John Lloyd Cruz says taxpayers have no voice in government: "Kapag taxpayer ka, taxpayer ka lang. Kapag umangal ka, ikaw pa ang masama.”

John Lloyd Cruz, airing his frustrations with the government: “Kahit naman isigaw ko na, ‘Hoy, umalis na kayo diyan!’ o ‘Hoy, ilabas niyo ‘yong pera namin!’ or ‘Hoy, ayaw ko na magbayad ng tax kasi ’binubulsa niyo!’ Kahit isigaw ko ‘yon, wala rin namang mangyayari, e. Aasa ka lang, aasa ka lang nang aasa.”


Hindi naiwasan ni John Lloyd Cruz na mabanggit ang pagkadismaya sa gobyerno nang ikuwento nito sa media ang kanyang karanasan sa isang outreach program sa Negros Occidental kamakailan.

Sa pamamagitan ng kampanyang “Ingat na Damang-dama” ng iniendorso ni John Lloyd na Biogesic, namahagi ang aktor ng thermal blankets at mga gamot sa mahigit na 600 pamilya sa Sagay, Negros Occidental.

Sa media briefing para sa partnership ng Biogesic at Yellow Boat of Hope Foundation, ikinabit ni John Lloyd ang nakita niya sa pinuntahang lugar sa kasalukuyang estado ng gobyerno ng bansa.

“Doon namin nakita ‘yong majestic mangroves, centuries old,” pangunahing paglalarawan ng aktor.

Pagkatapos ay ngumisi siya bago sabihing, “Kasing tanda na ng korupsyon sa Pilipinas.”

Para kay John Lloyd, “Hindi maiiwasan na ma-associate ‘yong experience ko sa corruption, e.

“Kapag nakita niyo ‘yong lugar, it’s actually really a beautiful place, ‘yong Sagay.

“Pero hindi mo maiiwasan talagang hindi maisip ‘yong korupsyon na nangyayari.

“Here, may mga batang, on a daily basis, halos isinusugal ang buhay sa alon.

“Kasi, para sa isang kagaya ko na hindi marunong lumangoy, I find it hard to believe na lumalangoy sila nang ganun kalayo, sa open sea.

"And this is happening on a daily basis!

“Kung maiisip mo, ano ang ginagawa ng DAP at PDAF?

“Ano ang ginagawa ng local government nila para sa ganitong problema?”

Mainit ngayon ang usapin tungkol sa Priority Development Asistance Fund (PDAF) at Disbursement Acceleration Program (DAP) ng mga opisyales ng gobyerno, na sinasabing pinaghati-hatian lang ng mga pulitiko at ng mga pekeng NGOs.

Ang bilyon-bilyong piso na dini-disburse sa mga pulitiko ay galing sa buwis ng mga mamamayan.

Nanghihinayang daw si John Lloyd sa pera na dapat sana’y napunta sa mahirap.

Kaya raw natutuwa siya na naging bahagi siya ng proyekto ng Biogesic at Yellow Boat of Hope Foundation.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Aniya, “I’m glad to be of help, kung anuman ang maitutulong ko, sa paraan na magagawa ko.

“Hindi ko alam kung paano, pero basta kausapin lang ako ng Biogesic, ‘Sige, tara. Let’s go.’

“Hindi ko alam kung paano ako makakatulong.

“Nagpapasalamat pa rin ako, nonetheless, na sinasama ako sa ganito.

“Nabubuksan ‘yong mata ko sa mga ganitong klase ng sitwasyon.”



EYE-OPENER. Kung si John Lloyd ang tatanungin, hindi na bago para sa kanya ang marinig ang mga problema sa kahirapan ng bansa.

Sabi niya, “‘Yong awareness naman, I think aware na ako all my life, simula nang magkaisip ako.

“Actually, nag-evolve na siya, from pagiging aware hanggang sa naging jaded.

“Minsan, parang after so many years, after so many years of looking into yun bang dumi ng sistema, parang di na maiwasan na you feel jaded about the issue.”

Kaya sa pakikipagtulungan niya sa mga non-government projects, umaasa raw ang actor: “Sana ‘yong impression ko dito sa movement na ‘to, siguro nag-create din, o sana makatulong din, sa iba.

"Na gusto rin nila [tumulong] or at least malaman nila [ang pangangailangan].

“Siguro, para malaman lang din kung paano sila magre-react. Makiisa rin sila, tumulong.

“‘Yong ganitong foundation, they can never have enough.

“Kumbaga, lagi tayong mayroong bagong matutulungan.”

Kaugnay nito, umaasa rin ang Kapamilya actor na sa tulong niya ay maipaabot sa mga kinauukulan ang problema ng bansa.

“Actually, hindi ko alam kung talagang tumatawag sila [mga foundation], o nag-a-attempt sila, sa gobyerno para makatulong.

“Sa tingin ko, they can manage already.

“Pero kung maririnig tayo ng kinauukulan, mas maganda.

“Sino ba naman kami para tumanggi sa tulong na ibibigay nila?”



NOT LIKE ROBIN. Bagamat naging bukas si John Lloyd sa kanyang pagkadismaya sa gobyerno, naging maingat siya nang tanungin kung gagawin rin niya ang ginawa ni Robin Padilla, na hiniling ang pagbibitiw sa katungkulan ni Senator Franklin Drilon.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

(Read: Robin Padilla calls for resignation of Senate President Franklin Drilon and other senators)

“Ang hirap noon, a! Hold your horses, John Lloyd,” unang sagot ni John Lloyd.

“It’s kinda bold. You know, kanya-kanya naman.

“Siguro, sa pagkakataong ‘yon, medyo nag-alab ang damdamin ni Kuya Binoe.

“Kung ano ‘yong kanya, kanya ‘yon, e. Hindi ko rin naman siya…

“Wala naman akong pwedeng maisip sa kanya para sabihin ‘yon o bakit niya nasabi ‘yon.”

Para sa kanya, “Siguro ako, I’ll take it step by step.

“I’ll be careful kung ano ‘yong gusto kong sabihin.

“Basta ako, masaya lang ako na part ako ng ganitong klaseng partnership, nasa gitna ako ng Biogesic at ng Yellow Boat.

“Siguro doon na lang muna ako magko-concentrate.”

Sa huling bahagi ng kanyang pahayag, mapapansin pa rin ang panghihinayang at pagkadismaya ni John Lloyd sa nangyayari ngayon sa gobyerno.

Aniya, “Kahit naman isigaw ko na, ‘Hoy, umalis na kayo diyan!’ o ‘Hoy, ilabas niyo ‘yong pera namin!’ or ‘Hoy, ayaw ko na magbayad ng tax kasi ’binubulsa niyo!’

“Kahit isigaw ko ‘yon, wala rin namang mangyayari, e.

“Aasa ka lang, aasa ka lang nang aasa.”

Malungkot niyang dagdag sa huli, “Pero ang totoo naman, we are not the system.

“Kumbaga, part ka lang ng sistema. Taxpayer ka lang.

“Ganun naman kasi dito, e. Kapag taxpayer ka, taxpayer ka lang.

“Kapag umangal ka, ikaw pa ang masama.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN