Gardo Versoza is proud not to have had sex-video scandals in his heyday as a sexy star

Gardo Versoza comments on the fallout of having once been a sexy star: “Parang looking on the brighter side, na yun ang nag-pave ng way para makarating ka sa kinalalagyan mo ngayon.”


Sobrang nag-worry ang Kapuso actor na si Gardo Versoza kamakalawa, nang makaramdam ng matinding pananakit ng tiyan ang partner niyang nagdadalantao.

“Pre-term labor daw, tinitingnan pa ng doktor kung magiging stable siya. Kung sakali, isi-caesarian,” sabi ni Gardo nang makausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) noong umaga ring iyon, Setyembre 26, sa telepono.

Hapon na nang maipa-confine si Ivy Vicencio, ang partner at manager ni Gardo, sa Cardinal Santos Hospital sa San Juan.

Na-relieve naman ang aktor nang malamang malulunasan ang manakanakang sakit ng tiyan at balakang ni Ivy, dahil sa contractions.

Sa susunod na buwan pa ang takdang pagsilang ng bata, na tinatayang mga pangatlong linggo ng Oktubre, kaya nag-worry si Gardo para sa kanyang mag-ina.

“Sabi kasi, mas delikado sa eighth month ng pregnancy. E, gusto na yatang lumabas ni Baby Machete!” pagbibiro pa ni Gardo nang personal na makausap ng PEP sa ospital.

Hindi maitago ni Gardo ang excitement bilang expectant daddy ng baby, na papangalanang Deity Uziel.

Madalas, hinihimas-himas ni Gardo ang tiyan ng kanyang partner, at tuwang-tuwa sa paggalaw ng baby sa loob ng tiyan nito.

Sa laki ng tiyan ni Ivy, at sa maselang pagbubuntis, hindi na siya pinasasama ngayon sa tapings ng aktor.

Samantala, mayroon pang natitirang tapings ang Mga Basang Sisiw, kung saan major kontrabida si Gardo, bilang Efren.

Ayon kay Ivy, may susunod nang gagawing regular na serye ang aktor.

Pero mauuna ang guest appearance ni Gardo sa malapit nang isahimpapawid na Genesis, na pagbibidahan ni Dingdong Dantes.


TOUGH FOR LANI MERCADO. Madalas nakakausap ng PEP si Gardo, pero hindi ito nagku-komento tungkol sa kasama sa regular cast na si Congresswoman Lani Mercado, na nasasangkot ngayon sa mainit na isyu ng Priority Development Assistance Fund (PDAF) scam.

“Kumbaga, respeto na lang sa pananahimik din niya ngayon,” wika ni Gardo.

Pero hindi naapektuhan ng isyu ang pagtrabaho ni Lani sa afternoon soap, obserbasyon ng aktor.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Liban na lang ngayong linggong ito, na pack-up daw ng isang linggo ang taping nila, “Kasi kailangan daw siya [Lani] sa Batasan.”

Naapektuhan ba ang ratings ng Mga Basang Sisiw dahil sa anomalya sa PDAF?

“Sabi, hindi naman daw. Pero hindi ko pa rin alam yung pinaka-latest,” saad ni Gardo.

Ang sigurado, matamang inaabangan sa ngayon ang kahihinatnan ng kalupitan ni Efren (Gardo) kina Olivia (Lani) at sa mga anak nito, na ginagampanan nina Renz Valerio, Bianca Umali, Kimberly Faye, Hershey Garcia, at Miko Zarsadias.

Sa TV, malapit na ring magtapos ang serye, at nakunan na rin ang ending nito kamakailan.

Ayon sa aktor, masaya at wala siyang gaanong disappointing experiences sa pagtatrabaho nang regular sa MBS.

FUN ON THE SET. Kung meron man siyang mami-miss sa pagtatapos ng trabaho nila sa Mga Basang Sisiw, eto raw: “Yung mga bata, mami-miss ko.

“Memorable ang pagtatrabaho namin.”

Sa napapanood, walanghiyang karakter si Efren. Pero sa likod ng kamera, parang tatay si Gardo sa mga batang bida.

“Minsan, pag nagkakaroon ng chance, nagkakausap-usap kami. Masaya!”

Sa palagay ni Gardo, magiging malaking artista rin ang limang baguhan. (Ang 14-year-old na si Renz ay nakilala nang child star bago ang pagbibida nito bilang teen actor.)

“Mukhang pursigido naman sila, e. May mararating.

“Si Renz, may balak siyang maging direktor [sa pelikula]. Sabi ko nga, mag-aral siyang magdirek.”

Ikinatutuwa pa ni Gardo ang samahan ng mga teen cast dahil walang malisya ang samahan nila. Walang ligaw-ligawan sa set.

“Sila’y mag-a-ate at kuya,” nangiti pa ang character actor.

Ang pinakabunso, si Miko, minsang nakagalitan naman daw ng direktor na si Ricky Davao, dahil makulit.

“Tamang pagdidisiplina lang sa mga batang pasaway, hindi naman masasabing child abuse case,” birong pahayag pa ni Gardo.

ON SEX-VIDEO SCANDALS. Ngayon nga, maraming nagsusulputang ulat ng alleged sex-video scandals ng mga kilalang personalidad.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Pero maski noong nagpapa-sexy pa sa pelikula si Gardo—bilang isa sa so-called "ST" (Sex Trip) actors ng dekada ’90—na contract star ng Seiko Films, wala siyang nabalitang sex video.

Nangiti lang ang aktor, sabay-biro, “Gusto mo ng kopya?”

Confident si Gardo na nalampasan niya ang ganung phase ng pagiging aktor, na walang personal na pagkasalaula.

Pero hindi pa rin nawawala ang mga kopya ng bold o ST movies na tinampukan niya.

At ang mga still photos na nagpapakita ng kahubdan niya at ng kaparehang sexy actresses noon ay ginagamit pa rin ng ilang tabloids para bumenta.

Kasama na rito ang nga photos ng sex scenes nila ni Rosanna Roces, Patricia Javier, at Priscilla Almeda sa mga pelikulang tinampukan ni Gardo sa Seiko at Viva Films.

Komento ni Gardo, “Hindi mo na maku-kontrol yun. Kumbaga, a thing of the past, di ba?

“Whether you like it or not, kung gusto man nilang gamitin, prerogative na nila yon.

“Parang looking on the brighter side, na yun ang nag-pave ng way para makarating ka sa kinalalagyan mo ngayon.

“At dahil nga sa mga sex videos na ’yan, sumasagi sa isip ko na makapag-direct ako ng erotic film.

“Siguro dahil din sa pagka-identify ko sa Seiko,” saad pa ni Gardo.

Bilang one-time filmmaking student-workshopper, under the late professor Johven Velasco, nakagawa na si Gardo ng ilang short films.

May kaalaman din siya sa paggawa ng music videos.

Kung sakali, malaking hamon sa aktor ang paggawa ng isang erotic film.

“Pero ang gusto ko, yung may mabigat na mensahe, hindi lang basta sex film,” sabi nito.

MACHETE LEGACY. Ayon pa rin kay Gardo, nagsisilbing reminder din daw ang nakikitang itsura ng katawan niya noon sa mga seksing litratong nagsi-circulate pa.

Dahil matipuno at seksi ang looks noon ni Gardo, hindi siya puwedeng magpabaya ngayon, na bentahe pa rin ang magandang pangangatawan at pagiging young-looking.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Oo, kasi yun ang laging ipinapaalala ni manager,” sabi niya.

“Sabi niya, ’Hindi ka dapat tataba, kasi ang na-instill sa utak ng tao, si Machete ka!|

Ang Machete ay ang karakter na ginampanan ni Gardo sa isang Seiko movie na kanyang pinagbidahan noong 1994.

Ikalawang bersiyon ang ginawa ni Gardo, na unang ginawa ni Cesar Montano.

Sa TV series, si Aljur Abrenica ang nag-portray ng role ng isang sculptured life-size image na nagkaroon ng buhay.

Bunga nito, nagkakaroon daw ng pressure kay Gardo para ma-maintain, sa pamamagitan ng tamang diet at regular workouts, ang kanyang pangangatawan.

“’Ang sagwa naman na makikita ka ngayon, Machete, tapos ang taba!’” paalala din daw ng manager ni Gardo.

“Sa akin din, ganun din yung ine-expect ko para sa sarili ko.

“Halimbawa, si Tom Cruise, hindi na siya gano’ng kabata, pero hindi mo pa rin magugustuhan na mapanood siya na mataba sa screen.

“So, ang sa akin, palagi lang acceptance, e. Kasi, pag hindi mo siya in-accept, hindi ka gagalaw, hindi ka makaka-move forward, di ba?

“Kumbaga, stumbling block sa iyo yun. Kasi hindi mo ma-accept, e.

“Same thing sa mga nagkakaroon ng identity crisis.

"Sila rin yung magiging kawawa, in the future, kung lagi na lang nilang itinatago, o laging ikinikimkim, ang pagiging beki nila.

“Come to think of it, hindi naman sinabing kasalanan yan, e, kung yun man ang naging preference mo.

“Basta ang importante, wala ka namang natatapakan, nakakapag-deliver ka naman ng trabaho mo.

“At higit sa lahat, morally upright ka,” makahulugang pangwakas ni Gardo.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN