Robin Padilla says he is a revolutionary and Senate President Franklin Drilon is a politician

Robin Padilla clarifies his call for Senate President Franklin Drilon’s resignation, following the actor’s controversial Instagram post of October 1: “Wala akong sama ng loob sa kanya. Ang tingin ko diyan nung araw, matigas na tao, dahil napakulong ako niyan, at dun sa pagkakakulong ko maraming nangyaring pagbabago sa buhay ko, at utang na loob ko sa kanya yun. At para sa akin nasa kanya ang susi upang bumalik ang tiwala ng taong bayan sa senado.”<


Hindi maitago ang pagkadismaya ng aktor na si Robin Padilla sa lalo pang umiinit na usapin ngayon ng pork-barrel scam.

Nitong nakaraang October 1, nag-post ito sa kanyang Instagram account ng panawagan para sa resignation ni Senate President Franklin Drilon.

Nakatawag ito ng pansin dahil may kasama pa ang post na litrato ng isang baboy na nilagyan sa ulo ng mukha ng senador.

Pati ang maybahay ni Robin na si Mariel Rodriguez ay sumegunda sa panawagan ng asawa.

WALANG SAMA NG LOOB. Sa panayam kay Robin ni Lucy Torres-Gomez, sa segment na "Lucy’s Desk" ng Showbiz Police ng TV5, na lumabas kahapon, October 5, sinabi ng aktor na wala daw siyang sama ng loob sa mambabatas.

Panimulang tanong ni Lucy, na kasalukyang representative ng fourth district ng Leyte: “Okay, didiretsahin ko na. Naging laman ka ng balita. You’ve been very vocal, at talagang nakita ko naman before na talagang may passion ka for how our country is being run.

“Talagang you’re very vocal about the whole pork-barrel scam, at ang tinatanong ng marami, sa dinami-rami ng personalities na involved, paano daw na ang naging focus mo ay si Senator Drilon?”

Sagot ni Binoe, na siyang palayaw ni Robin: “Buti yun lang ang tinatanong ko, pork-barrel pa lang.

"Kasi, may mga allowances pang iba yun e, may clothing allowance, transportation allowance, andaming allowance.

“May travel allowance, hindi ko na tinatanong yun, kasi ang importante sa akin kasi, yung para dun sa mahihirap.”

“Pangalawa, bakit si Senator Drilon?

“Wala akong sama ng loob sa kanya. Ang tingin ko diyan nung araw, matigas na tao, dahil napakulong ako niyan.

“At dun sa pagkakakulong ko, maraming nangyaring pagbabago sa buhay ko, at utang na loob ko sa kanya yun.

“At para sa akin, nasa kanya ang susi upang bumalik ang tiwala ng taong bayan sa senado.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ano ba ang gusto niyang gawin ni Senator Drilon?

Tugon ni Binoe: “Kailangan maging mas maliwanag sa ating mga manonuood.

"Magkaiba tayo ng mundo pagdating sa usapin ng sistema—kasi, politician sila, rebolusyonaryo ako. Magkaiba yun.

“Sa amin, walang compromise. Politician, maraming klaseng compromise.

"Hindi sa amin importante ang position. Hindi ako kakandidato.”

Tanong ni Lucy, “So, sinagot mo na rin ang tanong ng marami na may plano ka raw bang kumandidato ever?”

Tugon niya, “Para sa sistemang ito? Hindi puwede.”

PLANS OF LEAVING THE COUNTRY? Dahil sa dismayado siya sa sistema ng pulitika ng bansa, may balak na nga bang manirahan sa ibang bansa si Robin?

Saad nito, “Walang ibang paraan, itutulak ka nang itutulak sa pader hanggang wala ka nang magagawa. Ako sa tuwing magbabayad ako ng tax, para akong hinu-holdup.”

Dagdag pa ng actor at celebrity endorser, “Hindi ko naman minana ’yang pera ko, pinaghihirapan ko ’yan, at ang dami na nawawalan dahil sa binabayad kong tax.

"Ang dami kong natutulungan noon.”

Bilang miyembro ng kongreso, ipinaliwanag ni Lucy ang tungkol sa mga mabubuting napupuntahan naman ng Priority Development Assistance Fund (PDAF).

Lahad ni Lucy: “Ina-acknowledge mo rin, Robin, na, oo, may pagkakamaling nagagawa pero meron ding tama na napupuntahan yung PDAF.

"Kasi kung tama ang pagkagamit, yun ang ginagamit, di b,a for medical assistance, for scholarships.

“Ang sinasabi mo, gusto mo na may managot na.”

Sagot ni Robin: “Isa ’yan Ma’am, may managot. At yung tunay na may mapuntahan, kasi ang mambabatas kailangan nating gawin yung batas, kailangan natin masigurado na sinusunod ang batas.

“Ang bawat tao sa batas—mayaman, mahirap, may kapangyarihan, walang kapangyarihan—dapat yung mas nakararami ang nakikinabang dun sa batas.”

VERY SUPPORTIVE FAMILY. Tanong pa ni Lucy, “Sa lahat ng pagka-vocal mo, Robin, hindi ba yung pamilya mo or si Mariel or yung mga close talaga sa buhay mo, hindi sila yung nababahala for you, kung ano yung magiging opinion ng mga tao about you?”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Paliwanag ni Robin, “Yung mga anak ko, mulat yun. Bata pa lang yung mga yun, mulat na yun sa mga nagaganap.

“Si Mariel siguro nung hindi pa niya ako nakikilala, hindi pa siya mulat, pero mulat na siya ngayon.

"Ang importante kasi, yung mga nasa paligid mo ang una mong imulat. Pati ang aking mahal na ina ay mulat.”

Nabanggit rin lang ang kanyang ina na si Eva Cariño-Padilla, kinumusta ni Lucy ang kalagayan nito, dahil kamakailan ay na-ospital daw ito.

Masayang ibinalita ni Binoe na okay na ang ina at nakalabas na ng pagamutan.

Kuwento pa niya, “Na-overdose ang nanay ko sa dami ng iniinom niya para sa high-blood, para sa puso.

"Bumigay ang kidney, nagkaroon ng konting panic. Siyempre, ang nanay iba.

“Pero magaling na siya ngayon, isa na lang ang gamot niya, at siya ay dumadaan kay Doktora Mariel. Si Mariel kasi, doktora na ang tawag ko sa kanya, kasi organic.”

Ang ibig sabihin ni Robin ay ang pagtangkilik ngayon ng asawa sa mga organic foods.

Ani Lucy, “Naaliw nga ako sa Instagram kasi nagsimula si Mariel na diet-diet lang siya, and then now, really healthy eating. So, itatanong ko sa iyo, sinasabayan mo ba siya sa healthy eating?”

Saad ng action star, “Oh, yes, lahat kapag nandiyan siya. Kasi asawa mo yung gumagawa, e, ke gusto ko o hindi e, uubusin ko yun. Mamaya palayasin ako nun, e.”

AYAW NANG MA-HOLDUP. Sa huli, ibinalik ni Lucy ang tanong sa mga plano ni Binoe sa showbiz.

Aniya, “Punta tayo doon sa showbiz plans mo. Sabi mo ngayon, concentrate ka muna sa pelikula, tatlong pelikula.

Tugon ni Robin, “Katatapos lang nung dalawa. Tapos na namin yung Kuratong Baleleng, yung 10,000 Hours last day na ngayon.

"Tapos, yung isang pelikula, pagsasamahan naman namin ng anak ko, ni Kylie.

“Yun, pagkatapos nun, tingnan natin kung ano ang plano next year. Pero pag wala talagang nangyari rito, magkita na lang tayo sa susunod.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Pahabol na tanong ni Lucy, “Gusto mong lumayo?”

Makahulugang sagot ni Robin, “Hindi na ako papayag ma-holdup pa.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN