The Voice champion Mitoy Yonting: “Kahit ano ang mangyari, hindi mababago ng pera si Mitoy Yonting.”

Ipinagpapasalamat ni Mitoy Yonting, 43, na nanalo siya sa isang prestihiyosong paligsahan sa pag-awit sa ganitong edad. Wika niya, “Siguro, mas maganda na nga na nakamit ko ito na may edad na ako, kasi marami na akong nakita na nalasing sa tagumpay. Marami na akong nakitang nasira dahil sa pagkalunod sa tagumpay.”


Bago sumalang si Mitoy Yonting sa live interview niya sa The Buzz kahapon, October 6, ay nakausap muna siya ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal).

Si Mitoy ang itinanghal na grand champion sa katatapos lang na singing search ng ABS-CBN na The Voice of the Philippines.

Bungad ng 43-year-old singer tungkol sa kanyang panalo, “Unang-una ay nagpapasalamat ako sa Diyos at sa mga taong nagtiwala sa akin at sa kakayanan ko.

“Sinasabi nga nila na may edad na ako. Siguro, ipapagpatuloy ko na rin ang nasimulan ko.

“At siguro’y lilipas din yung sinasabi nga nila na matanda na nga ako, baka wala nang ilabas o kakaunti na lang ang buhay.

“E, ganoon naman talaga.

“Yun ang gusto kong gawin—ang ituloy ang pagpapaligaya, at marami ang matuwa sa akin, at pilitin na matuwa ang mga hindi natutuwa sa akin.

“Yun ang challenge ko.”

Ang isa sa nagustuhan sa kanya ng mga bumoto ay ang koneksiyon niya sa audience. Pati na ang kanyang pagpupursigi na manalo sa pamamagitan ng pagpapakita ng makatindig-balahibong performances.

Sabi ni Mitoy, “Yun nga. Kasi, nandoon na rin ako sa stage, e, di ayusin na lang para makamit ang minimithi.

“Kaya nga sumali sa contest, di ba?”

Tungkol naman sa mga taong hindi siya gusto o hindi gusto ang istilo ng kanyang pagkanta, ano ang masasabi niya?

Sabi ni Mitoy, “Lalo pa sigurong dadami kung papatulan pa. Kaya wag na lang siguro.

“Sabi ko nga, opinyon nila yun, wala tayong magagawa. Respetuhin na lang siguro.

“Iniisip ko na lang, kung merong ayaw sa akin, meron din namang may gusto.”

LIFE-CHANGING MOMENT. Sinasabi ng marami na nakatakdang magbago ang takbo ng kanyang buhay matapos niyang manalo. Ano ang reaksiyon niya tungkol dito?

Saad ni Mitoy, “Pinaghahandaan ko na ang mga bagay-bagay na ‘yan, kasi doon din papunta.

“Kaya, sinasabi ko sa sarili ko na pipilitin ko na... magsisimula kasi ako uli, e.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Ibang phase ito ng buhay ko at yung past ko, yun ang base ko bale.

“Magba-back to zero ako para malinis ang dadaanan ko.”

Dagdag pa niya, “Heto, pangako ko sa mga taong tumulong sa akin, sa pamilya ko at sa sarili ko—kahit ano ang mangyari, hindi mababago ng pera si Mitoy Yonting.

“Siguro sa schedule o sa oras ay magbabago, pero yung ugali ko siguro, walang presyo.

“Siguro, mas maganda na nga na nakamit ko ito na may edad na ako, kasi marami na akong nakita na nalasing sa tagumpay.

“Marami na akong nakitang nasira dahil sa pagkalunod sa tagumpay.”



TWO-MILLION PRIZE. Marami ang gustong malaman kung ano ang plano niya sa kanyang mga pinanalunan, lalung-lalo na ang two-million-peso cash prize.

Bukod sa cash prize ay may premyo rin si Mitoy na isang brand new car, Asian package for two, at four-year recoding contract sa MCA Universal.

Nangingiting sambit ni Mitoy, “Wala pa, wala pa.

“Heto nga, pinag-uusapan namin ni Misis [Merly Yonting] kung ano ang investment na gagawin namin.

“Siguro, pag-iisipan ko... hinay-hinay na muna.

“Merong mga kamag-anak na lumalapit. Inaasahan na natin ‘yan, pero depende sa approach niya.

“Alam n’yo na,” nangingiti pa ring sabi niya.



BAND GIGS. Sa kabila ng hectic schedule ngayon ni Mitoy, wala siyang balak na umalis sa bandang kinabibilangan niya, ang The Draybers.

Ang bandang ito ay binuo niya kasama ang kanyang kapatid noong late 90s.

“A, wala, wala. Parang panata ko na ‘yan sa mga kasama ko sa banda,” pagsisiguro ni Mitoy.

“Ipinangako ko na ‘yan sa sarili ko... anim na tao ‘yan.

"So, limang tao ang umaasa sa akin na tuloy ang hanapbuhay nila, at hindi ko pababayaan nang ganoon lang.

“Mahalaga sa akin ang banda. Yun ang aking pinagmulan at utang ko sa bandang ito kung anuman ang narating at mararating ko pa ngayon.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sa buhay-pamilya naman niya, hindi kaya ito ang pagsimulan ng problema sa pagitan nila ng kanyang misis?

Naiiling na pahayag niya, “Alam na ni Misis ang trabaho ko sa simula’t simula pa lang.

“Noon pa man, marami na ang natutuwa sa akin at humahanga sa mga ginagawa ko.

"Dadami na lang siguro, lalawak lang yung network.

“Ano naman ako, hindi ako gagawa ng ikakagalit ng asawa ko, di ba? Alam ko naman yung limitasyon.

“Kasi, alam mo naman na kahit hindi ka magandang lalaki ay pumupogi kapag nasa banda ka. Naranasan ko naman yun.

"Pero sabi ko nga, tapos na ako doon,” sabi ni Mitoy.



TO BE A POLICEMAN. Ayon kay Mitoy, wala sa listahan niya ang pagiging singer sa mga hinahangad niya noon sa buhay.

“Hindi naman talaga ito ang pangarap ko, itinuloy ko na lang.

“Ang una talagang gusto ko ay maging pulis. Nag-aral ako ng Criminology, pero hindi ko natapos.

“Kaya lang, ito ang naging propesyon ko, kaya kailangang panindigan na lang, di ba?

“Siguro, para masabi ko na rin sa sarili ko na nagtagumpay ako.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN