Kris Bernal ignores negative comments about real score with Carl Guevara

Hindi itinatago ni Kris Bernal na ang prayoridad niya ngayon ay ang kanyang trabaho. Bagamat masaya siya na nananatiling nasa tabi niya ang manliligaw na si Carl Guevara, iginiit ng young actress na hindi pa sila.


Ang pagiging maarte ang isyung ipinupukol ngayon sa Kapuso young actress na si Kris Bernal.

Ito ay dahil sa pagdedenay raw niya sa tunay na estado ng relasyon nila ni Carl Guevara.

Itinatanggi raw kasi ni Kris ang diumano’y pagiging opisyal na ng relasyon nila ni Carl, samantalang sa mga naunang interbyu ay panay ang papuri niya sa aktor.

Inamin din noon ng StarStruck alumna na mayroon siyang pagtingin sa model turned actor.

Ngunit nang magsimula ang taping ng bagong teleserye nina Kris at Aljur Abrenica, ang Prinsesa Ng Buhay Ko, nag-iba raw ang ihip ng hangin.

Sinasabi na ng young actress na wala silang relasyon ni Carl, at nasa aktor na raw kung mahihintay niya ang panahong puwede na siyang magka-boyfriend.

Tuloy, ang batikos ng ilan kay Kris ay hindi ito nagsasabi ng totoo tungkol sa relasyon nila ni Carl.

Depensa naman ng Kapuso actress, “Hindi naman kasi maiiwasan na hindi ka i-judge ng mga tao.

“Lahat ng mga nakikita nila, lahat ng mga nakikita nilang mali, sinasabi nila.

“Pero alam ko naman sa sarili ko, at alam ko, alam ni Lord lahat ng totoo, lahat ng mga nangyayari sa buhay ko.

“So, hindi ko na lang pinapansin.”

Nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Kris sa lobby ng GMA Studios noong Linggo, September 29, pagkatapos ng live airing ng Sunday All Stars.

NOT IN A RELATIONSHIP. Wala ba talaga silang relasyon ni Carl? O binigyan lang muna nila ang isa’t isa ng space?

Tugon ni Kris, “Wala talaga e.

“Sorry, wala talaga silang makukuha sa akin. Wala talaga.

“Hapy naman kami na ganito ang set-up.

“Happy ako na kahit paano, may taong ganyan sa akin na nag-aalaga.

“Pero kung puwedeng ganito lang muna, ganito lang muna.”

Makakaya kaya ni Carl na maghintay kung kailan siya opisyal na matatanggap ni Kris bilang kasintahan?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sagot ng dalaga, “Ewan ko, nasa sa kanya na ’yun.

"Basta ako, nagtatrabaho ako.

“Gusto ko yung trabaho ko, mahal ko itong trabaho ko, dito ako sa trabaho ko.”

Kung tutuusin, ito na ang ikalawang beses na isinantabi muna ni Kris ang anumang namamagitan sa kanila ni Carl, upang bigyang prayoridad ang kanyang trabaho.

Una ay nang magsimula siyang mag-taping para sa Coffee Prince, kung saan si Aljur din ang kapareha niya.

At mukhang naulit na naman ito ngayon sa Prinsesa Ng Buhay Ko.

Ngayon ba ay tinitikis uli niya si Carl, o tuluy-tuloy pa rin ang pagkikita at pakikipag-usap nito sa kanya?

Sabi ni Kris, “Tuluy-tuloy pa rin naman, basta may oras.

“Pag may oras, nagkakausap kami, nagkikita.

“Basta, ang priority ko talaga… palagi namang ganun na trabaho talaga.

“Nasa kanya na yun kung gusto niya akong unawain o hindi.”



HARANA. Tungkol naman sa kanyang ka-loveteam na si Aljur, natuwa raw si Kris nang malaman niya ang ginawang paghaharana ng aktor sa kasintahan nitong si Kylie Padilla.

Nangyari ang panghaharana ni Aljur kay Kylie sa dressing room ng Sunday All Stars, sa harap ng iba nilang mga kasamahan sa show.

(Read: Aljur Abrenica serenades girlfriend Kylie Padilla to win her back)

Saad ni Kris, “Happy ako sa kanya, nakikita kong masaya siya.

“At kung saan siya masaya, doon ako.

“Alam mo naman kay Aljur, hiling ko lang na maging masaya siya sa trabaho niya, sa lovelife niya, sa career niya.

“Yung paghaharana niya, nagulat ako. Hindi niya naikuwento sa akin ’yun.

“Sa taping kasi, nakita kong pina-praktis niya yung kanta.

“So, nagulat ako na doon pala niya gagamitin.

“Masaya ako, kasi after nu’n, na magkita kami, iba na ang aura niya. Ang saya-saya niya!”

Hindi ba siya nanghinayang na siya na lang sana ang hinarana ni Aljur?

“Ay, hindi! Hindi ako nanghihinayang.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Kumbaga, kung ano yung sa amin ni Aljur, yun lang talaga yun.

“Special siya sa akin, special ako sa kanya.

“Malinis kaming magtrabaho. Ginagawa namin yung trabaho namin.”

Kung single ba ngayon si Aljur, at wala itong Kylie, sasagutin niya ito kapag nanligaw sa kanya?

Tugon ni Kris, “Posibleng tanggapin ko, puwede kong subukan kung ano siya bilang karelasyon.

“Pero sana nga, hindi makaapekto sa trabaho namin.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN