Akihiro Blanco downplays supposed rivalry with Vin Abrenica

Inamin ni Akihiro Blanco na ipinagdasal niyang manalo bilang Best Actor sa CineFilipino Film Festival, ngunit ang award ay napunta sa baguhan ding aktor na si Carl Medina.


Hindi man pinalad manalo bilang Best Actor sa 1st CineFilipino Film Festival Awards Night, masaya pa rin ang Artista Academy alumnus na si Akihiro Blanco sa magagandang feedback sa pagganap niya sa Mga Alaala Ng Tag-ulan.

Kabilang ang nasabing pelikula sa kalahok sa CineFilipino Film Festival, na nagkaroon ng awards night noong Linggo, September 22, sa Genting Club, Resorts World Manila, Pasay City.

Inamin ng Filipino-Japapese newbie actor na ipinagdasal niyang sana ay manalo siyang Best Actor. Tatalon pa nga raw siya kapag natawag ang pangalan niya bilang winner.

Yun nga lang, tinalo si Akihiro ng baguhan ding aktor na si Carl Medina, anak ng character actor na si Pen Medina. Nanalo si Carl para sa pagganap niya sa The Guerilla Is A Poet.



POSITIVE FEEDBACK. Sa kabila nito, na-inspire pa rin si Akihiro sa magagandang comments na natatanggap niya mula sa mga nakapanood ng Mga Alaala Ng Tag-ulan.

Dahil dito ay gusto niya uling gumawa ng iba pang indie projects.

“Bilang isang aktor, tatanggapin ko talaga yung iba’t ibang role, lalo na yung character, yung mag-iiba ako.

“So, reding-ready na ako,” sabi niya sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal).

Narinig din daw ni Akihiro na gusto siyang makatambal ng young female artists ng TV5, partikular na ang mga kasamahan niya noon sa Artista Academy.

Sabi niya, “Naku, game ako! Game ako sa ganyan, kasi kasama ko rin naman sila sa istasyon at naging close ko naman sila.

“Kahit sino sa kanila, ready akong makatrabaho ko sila.”



VIN ABRENICA. Parehong finalists ng Artista Academy sina Akihiro at Vin Abrenica. Pero ang itinanghal na Best Actor o male winner ay si Vin, nakababatang kapatid ng Kapuso actor na si Aljur Abrenica.

Ngunit sa pagbibida ni Akihiro sa pelikula, tila naungusan na niya si Vin.

Sabi ni Akihiro tungkol dito, “Para sa akin, wala naman sa akin yung ganun.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Kasi kami ni Vin, close din naman kami, sobra. Kami yung naging mag-best friend sa Artista [Academy].

“So, ang sinasabi niya sa akin talaga, ‘Congrats! Ikaw yung unang nagkaroon ng ganyan-ganyan.’

“Proud na proud siya sa akin dahil nagkaroon ako ng movie na ganito, tapos indie pa.”

Diin pa niya, “Wala naman pong inggitan.”

Ano sa palagay ni Akihiro ang mayroon siya at siya ang mas unang nagka-pelikula sa kanila ni Vin?

Sagot niya, “Ewan ko, kasi para sa akin, gusto ko yung ginagawa ko. Gusto rin naman ni Vin yung ginagawa niya.

“Pero para sa akin, hindi ko gusto yung acting ko nung sumali sa ako sa AA, nung umpisa.

“Pero nung bandang gitna na, alam kong naiibigan ko siya, naging love ko na siya.

“Kasi, gusto ko ring maging direktor sa future.

“Nag-aaral ako ngayon, nagbabasa ako ng book about sa filmmaking.

“Talagang naging dream ko siya.”

RIVALRY. Ano sa palagay ni Akihiro ang lamang niya kay Vin?

“Wala akong abs!” biro niyang sabi.

Sa Artista Academy ay marami nang humahanga sa potensiyal ni Akihiro na maging isang mahusay na aktor. Ito ba ang lamang niya kay Vin?

Sagot niya, “Para sa akin, oo.

“Pero pagdating sa performance, para sa akin, si Vin.

“Para sa akin kasi, sa AA, ang pinakamabigat kong kalaban, si Vin talaga.

“Unang-una, siya pa rin yung nagta-top hanggang sa huli.

“So, ako, lumaban na ako sa bandang gitna.

“Kasi nung una, medyo hindi pa ako seryoso, e. So, nung nag-gitna, naging seryoso na ako.

“So, yun ang natutunan ko na kailangan talaga na seryosohin mo.”

Posibleng maging magkaribal sila ni Vin sa acting. Ano ang masasabi ni Akihiro dito?

“Posible naman yun. Pero kasi, parehas kami ng istasyon.

“So, puwede rin kaming umangat sa istasyon na yun. Hindi ko rin masasabi na magkaribal kami ni Vin.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Kung si Vin ay kapatid ni Aljur Abrenica, si Akihiro naman ay pamangkin ng aktor na si James Blanco.

Ano ang sinabi ni James tungkol sa pagbibida ni Akihiro sa pelikula?

Sabi ng binata, “Nag-post ako ng picture sa Instagram. Inilagay ko lang kung kailan ang showing.

“So, ayun, nag-Instagram message sa akin. Congrats daw, sobra.

“Happy raw siya sa akin at papanoorin daw niya ito.”



SHAIRA & EDGAR ALLAN. Samantala, nagbigay ng komento si Akihiro tungkol sa relasyon ng kapwa niya Artista Academy finalist na si Shaira Mae dela Cruz sa young actor na si Edgar Allan Guzman.

(Read: Shaira Mae Dela Cruz denies she’s a bad influence on Edgar Allan Guzman)

“OMG! That’s my friend! Kapatid ko po siya sa Madam Chairman,” banggit ni Akihiro sa bagong serye ng TV5 na pagbibidahan ni Sharon Cuneta.

Dagdag niya, “Masasabi ko kay Edgar at kay Shai, I’m happy for them.

“Siyempre, si Shaira kasi ang best friend kong babae sa Artista Academy.

“Happy ako sa kanila, di ba?

“Inamin na nila? Seven months na sila?

“Sa pag-amin nila, I’m happy for them, lalo na kay Edgar, kaibigan ko ‘yan. Nakaka-basketball ko ‘yan, e.”

Si Akihiro ba ay walang aamining karelasyon ngayon?

“Wala pa nga, e. Bigyan n’yo naman ako, o!” biro niya.

Pero dagdag din ni Akihiro, “Para sa akin, work muna.

“Pag dumating ako sa tipong twenty-five na age ko, puwede na. Kung sino ang puwedeng ligawan.”

Wala ba siyang nakikitang puwedeng ligawan sa mga ka-batch niya sa Artista Academy?

“Wala, e. Kasi turing ko sa kanila, kapatid ko talaga.

“Kasi nawala yung iba kong mga kapatid. Like, yung ate ko, nasa Singapore.

“Ako lang ang mag-isa, kasama ko ang mom ko.

“Masarap din yung feeling na parang magkakapatid kayo.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN