Felix Roco admits past drug use: "Hindi natin maiiwasan iyon, di ba?"

Sinadya raw ibahin ni Felix Roco ang kanyang hitsura, hindi lamang para maiba sa kakambal niyang si Dominic Roco kundi para na rin sa role niya bilang rakista sa TV5 series na Positive.


Malaki na ngayon ang pagkakaiba ng hitsura ni Felix Roco sa kanyang kakambal na si Dominic Roco.

Payat, mahaba ang buhok, at tadtad ng mga tattoo sa katawan ngayon si Felix.

Ayon sa young actor, ang kanyang bagong look ay bahagi ng kanyang paghahanda sa role niya sa bagong drama series ng TV5 na Positive.

Ang drama series na ito ay tungkol sa isang HIV-positive, na ginagampanan ni Martin Escudero. Gaganap naman si Felix bilang kaibigan niyang rakista.

Sabi ni Felix sa panayam sa kanya ng News5, tama lang na magkaroon sila ng pagkakaiba sa hitsura ng kanyang kakambal dahil magkaibang roles ang kanilang mga ginagawa ngayon.

“Mas nagkakaroon kami ng kanya-kanyang identity.

“Si Dominic kasi, he’s being build up as a leading man sa GMA-7, kaya kailangan maayos ang hitsura niya.

“Ako naman, mas okey ako sa mga unconventional roles. Tulad ng mga ginagawa ko sa mga indie films.

“Mas doon ang direction ko ngayon and I’m enjoying the roles that I am getting.”



DRUG USE. Naging malaking isyu kay Felix noon ang diumano’y paggamit niya ng ipinagbabawal na gamot.

Naging tahimik lang siya noon tungkol sa balitang nalulong siya sa droga kaya bigla siyang nawalan ng trabaho.

Ngayon ay inamin ni Felix gumamit siya ng drugs, pero matagal na raw niyang itinigil ito.

Sabi niya, “Hindi natin maiiwasan iyon, di ba?

“Nadadala rin kasi ng pera. Natututo rin naman tayo.

“Doon tayo natututo sa pagkakamali natin.”

Sa tanong naman kung ano ang naging dahilan kung bakit naisipan niyang magpakalulong sa ipinagbabawal na gamot, sinabi ni Felix na ito ay dahil sa matinding sama ng loob niya sa amang si Bembol Roco.

Ito ay nag-ugat daw sa paghihiwalay ng kanilang ama at ng kanilang ina na si Coco Artadi.

Nakadagdag din daw sa sama ng loob ni Felix ang pagkakaroon ng bagong pamilya ng kanyang ama.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Pero matagal na raw natanggap ni Felix ang lahat, at maayos na raw ang relasyon niya sa kanyang ama.

“We are on good terms,” sabi niya.



ROCO TWINS. Nagsimula ang Roco twins sa bakuran ng ABS-CBN hanggang lumipat sila sa GMA. Ilan sa mga proyektong ginawa nila sa Kapuso network ay ang mga sumusunod: Super Twins, Fantastikids, at Zorro.

Nang magdesisyon si Felix na bumalik sa ABS-CBN noong 2010, agad siyang ginawang leading man ni Empress sa Rosalka.

Nasundan ito ng Your Song Presents Andi at 100 Days To Heaven. Ang huling teleserye ni Felix sa Kapamilya network ay ang Angelito: Batang Ama noong 2012.

Para sa pagganap niya sa indie film na Engkwentro noong 2009 ay nakakuha siya ng best actor nomination sa Gawad Urian.

Kumpara kay Felix, mas visible at mas maraming trabaho si Dominic.

Si Dominic ang isa sa leading men ni Heart Evangelista sa bagong afternoon drama series ng GMA na Magkano Ba Ang Pag-ibig?. Bago ito ay napanood siya sa Indio at Makapiling Kang Muli.

Nagkaroon din ng Best Actor nomination si Dominic mula sa Gawad Urian, para sa role niya sa indie film na Ang Nawawala.

Napanood din siya kamakailan sa indie films na Coming Soon at Ang Tag-Araw Ni Twinkle, entry sa Sineng Pambansa National Film Festival.

Masaya naman daw si Felix sa mga nangyayari ngayon sa career ng kanyang kakambal.

Mabuti na rin daw na nagkahiwalay sila ng TV network para mas makitaan sila ng potensiyal at malaman ang kapasidad nila sa pag-arte.

Sabi ni Felix, “Kung magkasama pa rin kami sa iisang network, malamang parating kambal na lang ang roles namin.

“Kaya good decision na rin yung nagkahiwalay kaming dalawa.

“Kita n’yo naman, malaking tulong sa amin iyon. We are getting the roles na gusto namin bilang individual actors.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN