Carla Abellana on My Husband’s Lover: "Ito ang best soap na nagawa ko."

Aminado si Carla Abellana na hindi niya kayang gawin ang mga ginagawa ng karakter niya na si Lally sa My Husband’s Lover. Pahayag ng Kapuso actress, “Ibang klaseng tao siya. Sobrang martir. Sobrang tapang. Sobrang lakas. Parang ang hirap paniwalaan na may mga taong katulad ni Lally talaga sa totoong buhay.”


Dinumog ng napakaraming tao ang activity center ng Farmers Plaza sa Cubao, Quezon City, kung saan ginanap ang meet-and-greet event ng buong cast ng My Husband’s Lover kahapon, Sunday, October 6.

Nakakapagod man ang pagpirma ng autograph at pagpapa-picture sa napakaraming fans na naroon, enjoy ang buong cast ng patapos na ngunit patuloy pa ring pinag-uusapang primetime series ng GMA Network, na pinangungunahan nina Carla Abellana, Dennis Trillo at Tom Rodriuguez.

Sabi ni Carla sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang miyembro ng media, “Since the beginning, ini-expect namin na pag-uusapan siya.

"Pero hindi namin ini-expect na magiging ganito siya kalaki talaga. Sobrang laki ng following. Sobrang loyal ng fans.

“Hindi talaga nila kami binitawan since day one. Tapos, na-appreciate nila yung show namin.”

BEST SOAP. Tumatak sa viewers ang character niya as Lally, ang martir na asawa ni Vincent, portrayed by Tom Rodriguez, na karelasyon din ni Eric, na character naman ni Dennis Trillo.

“Hindi ko kayang maging si Lally sa totong buhay!” natawang sabi ni Carla. Ibang klaseng tao siya. Sobrang martir. Sobrang tapang. Sobrang lakas.

“Parang ang hirap paniwalaan na may mga taong katulad ni Lally talaga sa totoong buhay.”

Mag-iiwan din daw ng tatak sa puso’t isipan niya, at maging sa kanyang pagiging artista, ang My Husband’s Lover.

“It’s the best soap na nagawa ko, kasi ito yung pinaka na-enjoy ko. Ito ang pinakamalaki. I would say, pinakamagandang material. Eto ‘yon.

“Kasi, more than the actual show itself, na naipalabas namin yung ganda, yung relationship naming lahat ng cast, ng crew, at ng staff… iyon yung pinaka mami-miss at maaalala ko talaga.”

TO BE SHOWN IN VIETNAM. Isang TV network sa Vietnam ang bumili agad ng rights sa My Husbands Lover para maipalabas ito doon.

Kuwento ni Carla, “Actually, hindi pa nga ito tapos umere dito sa atin, nagsabi na talaga sila na nagustuhan nila yung show namin.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Bumisita pa sila dito. Dinalaw pa nila kami sa set. Tapos binili na nga nila yung rights.

“Nakakatuwa, di ba? Na hindi pa nga tapos yung show, interesado na sila. Binili na nila.

“Actually, kilala na namin sila. Kami nina Dennis at Michelle Madrigal, nagpunta kami sa Vietnam para dalawin yung Today TV at saka FM TV nila.

“So, sila rin, same group yung nagpunta dito. Parang reunion namin iyon kasi kilala na nga namin sila, e.

“Kaya nakakatuwa na ang layo pa ng pinanggalingan nila, bumisita lang sila, tapos nag-hello. Ganun.”

Iba ang kultura sa Vietnam. Sa palagay ba niya, matatanggap din ng audience doon ang tema ng My Husband’s Lover?

“Ay, oo!" bulalas ni Carla. “Nung nando’n pa lang kami nina Dennis, tinanong namin sa kanila kung okey sa kanila ang ganung klase ng konsepto.

"Sabi nila, okey naman daw. Although marami ring Catholic doon, open-minded naman daw sila. At saka marami rin daw mga beki doon.

“So, okay daw. Open naman daw ang audience nila para sa My Husband’s Lover.”

GEOFF EIGENMANN. Sa sobrang busy ng kanyang work schedule for the past months, nagkakaroon pa ba siya ng oras sa boyfriend niyang si Geoff Eigenman?

“Ay, kawawa!” sabay ngiti ni Carla. “Halos wala na po. Pero hangga’t meron talaga akong oras, sa kanya ko ibinibigay.

"Siguro in a week, may isang araw naman kahit papa’no na para sa kanya.

“At saka pagkatapos naman ng My Husband’s Lover, bawi na sa oras, e. So, malapit na ‘yon.”

Paano niya planong bumawi kay Geoff? Magbabakasyon sila?

“Magbabakasyon ako, pero with the family first. Pagbalik ko na lang galing bakasyon, at least si Geoff na yung makakasama ko naman.

“So, may time naman para bumawi. Babawi ako kay Geoff.”

THE CONCERT. Bukod sa pagtatapos ng My Husband’s Lover next week, marami rin ang nag-aabang sa One More Try: My Husband’s Lover Concert na gaganapin sa Smart Areneta Coliseum sa Sabado, October 12.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ayon kay Carla, “Extravaganza siya. Hindi siya typical show o thanksgiving concert.

“Bukod sa mga guests na Kapuso artists, nandiyan yung UP Orchestra. Nandiyan yung Ballet Philippines.

“So, ibang klaseng show siya, na very extravagant. Very formal. Ang ganda talaga. Napakalaking concert.

“Marami silang mga makikita at mapapanood na hindi nila napapanood sa mga eksena namin.

"Yung mga bawal ipalabas sa TV, doon namin gagawin sa concert. Babawi kami sa viewers.”

Excited din daw silang buong cast ng My Husband’s Lover sa nakatakdang show o concert tour nila sa Amerika.

“Sa November, ilang cities sa U.S. ang aming bibisitahin. Hindi lang isa o dalawa, marami!

“Alam naming marami kaming fans sa U.S. na hindi lang mga Pinoy kundi mga Amerikano rin.

“So, sana abangan nila kami. Mag-iikot kami doon. Hangga’t kaya naming ikutin, iikutin namin ang U.S.,” panghuling nasabi ni Carla.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN