Joey Paras dismisses comparison to Vice Ganda: "Wala naman dapat ikumpara o itapat, kasi Vice Ganda na siya, e."

Ilulunsad ang theater/movie/TV actor na si Joey Paras bilang isang lead star sa maintream film na Bekikang, mula sa direksiyon ng box-office director na si Wenn Deramas. Sabi ni Joey, "Very excited ako. Pero hindi ko tinitingnan ang sarili ko na dahil launching movie ko ito ay angat ako sa ibang mga beki, hindi."


"Oo, sige. Iki-claim ko ’yan!"

Ito ang sagot ng theater/movie/TV actor na si Joey Paras sa obserbasyon ng ilan na tila taon niya ang 2013.

Nanalo siya bilang Best Supporting Actor sa 2013 Cinemalaya Independent Film Festival para sa kanyang pagganap sa Babagwa. Marami rin ang pumuri sa ipinakita niyang pag-arte sa Dance of the Steel Bars, kung saan nakasama niya si Dingdong Dantes.

Kasama rin siya sa upcoming fantaserye ng ABS-CBN na Galema.

At ngayon ay ginagawa na niya ang kanyang launching movie, ang Bekikang: Ang Nanay Kong Beki, mula sa direksiyon ni Wenn Deramas.

Kaugnay ng launching movie ni Joey ay nagpatawag ng pocket presscon ang Viva Films para sa kanya at kay Direk Wenn noong Martes, September 24.

Ayon kay Joey, hindi niya inaasahan na magkakaroon siya ng launching movie.

"Una, surprised ako, kasi dream ko ito ng bata pa ako, e.

"Hindi ko na kasi ito ini-expect, kasi ang habol ko ay trabaho na. Alam n’yo yun? Kailangan ko nang maging financially stable.

"Tapos, nung dumating si Direk Wenn at ibinigay niya ito, una ay hindi ako naniniwala.

"Merong nangyari at, ayan, ipapalabas na siya [sa October 23].

"Kasi kung indie [movie] lang naman ang pag-uusapan, wala ang ganitong kaba.

"Pero mainstream ito, e. Heto ang sukatan kung tanggap ka ba o hindi. Dito ako natatakot.

"Very excited ako. Pero hindi ko tinitingnan ang sarili ko na dahil launching movie ko ito ay angat ako sa ibang mga beki, hindi.

"Blessed lang siguro ako na nangyayari ang mga ito sa buhay ko."

Hindi ito ang unang pagbibida ni Joey sa pelikula dahil siya ang lead actor sa 2009 Cinemalaya entry na Last Supper No. 3.

Bagamat sa mga sumunod niyang pelikula at teleserye ay supporting roles o maliit lang ang role na kanyang ginampanan, tumatak naman sa mga manonood ang kanyang husay sa pag-arte.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Kabilang sa mga proyektong ginawa niya ang mga sumusunod: Ikaw Sana, Dahil May Isang Ikaw, The Last Prince, White House, I Heart You Pare, Sinner Or Saint, Daldalita, Bwakaw, at Sisterakas.

NEW FAVORITE? Ano ang masasabi ni Joey na siya na raw ang pinakabagong paboritong "beki actor" ng box-office director na si Wenn Deramas.

"Hindi naman siguro," tila nahihiya pang sabi ng award-winning actor.

"Siguro, gusto lang niya ako dahil halos pareho ang aming pinagmulan. Stage actor din siya.

"Actually, ewan ko nga sa kanya. Kasi yung mga plano niya sa buhay... aside from that, hindi ko na alam yung iba.

"Siguro gusto lang niya ng bagong mukha o bagong maipi-feature."

Dahil sa pagkakaroon na niya ng launching movie, hindi maiwasang maikumpara o itapat si Joey sa pinakasikat na gay actor ngayon sa Pilipinas—si Vice Ganda.

Pahayag ni Joey tungkol dito, "Hindi kami ganun ka-friends ni Vice, pero magkakilala kami.

"Kasi under the same team kami, di ba, kay Direk Wenn?

"Napa-flatter ako, kasi si Vice Ganda siya, e. Ang dami na rin niyang napatunayan at saka big star talaga siya.

"Pero excited din ako sa fact na makita kung ano ang kaya kong ibigay na kukumpleto sa mga beki tandem.

"Sa akin, wala naman dapat ikumpara o itapat, kasi Vice Ganda na siya, e. Ganito na siya," sabay taas ng kanyang kanang kamay, na ang ibig sabihin ay nasa mataas nang antas si Vice.

Dagdag pa ni Joey, "Andun na siya at hinahangaan ko si Vice. Nagbibigay siya ng inspirasyon sa akin.

"At saka, sa tingin ko, magkaiba ang tinatahak naming landas.

"Una, ako ay one hundred percent an actor.

"Kasi si Vice, kilala na nating isang napakahusay na host, comedian, performer, actor, phenomenal star—big star talaga siya."

A TRUE ACTOR. Sa Bekikang daw ay mas higit pang lalabas ang kanyang pagiging isang tunay na aktor.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"A, oo. Kasi dito, isa itong light family drama with comedy.

"At dito sa pelikulang ito ay sobrang blessed ako dahil nagawa ko ang mga eksenang pinangarap kong gawin noong bata ako.

"Like, yung iyakan, yung pangmahirap na role. Yung you would stand for the masses.

"I would always have fun playing and portraying roles na nakikita sa kalsada.

"I’m doing a mambabalut role, e. So, bilang mambabalut, feeling masa ka talaga.

"At saka, challenging na magkaroon sila [moviegoers]... na magkaroon sila ng sympathy sa iyo.

"At yun ang pinagpi-pray ko na maka-relate sila doon sa character ko as beki."

Aminado si Joey na kakaiba ang papel na ginagampanan niya rito, kumpara sa mga role niya noon.

Kung noon ay kalimitang mabunganga, maingay, at matapang na beki ang ginagampanan niya, dito raw ay ibang Joey ang mapapanood.

"Kakaiba nga ito. Dito, tumalak man siya, may rason, e.

"Hindi kasi ganun ka-naughty o kasutil. Balanse ang buhay ni Bekikang.

"Kung paano siya magsalita. Paano siya makipag-usapan sa anak-anakan niya. Sa love interest niya na si Tom Rodriguez.

"Pero dito, sweet and demure.

"Kaya nga interested ako na maipalabas na siya. Excited ako for that."

Dugtong pa niya, "Thankful and grateful ako para sa movie na ito.

"Actually, nasabi ko na nga kanina, mas kinakabahan ako.

"After naman noong launching movie ko sa indie world, ang Last Supper No. 3, heto naman ay panibagong simula, kasi mainstream naman.

"Yun yung kaba kasi mainstream na siya.

"Pero yung pagiging bida, hindi naman ganoon kabago."

TOM RODRIGUEZ. Dahil nabanggit na ni Joey na si Tom Rodriguez ang love interest niya sa Bekikang, kumusta katrabaho ang isa sa pinagnanasaang aktor ng mga bekis ngayon?

Nangingiting sabi niya, "Napakahusay na katrabaho ni Tom.

"Walang arte, napakadisiplinado.

"Despite the busy schedules na meron siya, lagi siyang on time, or usually mas maaga pa siya sa call time niya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"At kasi, kahit meron siyang My Husband’s Lover, hindi siya homophobic.

"Yun ang masarap na katrabaho. Yun ang tunay na lalaki, di ba?

"Yung kahit ano ang gawin natin ay okay lang, kasi lalaki siya, e. So, parang love na love ko si Tom.

"Nagpapasalamat ako sa kanya for joning in this film.

"Kilala siya more than me, pero ginawa niya ito, kaya love na love ko si Tom."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN