Coco Martin sets aside lovelife for family: “Yung puso naman ay makakapaghintay naman siya.”

Sa pagtatapos ng kanyang teleseryeng Juan dela Cruz, mapagtutuunan na muli ni Coco Martin ang pag-aasikaso sa kanyang pamilya. Aniya, “Kung titingnan ninyo ang takbo ng buhay ko, wala nang natitira para sa sarili ko. Walang panahon sa [pag-ibig]... puro sa pamilya ko lang po. Sila ang inspirasyon ko.”


Sa nalalapit na pagtatapos ng pinagbibidahan niyang fantasy series sa ABS-CBN, ang Juan dela Cruz, mababalikan na ni Coco Martin ang mga nabinbin niyang gagawin.

Una, gustong niyang bumawi sa kanyang pamilya dahil nawalan siya ng panahon para sa kanila sa tagal ng pag-ere ng serye.

Bukod pa rito ay ang paggawa niya ng isang mainstream at isang indie movie na naisantabi ng isang taon dahil sa halos araw-araw niyang taping.

“Yun nga po ang gusto kong gawin ngayon,” bungad niya sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at ng iba pang entertainment media sa farewell press conference ng Juan dela Cruz noong isang linggo.

“So, habang bakasyon at wala pang soap opera na gagawin, gusto ko sanang gumawa ng isang mainstream at indie movies.

“Heto po yung pagkakataon na kaming mga artista ay gusto rin naming pakainin ang kaluluwa namin—umarte naman kami.

“I mean, umaarte naman kami kundi namin magawa yung gusto naming proyekto.”



CHANGE ROUTINE. Para mapagtuunan ang kanyang pamilya, babaguhin daw ni Coco ang kanyang routine.

Sabi niya, “Gusto kong humingi ng kahit isang linggong pahinga lang at nasa bahay lang ako para makasama ko lang sila.

“Kasi, mula nang magsimula kami ng Juan dela Cruz, darating ako sa bahay, maliligo, tapos alis na naman.

“Kundi darating akong pagod, matutulog, paggising ko, alis uli. Parang ganoon yung naging routine ko.

“Siguro ngayon, isang linggong pahinga, tapos aasikasuhin ko na ang dapat kong asikasuhin."

Dahil tungkol sa pamilya ang pinag-uusapan, nabuksan tuloy ang kuwento sa kanyang pamilya, kung saan lumaki siya sa kanyang lola.

Pahayag ng award-winning actor, “Actually, mapapansin ninyo, sa lahat ng soap opera ko, laging may character ng lola.

“Bawat character ko sa soap, kalahati noon ay ang pagkatao ko. Kumbaga, sini-share ko ang pagkatao ko.

“Like, tungkol sa father ko, hindi ako totally lumaki sa kanya, e.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Lumaki nga ako sa lola ko na, kumbaga, mini-mirror niya ang totoong buhay ko. Yun.

“Later on, habang nabubuo ko na ang pamilya ko, sabi ko nga, pangarap ko talaga yun.

“Kasi, ganoon talaga kapag lumaki ka na hindi buo ang pamilya mo. Ikaw, bilang tao, papangarapin mo yun, e—yun ang ginawa ko.

“Parang sa role ko sa Juan, hinanap niya yung tatay niya, yung pamilya niya.

"Ako, sabi ko nga, parang pareho.

“Like, yung father ko, nakasama ko na siya ngayon... dahan-dahan na naming nakikilala ang isa’t isa po.”



HOUSES FOR FAMILY. Kasalukuyang nagpapagawa ng bahay si Coco para sa sarili at sa lola niya sa isang malaking compound sa Fairview, Quezon City.

Isang bahay rin ang ipinagagawa niya doon para sa kanyang mga magulang at kapatid.

“Kumbaga, kapag natapos ko nang matupad ang yung pangarap kong bahay, kung saan ay magkasama-sama kami, sabi ko, gusto ko silang mabigyan ng negosyo para matulungan nila ako.

“Kasi, mahirap naman na ako lang ang nagtatrabaho.

“Di ba, siyempre po, maganda yung may katuwang ako?

“Kaya nga sa isang compound yung mga bahay na ipinapatayo ko, kasi gusto ko, kami ay magsama-sama.

“Yung negosyo ay hindi lamang para sa akin kundi para sa future din nila—magtulung-tulong kami," saad ng 31-year-old actor.



SIMPLE LIVING. Habang nagkukuwento si Coco ng mga gusto niyang manyari sa kaniyang pamilya, napansin naming nangingilid ang kanyang luha.

Pero pagpapatuloy pa rin niya, “Basta naman po sa pamilya ay gagawin ko lahat.

"Gusto ko, simpleng buhay lang at ayaw ko na itong i-extend.

“Kahit nga ang tatay ko ay nagda-drive pa rin ngayon ng jeep.

“Kasi sabi ko nga... wala naman kasing... kasi nga yung pangyayaring ito ay sobrang bilis masyado.

“Maaaring sa ngayon ay meron tayo nito, pero... huwag na nating palampasin pa kung ano ang hangad natin.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Kumbaga, dito tayo nakilala. Yung mga tricycle namin, nandoon pa rin.

"Ganoon ang buhay, e, bukas naman ako sa real life.

“Kumbaga, pagkatapos ng lahat ng ito, babalik pa rin sa dati, di ba?

“Ako nga, pangarap ko ay dumami ang jeep namin, ang tricycles namin, kasi nga, ibang negosyo ‘to.

“Ako nga, nagsimula ako doon.

"Tapos, yung apartment namin, gusto kong ipaayos, kasi medyo luma na rin."

Ang jeep at tatlong tricycles ay ang mga naipundar niya noong gumagawa pa siya ng indie movies.

Pagbabalik-tanaw pa niya, “Noon kasi, naisip ko kung ano ang gagawin ko sa kinita ko.

“Gusto ko, yung kikita ako na hindi ako ang nagda-drive.

"Kasi, gusto ko, yung pang-araw-araw naming kita… kasi kayang-kaya na noon yung pang-araw-araw naming pagkain.

“At saka yung tatay ko, yun talaga ang gusto niyang gawin.

“Yun talaga ang hanapbuhay kahit noong wala pa ako sa showbiz.”



NEXT PRIORITY. Ngayong nakatuon ang atensiyon ni Coco sa kanyang pamilya, ibig sabihin nito ay isinasantabi muna niya ang buhay pag-ibig.

Nangingiting pag-amin niya, “Kung titingnan ninyo ang takbo ng buhay ko, wala nang natitira para sa sarili ko.

“Walang panahon sa [pag-ibig]... puro sa pamilya ko lang po. Sila ang inspirasyon ko.

“Yung puso naman ay makakapaghintay naman po siya.”

Ito ay sa kabila ng nali-link siya ngayon sa leading ladies niya sa Juan dela Cruz na sina Shaina Magdayao at Erich Gonzales.

Sabi ni Coco, “Siguro dahil sa sobrang bonding namin kaya ganoon... nagkakaroon ng ibang kulay.

“Pero yung ligaw, wala naman po.

“Kasi, sabi ko nga, kung saka-sakali ay baka hindi ko rin mapanindigan.

“Naranasan ko nga ang maging wala, kaya kung anuman yung opportunity na meron ako ngayon, isinasagad ko na nang sobra.

“If ever na tapos na siya, wala na akong pagsisisihan dahil naibigay ko na ang best ng panahon ko.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Kasi, unti-unti kong binubuo ang pangarap ko [sa pamilya] at gusto ko ay tuluy-tuloy ito.

“Kasi, kapag sinabi ko na, ‘Okay na ‘to... meron naman akong ganyan, e,’ baka tamarin ako.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN