Barbara Miguel on winning more acting awards: “Kung makakalima pa akong award sa ibang bansa, siguro matatawag na akong international awardee.”

Masasabing tunay na talented si Barbara Miguel dahil sa pagnanais niyang makaganap pa ng iba’t ibang papel. Aniya, “Gusto ko pong makilala nila ako na bida-kontrabida—yung ikaw na ang bida, ikaw pa rin ang kontrabida. Ayoko po ng api-apihan lang.”


Sa murang edad na siyam na taon, dalawang prestihiyosong award na ang natanggap ng Kapuso child star na si Barbara Miguel.

Una ay bilang Best Child Actress sa 61stFAMAS Awards para sa pelikulang Migrante.

Ang ikalawa naman ay ang Best Actress award mula sa Harlem International Film Festival, na ginanap sa New York, para sa indie film na Nuwebe.

Alam ni Barbara na dinala sa New York at iba pang international film festival ang pelikula nilang Nuwebe, na unang ipinalabas sa Cinemalaya 2013.

Doon pa lang daw, nagsimula na siyang mangarap.

Saad ni Barbara sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa pocket presscon ng Nuwebe, “Noong malaman ko po, nagdyo-joke pa po ako.

“Sabi ko, ’Ma, paano kaya kapag nanalo ako sa New York? Nanalo ako sa Bangkok, ano kaya ang feeling?’

“Tapos, bigla lang, noong last, last Sunday, nag-text po ang manager ko, si Direk Maryo J. delos Reyes. Si Mommy po ang nagsabi sa akin.

“Tapos, sabi po ng daddy ko, ‘Congratulations, Pooh, nanalo ka na naman ng award. Hindi lang FAMAS, nanalo ka ng award sa New York Harlem Film Festival!’"

Pooh ang palayaw ni Barbara.

Patuloy pang kuwento ng child actress sa presscon sa GMA Artist Center kahapon, September 23, “Excited akong sabihin sa teacher ko.

“Nagpunta ako ng school, sabi ko, ‘Ma’am, may sasabihin ako sa inyo.’

“’Good news ito—nanalo ako ng award, hindi lang sa FAMAS!’ Tuwang-tuwa po ang teacher ko.”

Nanghinayang naman si Barbara na hindi niya personal na natanggap ang tropeyo niya sa Harlem International Film Festival.

“Sabi ko, ‘Sayang, Ma, hindi ako nakapunta. Kung nagpunta siguro tayo sa New York, haping-happy siguro tayo.’”

Kung nagkataon at personal niyang natanggap ang trophy, sino-sino ang mga pasasalamatan niya sana?

Lahad nito, “Siyempre po, ang una kong pasasalamatan, GMA Artist Center, GMA.

“Susunod po roon, Cinemalaya, ang manager ko po.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Ang Cinemalaya po, kina Direk Laurice Guillen, Direk Mel Chionglo at, siyempre, nagpapasalamat din po ako sa director ko sa Nuwebe, na si Direk Joseph Laban na pinaglaban din po ang film namin sa ibang bansa.”


INTERNATIONAL AWARDEE. Parang nahihiya pang aminin ni Barbara na international awardee na nga siya.

“Hindi naman po masyado,” nakangiti niyang sabi.

“Pero, I hope, kung makakalima pa akong award sa ibang bansa, siguro po, matatawag na akong international awardee.”

May dahilan naman si Barbara kung bakit hindi niya nasungkit ang Best Actress award sa Cinemalaya at sa New York pa siya nagwagi.

Sabi niya, “Kasi naman po, ang dami naman pong actresses. Pero sa New York po, nagustuhan po nila.”

Pero umaasa siyang manalo pa ng awards mula sa iba’t ibang local award-giving bodies.

Asam niya, “Sana nga po, kahit mga FAMAS lang ulit.

“Sana kahit next year o ngayon. Sana po, manalo pa rin ako ng award.

“Sabi ko nga po kay Mama, ‘Ma, gusto kong magkaroon ng limang award this year.’”


AUDITIONS. Kuwento rin ni Barbara na maraming bata na nag-audition noon para sa role niya sa Nuwebe.

At noong napili siya, hindi pa sigurado kung siya nga ang gaganap sa karakter ni Krista o kapatid nito.

Pero sa ganang kanya, gusto talaga niya maging bida.

Ani Barbara, “Yun pa lang po kasi ang first bida role ko sa mga movie. Yung iba po, support lang po.”

Bakit gusto pa niyang manalo ng award gayong bida na siya?

“Kasi po, kapag nanalo po, ibig sabihin lang po noon, lalo pong gumaling."

Ngayong nanalo siya ng acting award at Best Actress pa, sa New York, mas magaling na nga ba siya kumpara sa ibang child stars?

Sabi ng siyam-na-taong-gulang, “Hindi naman po—depende rin naman po kasi ‘yan kung maganda ang film.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“At saka, itong award naman na po na ito, para po sa aming lahat. Kasi po, kung kaya ko po ‘to, kaya rin po nila ‘to.”

May iba pa palang minamataan si Barbara kaugnay ng kanyang pagkakapanalo.

“Tapos, kapag nanalo na ’ko, sabi ko kay Ma, ‘Papayagan mo ba akong mag-theater rin? Kasi po, yung teatro po kasi, doon nagsisimula ang ibang artista.’

“Kapag nag-teatro pa po ako, mas marami pa po akong makukuhang acting techniques.

“At saka, pag nasa stage ka, palagi kang magme-memorize ng script.”

Parang sa edad niya, sa pag-arte siya nakatuon. Masasabi bang nae-enjoy pa rin niya ang pagiging bata?

Pag-amin naman niya, “Nae-enjoy ko po, kasi meron naman po akong mga kapatid. Tapos, nakakasama ko pa po ang mga kaibigan ko.

“Nag-aartista man ako, ine-enjoy ko pa rin po ang pagiging bata ko. At saka, nag-aaral pa rin po ako. Grade 3 po ako sa St. Nicholas Academy.”


MISSING DAD. Ipapadala pa lang ang trophy at certificate na napanalunan ni Barbara mula sa Harlem International Film Festival.

Itatabi raw niya iyon sa FAMAS trophy niya, at titingnan na lang daw niya kapag nalulungkot siya.

Nagulat ang PEP nang bigla siyang naluha nang tanungin namin kung bakit siya nalulungkot.

Sagot niya, “Minsan po kasi, kapag gusto kong tawagan ang daddy ko, nasa work po siya. Nasa Davao po kasi siya. Nami-miss ko po ang daddy ko.”

Tubong-Davao raw ang mga magulang ni Barbara, pero hiwalay na ang mga ito.

Meron siyang stepfather na kasama rito sa Maynila at dalawang kapatid sa mommy at stepfather niya.

Kuwento ni Barbara, “Naiintindihan ko naman po si Mommy, okay lang po sa akin.

“Kasi po, noon po, may biniling ring si Daddy. Tapos, sabi po ng mommy ko, ayaw raw niyang pakasalan si daddy ko.

“Sabi ko, ‘Ma, bakit, bakit ayaw mong pakasalan si Papa?’ Nag-wild ako sa mall, tapos, galit na galit po ako sa kanya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Pero, noong lumaki na po ako at naghiwalay na sila, naintindihan ko na po si Mama.

“Mabait naman po ang stepfather ko. Kapag tumatawag po ako sa papa ko, okay naman po sa kanya.”

Bakit naiiyak pa siya? Nasasaktan pa rin ba siya na nagkahiwalay ang mga magulang niya?

“Hindi naman po, nami-miss ko lang po ang papa ko.”


CHILD MOTHER. Sa totoong buhay, nuwebe anyos pa nga lang talaga si Barbara.

Sa Nuwebe rin, ginampanan niya ang isang siyam-na-taong- gulang na pinagsamantalahan ng sariling ama at nagkaroon siya ng anak.

Paano niya nagawang makatotohanan ang pagganap ng isang ina gayong siyam na taon gulang pa lamang siya?

Tugon niya, “’Tinuro po sa akin ni Mama, ‘Kunwari, wala na ako roon, tapos yung kapatid mo, binigay ko na lang sa ‘yo. Tapos, wala na rin ang step-father mo.’

“Umiyak na po ako, inisip ko na po, ako na yung nanay ng mga kapatid ko. Ayoko naman pong mangyari yun.”


REAL TALENT. Nakapasok sa showbiz si Barbara sa pamamagitan ng kanyang ina, na umaarte rin sa telebisyon at pelikula, bukod pa sa pagtuturo nito sa acting workshops.

Dalawang taon pa lang daw si Barbara, nakitaan na ito ng pamilya ng husay sa pag-arte. At aminado nga ang Kapuso child star na, bata pa lang, pangarap na niyang mag-artista.

Sa mga Kapuso shows, nakilala si Barbara sa Munting Heredera at Biritera, kunsaan parehong kontrabida ang karakter na ginampanan niya.

Mas gusto ba niya ang kontrabida roles?

“Gusto ko pong makilala nila ako na bida-kontrabida—yung ikaw na ang bida, ikaw pa rin ang kontrabida. Ayoko po ng api-apihan lang.

“Pero, gusto ko rin naman pong tumanggap na maging bida rin o inaapi.

“Gusto ko pong tumanggap ng kahit na ano—horror, comedy, drama—kahit na ano po.”


TALENT FEE. Binibiro naman si Barbara na dahil nanalo na siya ng awards, nagtaas na siya ng talent fee.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Secret!” natatawang sabi niya.

“Secret po, siyempre po, sana po, gusto po namin.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN