbibida ng malalaking pangalan o mainstream stars sa indie films?

Sabi ni Nora, "Mas makakabuti para sa industriya.

"Dapat nga tangkilikin natin ang industriya, ang indie films na ginagawa ngayon, kasi maraming indie films na maganda.

"Hindi porke’t sinasabi nilang indie films, sasabihin nilang low-budget, hindi na maganda."

At gaya nang madalas niyang sabihin, "Nasa pagdidirek ’yon, nasa paggawa ’yon, sa istorya."

Ano ang masasabi ni Nora sa di pagkakapili ng FAP bilang entry ng Pilipinas sa Oscar Awards’ Best Foreign Language Film category ang pinagbidahang pelikulang Thy Womb?

Sagot ng Superstar, na lumabas sa pelikulang Thy Womb kasama sina Bembol Roco at Lovi Poe: "Nabalitaan ko yun, pero alam mo, irespeto natin kung ano yung gusto nila."

Ano ang mga proyektong aabangan sa kanya ng Noranians?

"Sa November, uumpisahan namin yung Dementia, kung saan si Perci Intalan ang magdidirek.

"Sa TV5 din po yun. Tipong psychological drama."

Bukod sa pelikula, mayroon ding natapos nang i-tape na telemovie sa TV5 si Nora opposite Tirso Cruz III.

Pinamagatang When I Fall In Love, mula ito sa direksiyon ni Joel Lamangan.

"Sa November yata [ang airing], hindi ko alam. Matagal na naming tapos yun," banggit ng Superstar.

May plano ba uling mag-prodyus ng pelikula si Ate Guy? Napabalita kasing madalas silang magkonsultahan ni Ricky Lee, ang batikang screenwriter na personal na kaibigan ni Nora.

Sagot niya, "Meron akong plano. Darating. Mababalitaan n’yo na lang ’yon.

"Wala pang [gaganap], kasi namimili pa kami ng istoryang maganda, na bago yung artista."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN