Janine Gutierrez to be launched in Villa Quintana remake

Nagkuwento si Janine Gutierrez tungkol sa bonding nila ng kanyang biological grandfather, nang dumalaw ito sa kanila kamakailan. Ilang taon pa lang kasi ang nakalilipas nang makilala ng ina ni Janine, na si Lotlot de Leon, ang tunay na American father nito.


Sa wakas ay magkakaroon na ng launching project si Janine Gutierrez sa GMA Network.

Ito ay sa pamamagitan ng remake ng ’90s drama series na Villa Quintana, na unang pinagbidahan nina Donna Cruz at Keempee de Leon.

Sa bagong version ay makakatambal ni Janine si Elmo Magalona.

Ang Villa Quintana rin ang unang proyekto ni Janine pagkatapos ng Makapiling Ka Muli, ang primetime series nina Richard Gutierrez, Carla Abellana, at Sarah Lahbati, na noong isang taon pa natapos.

Nagpahayag ng kasiyahan si Janine sa pagbibigay muli sa kanya ng pagkakataong umarte.

“Korek!” bulalas niya sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal).

“Nagpapasalamat po ako, napakasaya ko po, at talagang ipinagdasal ko po na makabalik sa teleserye.

"Kaya sobrang excited talaga ako.”

JULIELMO FANS. Hindi ba siya natatakot na baka pag-initan siya ng fans ng tambalang Elmo at Julie Anne San Jose, ngayong sila ni Elmo ang magkatambal?

Sagot ni Janine, “Sa tingin ko naman po, mas mangingibabaw yung tuwa na may bagong project si Elmo.

“So, sana masuportahan nila yung pagtatambal namin.”

Natawa naman si Janine sa tanong kung may natanggap na ba siyang batikos at panggugulo dala ng pakikitambal niya kay Elmo.

Tugon niya, “Hindi ko po… kung meron man, hindi ko na lang po pinapansin.

“Siguro po, dahil may mga naninibago, na baka pinagdududahan na kung bagay ba.

“Pero marami rin naman pong natatanggap na mga nagku-congratulate.

“’Susuportahan namin kayo.’ Bagay raw kami, mga ganung bagay.”



JANINE’S BIOLOGICAL GRANDFATHER. Samantala, panay ang post ng ina ni Janine—ang magaling na aktres na si Lotlot de Leon—ng mga larawan nito, kasama ang kanyang American father na nagngangalang Donald Olson.

Dumating last month ang biological father ni Lotlot mula sa Amerika.

Tinanong ng PEP si Janine kung nakilala na niya ang kanyang lolo.

“Ay, opo. Na-meet ko po yung tatay ni Mama.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Nakakatuwa po. Ganun po pala yung feeling ng lukso ng dugo.

“Parang ang pakiramdam mo, may koneksiyon ka kahit ngayon mo lang siya nakilala.”

Nailang ba si Janine sa lolo niya nang makaharap niya ito?

Sabi niya, “First time ko po siyang makita. Noong una, kinakabahan po ako.

“Unang-una, hindi ko alam kung ano yung pag-uusapan namin. ‘Ano kaya ang mangyayari? Ano kaya ang sasabihin niya?’

“Nung nakausap ko siya, parang normal lang po yung usapan, madali lang yung pakikisama.”

Bakit pumunta sa Pilipinas ang tunay na ama ng mommy niya?

“Nagulat nga din po ako. Pero binisita lang daw niya si Mama at saka kaming mga apo niya.”

Naaliw naman daw si Janine dahil napakaraming chocolates na pasalubong sa kanila ng kanyang lolo.

Ano ang impression ni Janine sa lolo niya sa buong panahong nagkasama sila?

“Naramdaman ko na sobrang caring pala niya kay Mama.

“Sabi niya, matagal naman daw niyang alam kung nasaan si Mama, talagang nakakita na raw siya ng pictures ni Mama.

“Saka naramdaman ko na parang gusto talaga niyang mag-make up for lost time, na nagkahiwalay at hindi sila nagkakilala.

“Saka hinahangaan ko yung effort niya na lumipad pa siya papunta dito. Kasi, hindi naman siya bata na.”

Ang nakagisnang mga magulang ni Lotlot ay ang Superstar na si Nora Aunor at ang Drama King na si Christopher de Leon, na umampon sa kanya noong sanggol pa lamang siya.

Si Janine ay anak ni Lotlot sa dating asawang si Ramon Christopher, ang anak nina Pilita Corrales at Eddie Gutierrez.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN