FIRST READ ON PEP: Director Wenn Deramas finally reveals 10-year relationship with actor DJ Durano

Inamin ng direktor na si Wenn Deramas (kaliwa) na tumagal ng sampung taon ang relasyon nila ng aktor na si DJ Durano (kanan). Hindi man daw naging maganda ang paghihiwalay nila noon, ngayon ay magkaibigan na silang muli. Saad ng direktor, “Ang ending talaga, magkakabati at magkakabati kayo. Iisipin mo rin yung magagandang ginawa niya sa ‘yo bilang mabait naman talaga siya.”


Sa unang pagkakataon ay nagkuwento ang direktor na si Wenn Deramas tungkol sa naging tunay na relasyon nila ng aktor na si DJ Durano.

Kung noon ay "magkaibigan lang" ang isinasagot ng dalawa tuwing matatanong sa kanilang ugnayan, ngayon ay inamin na ni Wenn na nagkaroon sila ng relasyon ng aktor.

Ayon sa box-office director, tumagal ang relasyon nila ni DJ ng sampung taon. Tinuldukan nila ito noong February 2013.

Pitong buwan pagkatapos magwakas ang kanilang relasyon, maluwag na sa kalooban ni Wenn ang magsalita tungkol sa paghihiwalay nila ni DJ.

Ito ay dahil humingi na raw ng tawad sa kanya ang aktor, at naka-move on na ang direktor.

Si DJ ay napanood sa mga pelikula at teleserye na idinirek ni Wenn.

Kabilang sa mga ito ang mga sumusunod: Sisterakas, This Guy’s In Love U Mare, Moron 5 and The Crying Lady, The Unkabogabol Praybeyt Benjamin, Petrang Kabayo, at Ang Tanging Ina franchise.

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang piling entertainment press si Wenn sa pocket presscon ng bago niyang pelikulang Bekikang: Ang Nanay Kong Beki, launching movie ni comedian Joey Paras.

Ginanap ang presscon sa Mom and Tita Bakery sa Sgt. Esguerra, Quezon City, kaninang tanghali, September 24.

Saad ni Wenn tungkol kay DJ, “Ngayon, sobrang okey na kami… text-an.

“I think umuwi siya sa Japan kahapon [September 23].

“Bati na… yun lang ang puwede kong iano.

“Pero noong dumating na yung time na ‘yon, na kailangan na namin na [maghiwalay], ang ayos-ayos.

“Ganito na kaayos, parang nakikipag-usap sa inyo.”

Patuloy niya, “Siguro siya ang nagkaroon ng ano... ang ginawa ko lang, tinanggap ko.

"Tapos, along the way, doon sa isang buwan, okey na.

“Alam na natin, wala na, di ba? Sa isang buwan na ‘yon, magkaibigan na magkaibigan na kami.

“Kasi siyempre naman, yung tao na minahal mo for so long, wala ka rin ibang gugustuhin kundi mapabuti ang buhay niya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“May mga natuklasan ka, doon nasira. So, doon ko pinutol nang diretso.

“And then, eventually, sabi ko nga, mabuting tao ‘yon, mabait si DJ.

“Ang ending talaga, magkakabati at magkakabati kayo.

“Iisipin mo rin yung magagandang ginawa niya sa ‘yo, bilang mabait naman talaga siya.”



RECONCILIATION. “Hindi” ang sagot ni Wenn sa tanong kung nakikipagbalikan sa kanya si DJ.

May karelasyon na raw na bago ang aktor.

Sa kaso ni Wenn, masaya raw siya sa pagiging single ngayon.

Aniya, “Ini-enjoy ko, yung totoo, walang biro.

“Hindi ko sinasabing hindi ako naging happy na may karelasyon, pero ang sarap pala nung wala.

“Yun ang inaasikaso ko lang talaga ngayon—dalawang anak, tapos yung sarili mo na.

“Dati kasi, trabaho... nandiyan pa ang nanay ko dati.

“Ano yun, e, Panginoon, nanay, anak… ang daming ganoon. Nagpapatung-patong din naman yung needs nila.

“Ang ending, para akong... Ang pakiramdam ko e para akong toothpaste—labas nang labas, walang pumupuno.

“So, magkakaroon ka ng karelasyon. Somehow, meron, pero in the end, ikaw pa rin pala...ganoon.

“Parang maganda yun, a—toothpaste ako!

“I’m single and very happy.”



DJ’S NEW RELATIONSHIP. Nakilala na ba ni Wenn ang bagong karelasyon ni DJ?

“No, there’s no need. Siya ang dahilan, e. Baka masabunutan ko pa!” ang pabirong sagot ni Wenn.

Ang ibig sabihin ng direktor ay ang bagong karelasyon ngayon ni DJ ang dahilan ng paghihiwalay nila ng aktor.

Patuloy ni Wenn tungkol sa relasyon nila, “Ten years…

“Naku, ngayon lang ako nagsasalita nang ganito, kasi okey na ako.

“Saka siya [DJ] ang nagsimula. Siya ang nagsabi, siya ang unang umamin."

Ang tinutukoy ni Direk Wenn ay ang panayam ni DJ, na lumabas dito sa PEP noong August 18, tungkol sa relasyon nila.

Sabi ni DJ sa naturang panayam: "Yes, we have a relationship. A director-actor relationship. Outside that, we have a deep relationship and I don’t want to elaborate."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

(Read: DJ Durano on mentor-friend Direk Wenn Deramas: “Kung wala si Direk Wenn, walang DJ Durano.”)

Sa pagpapatuloy naman ng panayam ni Direk Wenn kanina, tinanong siya kung naging masaya ba siya sa sampung taong relasyon nila ni DJ.

Tugon niya, “Yes! Yes, I’d like to believe, siya rin. Otherwise, hindi kami tatagal nang ganoon.

“Ang totoo niyan, kaya kami naghiwalay nang sobrang maayos noong Pebrero ay ang pinuputol ko lang ay ang romantic angle.

“But the friendship, the help, and everything, is there.

“Kaya lang, ang sabi ko nga, maraming na-unfold na mga secret along the way.

“Parang pakiramdam ko noon, sa lahat-lahat ng mga ginawa mo, parang naging tatlong beses lamang akong naging mabuti—bilang anak, bilang magulang, at karelasyon niya.

“At kung nagawa mo sa akin ito, anong klase kang tao?

“May ganoon akong naramdaman dati kaya kailangan kong magalit.

“At ang maganda kay Durano, never siyang nag-retaliate.

“Marami akong sinabi sa kanyang hindi maganda, pero never siyang sumagot... Never siyang sumagot.

“Pinahalagahan niya kung ano yung sampung taon namin.

“Kaya nang lumapit na siya finally to say sorry, asked for forgiveness, ang dali naman sa akin.

“Ngayon, grabe kaming magbiruan sa text, nabibiro-biro ko na.

“Ang totoo, ni isang crying scene, wala ako.

“Yung galit, pinilit nga lang ’yon, kung tutuusin.

“Yung sa akin, noong nalaman ko, wala na kami, so parang ’Sige na nga.’

“Pero ang totoo, para na lang maputol ang komunikasyon, kailangan kong magalit.”

Ang nanumbalik na friendship nila ang dahilan kaya maaaring makasama uli si DJ sa coming movie projects ni Wenn—ang mga sequel ng Praybeyt Benjamin at Moron 5 ng Viva Films.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN