(UPDATED) Laguna Governor ER Ejercito on Comelec’s disqualification case against him: “Hindi po dumaan ito sa tamang proseso.”

Governor ER Ejercito on the Comelec’s disqualification case against him on allegations of overspending during the May 2013 elections: “Hindi po dumaan ito sa tamang proseso. Siya na ang Commissioner, siya na ang tagakolekta ng ebidensiya, siya na ang fiscal all at the same time. Three-in-one, parang kape. Talagang ininit niya ang kaluluwa ko. Masarap na kape yun—matapang.”


Isang press conference para kay Laguna Governor Jeorge “ER” Ejercito Estregan ang ginawa pagkatapos ng special unity mass sa Cultural Center ng Laguna sa Sta. Cruz, Laguna, noong October 2.

Ito ay may kaugnayan sa pagkaka-disqualfy ng Commission On Elections (Comelec) kay Ejercito sa kanyang posisyon bilang gobernador ng Laguna, dahil sa diumano’y labis na paggastos sa kanyang election campaign noong May 2013 elections.

Ayon sa Comelec, ang kabuuan ng campaign expenses ni Ejercito ay sumobra sa halagang itinakda ng ahensya.

Pinapayagan lamang gumastos ng P4.5 million si ER.

Ayon sa gmanetwork.com, ito ay batay sa resolusyon ng Comelec na nagsasabing ang mga kandidato ay maaaring gumastos lamang ng P3 sa bawat registered voter. Ang mga botante ng Laguna ay umaabot sa 1,525,522.

Bungad ni ER sa harap ng media at ng kanyang mga supporters: “Ang pakiramdam ko kasi, gusto nilang ako ang kauna-unahang ma-disqualify o matanggal sa puwesto dahil sa overspending.

“This is a first of its kind.

“Napakaraming senador ang di hamak na nag-overspend. Tayo naman po ay hindi tayo nag-overspend.

"Tayo po ay 4.1 million lang ang ginastos mula sa ating personal na pera.

“Sa ngayon ay hindi ko pa masasagot. Yung mga ebidensiya ay siyang merito ng kaso, at pinagbawalan kami na i-discuss yun in public right now.

“Sa amin pong depensa ay ilalabas po ’yan. Ilalabas po ’yan. Lalabas kung ano ang katotohanan.”

PNOY HAD NOTHING TO DO WITH IT. Naniniwala ba siya na ito ay hakbang ng Administrasyong Aquino para matanggal siya sa puwesto?

Mariing sagot niya, “Wala po ritong kinalaman ang Administrasyong PNoy.

“Walang kinalaman dito ang ating Pangulo.

“Noong nakaraang bagyo, ang ating probinsiya ang unang pinuntahan ng ating Pangulo.

“Matagal kaming nag-usap kung paano natin magagawan ng paraan ang baha sa ating lalawigan.

“Ang proponente po dito ay si Commissioner Christian Robert Lim ng Comelec.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Kaya nga, nagpapasalamat ako dahil napakagandang birthday ito para sa akin.”

Si Governor Ejercito ay nagdiwang ng kanyang ika-50 na kaarawan noong October 5.

Ang binabanggit ni ER na Commissioner Lim ay isang batikang prosecutor, na mula sa private practice ay nasa gobyerno ngayon.

Ayon sa abs-cbnnews.com, nagsilbing private prosecutor si Atty. Christian Robert Lim sa plunder case ng gobyerno laban kay Erap, mula Abril 2001 hanggang Setyembre 2007. Siya rin ang naging deposition officer noong impeachment proceedings laban kay Estrada.

Ayon pa rin sa abs-cbnnews.com, naging private prosecutor din si Atty. Lim, na naging managing partner ng Lim and Leynes Law Offices, sa Kuratong Baleleng murder case ng gobyerno laban kay dating Senador Panfilo "Ping" Lacson. Naabsuwelto si Lacson, sa kaso na nagsimula noong 2004 at natapos nitong 2013, dahil sa kakulangan ng ebidensiya.

ANYTHING CAN HAPPEN.” Sa kanyang pag-apela, gaano siya ka-confident na mababaligtad ng Comelec ang desisyon nito?

Ayon daw kasi kay Comelec Chairman Sixto Brillantes Jr., malakas ang ebidensiya laban kay Ejercito.

Si ER ay nag-file ng Motion for Reconsideration sa Comelec, bilang en banc body, na huwag siyang tanggalin sa kanyang posisyon.

Aniya, “Unang-una, ako ay hindi taga-Liberal Party.

“Ako ay nasa ilalim ng UNO, at ako ay first cousin ni Senador Jinggoy Estrada, at pamangkin ng dating Presidente at ngayo’y Manila Mayor Erap Estrada."

Ang mga nabanggit na kamag-anak ni ER ay mga nakahanay sa UNO, na opposition party. Ang Liberal Party ay ang partido ni Pangulong Noynoy Aquino.

“Kahit ako ay nasa tama, at this point in time, anything can happen.

“Kaya kahit tayo ay... alam niyo naman na maaaring marami ang maganap.

“Ipagdasal na lang po natin na sana ay makuha natin ang hustisya mula kay Chairman Brillantes.”

ADVICE FROM ERAP. Dagdag pa ni ER, “Well, ang masasabi ko lang na maaaring ito ay may kulay-pulitika.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"At this point, I’m thinking, why all these are happening?

“Pero, wala talaga siya sa timing. Kung heto ay tama, wala sa timing, mali ang timing.”

May pagkakataon bang nakausap niya si Mayor Erap? Ano ang payo nito bilang beterano sa larangan ng pulitika?

Lahad ng 50-year-old actor-politician, “Nagkausap kami.

“Pinayuhan niya ako na ayusin ang mga ebidensiya para kami ay manalo.

“Isa lamang daw itong pagsubok. We have the same lawyers.”

Ang tinutukoy na abugado ni ER ay si Atty. George Erwin Garcia ng G.E. Garcia Law Office.

Si Atty. Garcia rin ang naging abugado ni Erap sa disqualification case laban sa kanya, na hinain naman ni dating Manila Mayor Alfredo Lim, nang magtunggali ang dalawa para sa pagka-alkalde ng Maynila sa May 2013 elections.

Ang iba pang kliyente ni Atty. Garcia ay sina Senador Jinggoy Estrada at Migz Zubiri.

THREE-IN-ONE. Sa tingin ba niya ay dumaan sa tamang proseso ang pagkaka-disqualify sa kanya ng Comelec?

Sagot niya, “Yun ang aming kinukuwestiyon sa ngayon. Hindi po nagkaroon ng kahit isang hearing. Palitan ng memorandum, tapos bigla na lang lumabas.

“Ang hatol po kay Governor ay isang electoral offense, at sa panalangin nga po sa kanilang complaint ay tatlo lang ang hinihiling.

“Una, yung ma-determine ang existence ng probable cause. Ibig sabihin ay magkaroon ng preliminary investigation, and after that, magkakaroon ng probable cause.

“Pangalawa, kapag si Governor ang manalo ay ma-suspend ang kanyang proklamasyon. Ito ang kanilang panalangin sa kanilang complaint.

“Ang pangatlo, kung merong probable cause ay mai-file ang kasong criminal for violation of election laws.

“So, tatlo lang po ang panalangin nila sa Comelec.

“Pero, ano po ba ang ipinagkaloob ng Comelec sa division ni Commissioner Lim?”

Sagot na rin niya sa sariling tanong, “Hindi po dumaan ito sa tamang proseso. Siya na ang Commissioner, siya na ang taga-kolekta ng ebidensiya, siya na ang fiscal all at the same time.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Three-in-one, parang kape. Talagang ininit niya ang kaluluwa ko.

“Masarap na kape yun—matapang.

“Kapag nagkita kami ay yayain ko siyang lumabas para masabi ko sa kanya na masarap ang three-in one coffee niya.”

Sa tingin ba niya ay makukumpirma ang kanyang disqualification sa imbestigasyong gumugulong ngayon?

Paliwanag ni ER bilang pagtatapos, “Well, kung tama ang kanilang ginagawa, sa palagay ko ay magwawagi ako.

“Pero, kung hahaluan ng pulitika, bigla na lang akong mapapatalsik, at wala akong laban.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN