Tom Rodriguez gets the loudest cheer at Cosmo Bachelor Bash

Pabirong sinabi ni Tom Rodriguez ang naging sikreto ng kanyang pagrampa sa Cosmo Bachelor Bash. Ito raw ay ang "dengue diet": “Simple lang naman. Tatambay ka lang sa ospital ng ilang araw na naka-dextrose. Back and forth ka sa banyo, kailangan i-measure mo yung ihi mo sa may jar. Magandang diet!”


Hindi itinanggi ni Tom Rodriguez na kinabahan siya habang rumarampa sa Cosmo Bachelor Bash 2013, na ginanap sa World Trade Center, noong Martes ng gabi, September 24.

Isa ang My Husband’s Lover actor sa male celebrities na rumampa sa annual event na ito ng Cosmopolitan magazine ng Summit Media Inc.

Ayon kay Tom, nang makausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) matapos ng programa, hindi natural ang ipinakita niyang confidence sa entablado habang naglalakad siya sa runway.

“Ano yun, dayang confidence yun. Kung alam mo lang kung gaano ako kanerbiyos sa backstage!

“Nakailang sign of the cross ako, hindi ko na mabilang.

“Hindi ko alam kung paano ako tatanggapin ng tao.

“Iniisip ko, ‘Titili ba sila? Baka tahimik lahat?’ Nakakanerbiyos.

“Buti na lang, paglabas ko, ang sarap ng pakiramdam dahil lahat nagtitilian. Ang sarap ng experience!”

Ina-acknowledge ni Tom na ang malaking tagumpay ng kanilang teleseryeng My Husband’s Lover ang dahilan kaya mainit siyang tinanggap ng audience sa Cosmo Bachelor Bash.

Saad niya, “Alam mo, hindi ako magde-deny o hindi ako magmamalaki na, ‘Ay, hindi, hindi… dati pa ako [sikat]!’

“Kasi, ang laki… totoo yun, ang laki ng naitulong sa akin ng GMA at ng My Husband’s Lover.

“Kaya part ng success namin dito at part ng tili ng mga tao ay dahil sa kanila. Kaya they have our gratitude.”



STAGE FRIGHT. First time niya bang makaramdam ng ganung klaseng kaba, kahit hindi naman ito ang unang beses niyang rumampa sa Cosmo Bachelor Bash?

Sabi ni Tom, “Lagi akong kinakabahan. Yun ang sakit ko talaga. May stage fright ako.

“Bago ako mag-perform, bago ako lumabas o gawin ang trabaho ko, grabe ang tibok ng puso ko. Kinakabahan talaga ako.

“Kaya sinasabi ko na lang [sa sarili ko] na saka na lang mahiya pagkatapos.”

Ideya raw ni Tom ang pagdadala ng chako o nunchucks nang lumabas siya sa entablado.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Oo, tutal mahilig naman ako sa martial arts.

“Actually, yun ang pinaka-challenging na part sa pagrarampa, yung kanya-kanyang gimik.

“Wala talaga akong maisip, as in last minute na.

“Kagabi, galing akong shooting. Pagkauwi ko, ‘Ano kaya gagawin ko?’

“Eksakto, nakita ko sa mantelpiece ko yung chako at yung iba kong pang-martial arts. ‘Yun na lang kaya?’”

Nasorpresa naman daw si Tom sa presence sa Cosmo bash ng co-star niya sa My Husband’s Lover, na si Carla Abellana, na naroon para suportahan silang dalawa ni Dennis Trillo.

“Nagulat nga ako. Nagulat ako nung pabalik na ako, ‘Go, Tom!’ sabi niya.

“Ang sarap ng pakiramdam dahil sinuportahan niya kami ni Dennis. Parang pamilya na kami sa set.

“Malaking tulong din sa pagbu-boost ng confidence.”



“DENGUE DIET.” Binanggit din ni Tom na naging bahagi ng kanyang diet regimen, bago ng Cosmo Bachelor Bash, ang pagkakasakit niya ng dengue.

“Dengue diet!” sambit niya.

“Simple lang naman. Tatambay ka lang sa ospital ng ilang araw na naka-dextrose.

“Back and forth ka sa banyo, kailangan i-measure mo yung ihi mo sa may jar.

“Magandang diet!” sabay tawa niya.

Pero bigla niyang bawi, “Hindi ko naman ire-recommend yun kahit kanino.”

Nanghinayang lang si Tom na hindi niya nagawang sumalang sa workout bago ng show, dahil na rin sa kanyang hectic schedule.

“Ever since My Husband’s Lover started, halos araw-araw may work. Hindi na ako nakapag-gym.

“Ang ginagawa ko, bumili ako ng weight set na dinadala ko sa set sa location.

“Sayang nga lang kasi yung naipondo ko, nawala rin, kasi nagkasakit ako.”



THE BIG CHANGE. Paano nabago ng tagumpay ng My Husband’s Lover ang everyday life ni Tom?

Saad niya, “Actually, personally, ganun pa rin naman. Nagkaiba lang sa halos wala talagang time.

“Pinagtatawanan ako nina Direk Dom [Dominic Zapata], nina Carla, Dennis [Trillo].

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Kasi pag wala akong eksena sa set, may dala akong TV, PlayStation 3, at naglalaro ako.

“Yung mga ginagawa ko, usually pag wala akong trabaho at umuuwi ako ng bahay, hindi ko na magawa, kasi wala akong time. Kaya sa set ko na lang dinadala.”

Nagpahayag naman ng kanyang kalungkutan si Tom sa nalalapit na pagtatapos ng My Husband’s Lover.

Aniya, “Oo nga, e. Nakakalungkot lang kasi mami-miss ko lahat.

“Buti na lang meron kaming concert, World Tour, kaya matagal-tagal din yung pagsasama namin.”



MOVIE WITH CARLA. Sa hiwalay na panayam ng PEP kay Carla Abellana, sinabi nitong mukhang sa susunod na taon na ilalabas ang pelikula nila ni Tom mula sa Regal Entertainment.

Pero umaapela raw si Mother Lily Monteverde ng Regal na ikunsidera ang pelikula nila na maging kapalit ng Be Careful With My Heart The Movie. Nag-backout kasi ang pelikula sanang ito ng Star Cinema para sa Metro Manila Film Festival 2013.

Sabi ni Tom tungkol dito, “Sana, sana. Gusto talaga namin ni Carla.

“Sayang, kasi ang ganda ng kuwento nung movie.

“Nagkataon lang na ang dami naming schedule sa pareho. Hindi magkatugma.

“Siguro, that’s a good problem.

“Ayoko rin namang mag-complain kasi mahirap din yung walang ginagawa. Naranasan ko rin yung ganun.

“Nagpapasalamat lang ako na, sana naman, mabigyan namin ng panahon o oras na magawa kasi ang cute ng kuwento.”

Wala pa raw naririnig na balita si Tom sa susunod niyang project sa GMA Network pagkatapos ng My Husband’s Lover.

Pero handa raw siya anumang oras na kailanganin siya ng istasyon para sa bagong project, lalo na kung maganda ulit ito.

Sabi pa ni Tom, “Willing akong mag-audition uli. In a heartbeat, mag-a-audition ako sa role na yun.”

Sa My Husband’s Lover ay nag-audition siya para sa role na Vincent.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN