Willie Revillame turns emotional in Wowowillie farewell episode; promises to return soon

During his tearful farewell, Willie Revillame paid tribute to his predecessors, including long-running noontime shows Student Canteen and Eat Bulaga!, and thanked everyone—from loyal televiewers to studio audience members, from corporate to production, from advertising to celebrity co-hosts, friends, politicians and rank and file employees—who contributed to Wowowillie’s success.


Pormal nang nagpaalam sa ere ang noontime show ng TV5 na Wowowillie kahapon, October 12.

Umabot sa halos isang oras ang pamamaalam ni Willie Revillame sa studio audience at mga televiewers nito, kung saan binalikan niya ang tatlong game shows niya sa Kapatid Network simula nang lumipat siya rito noong 2010.

Sa naturang programa ay nagpakita si Willie ng mga video playback, na nagpabalik sa mga magagandang kaganapan at masasayang alaala ng mga programang Willing Willie, WilTime Bigtime, at Wowowillie.


Dito ay pinaalalang nakapagbigay ang mga shows ni Willie ng 28 bahay-at-lupa at iba pang malalaking premyo sa masusuwerteng tagapanood ng show.

Bilang bahagi rin ng pamamaalam ni Willie sa audience ay kinanta nito ang kanyang mga hit songs, dalawang bagong awitin para sa mga sundalong naninilbihan sa Mindanao, at isang Christmas song na pinamagatang “Christmas Wish.”

MAGBIGAY NG SAYA AT PAG-ASA. Sa simula ng kanyang farewell speech, sinabi ni Willie, “Ilang minuto na lamang po, hindi muna tayo magkikita-kita.

"Marami kaming pinagdaanan bago po mabuo ang programang Willing Willie, Wowowillie, WilTime Bigtime.

“2010 po, sobrang hirap sa aming lahat dahil marami kaming pinagdaanang pagsubok sa buhay, kasama ang mga staff, mga dancers na bumubuo po ng unang programang Willing Willie.

“October 23 po nagsimula ang isang programa, nagmula sa tanghalian naging gabihan. Alam niyo, nine years na akong every day kasama niyo sa pananghalian, naging sa gabihan, naging bumalik sa tanghalian.

“For nine years po, wala akong inisip kundi laging magbigay ng saya at pag-asa sa ating mga kababayan.

“Marami po kaming mga ipapakita sa inyo na mga videos para malaman niyo po paano nabubuo ang isang programa, paano nabubuo ang isang pamilya at pagmamahalan sa isang programang katulad nito.

“For example, Eat Bulaga! Ang Eat Bulaga! po, for 34 years nandiyan po, naging inspirasyon namin. Nagbigay din ng saya sa sambayanang Pilipino. Sila po ay isa sa mga inspirasyon namin.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Ako po mismo, naging inspirasyon ko sila, Student Canteen, Eat Bulaga!, at siyempre po dumating yung programang Wowowee na dun nagsimula ang lahat ng mga pagbabago sa tanghalian.”

Dito na ipinakita ang ilang video clips na nagdetalye ng pagsimula at pagbuo ng Willing Willie, na nagsimulang umere sa TV5 noong October 23, 2010.

Matapos nito, sinabi ni Willie, “’Yan po yung unang programa nating pinagsamahan nang gabihan. That was October 23 po 2010, ’yan po ang programang Willing Willie.

“Pagkatapos po nun, nagkaroon kami ng kaunting problema, at hindi pa rin ho kami tumigil at bumalik pa rin kami para ituloy pa rin yung pagbibigay ng saya at pag-asa.

"Ang pinakaimportante, nandiyan kayo lagi pag may mga pagsubok po sa buhay ko.

“Hindi niyo ako iniwan. Ito po yung pumalit na programa, ito po yung WilTime Bigtime.”

Matapos nito, kuwento ni Willie, “So, dalawang programa na po yun na nagbigay ng saya.

"Ito po yung panghuli, ito yung magbaba-bye na, ngayong araw na ‘to.

"Parang iba na ang title nito, hindi na Wowowillie kundi Wawa-Willie. Wawa na Willie.

“Ganun talaga, medyo mag-o-overtime. Makikiusap lang ako sa TV5 na for the last chance, huling araw na po namin, huwag niyo muna kaming putulin, para naman po yung sambayanan makita nila yung pinagsamahan nating programa.

“Ito pa po yung isa, na magsasabi ng ba-bye na pansamantala. January, 26, 2013, lumipat po kami dito, magmula sa gabihan, bumalik sa tanghalian. Ito na po yun.”

Muli ay ipinakita ang highlights ng Wowowillie, kabilang na rito ang mga nanalo sa mega-jackpot ng mga games.

INTINDIHIN NIYO NA LAMANG PO AKO. Dagdag pa ni Willie matapos ng VTR, “Tatlong programa po na nagbigay ng talagang saya sa inyong lahat, January 26 ito pong taon na to, nine months lang po tumagal ang programang ito.

“I’ll be honest with you, never niyo pong nalaman na hindi ako nagsisinungaling sa inyo. Alam niyo yung pagkatao ko, kung nagkakamali ako, nagagalit ako sa TV, dahil hindi po ako puwedeng maging hipokrito sa inyong lahat.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Kung ano po yung pagkatao ko, ipapakita ko po sa inyo, at intindihin niyo lamang po ako dahil lagi po naming iniisip po ay kayo.

“Lagi po naming iniisip na mapasaya kayo, dala-dala pa po namin araw-araw yun.

"Hindi po biro ang mag-show araw-araw, na kahit wala ka sa mood, may sakit ka, kailangan mong ngumiti, may namatay, may sakit yung anak mo, may sakit ang pamilya, maysakit ang staff mo—hindi po biro yun sa amin dito sa Wowowillie.

“Kailangan paglabas mo, nakangiti ka, kahit nagdurugo ang puso mo. ’Yan po ang gaming obligasyon at ’yan po ang aming kaligayahan—magbigay ng saya sa inyong lahat.”

Matapos ay ipinakita naman sa programa ang mga out-of-town shows nito, pati na ang mga shows nito sa ibang bansa.

MENSAHE NG PASASALAMAT. Matapos kantahin ni Willie ang kanyang bagong awiting “Christmas Wish,” na ayon sa kanya ay kagabi lang nila ni Lito Camo natapos i-record, nagbigay ito ng mensahe sa lahat ng kanyang mga nakasama sa istasyon.

Tinawag niya muna lahat ng co-hosts, dancers at staff.

Dito na naging talagang emosyonal ang lahat—ang audience, ang mga kasamahan ni Willie, at si Willie mismo.

Una munang pinasalamatan ni Willie ang lahat ng technical staff ng show at ng buong TV5, ang medics, at pati na ang mga janitors at security guards na nakasama nila sa araw-araw.

Dagdag ni Willie, “And, of course, our former COO, of TV5, isa pong taong nirerespeto ko, magaling na tao, mabait, at lagi pong positive at lagi po akong kinakamusta.

"’Yan ang tunay na boss, yung laging kinukumusta ang kanyang mga talents, kinukumusta kong okay naman—Boss Bobby Barreiro. Boss Bobby, salamat, thank you so much.”

‘And, of course, director of Mediaquest Holdings, our former CEO and President ng TV5, isa rin pong napakabait na tao, marespeto at lagi pong nagbibigay ng inspiring texts sa akin kung maganda ang programa, “Willie, thank you very much na pinapasaya mo ang taong bayan.’

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Yung tao pong kumuha sa akin—Atty. Ray Espinosa. Atty Ray, thank you so much.

“Sobra po akong… pagmamahal namin sa ’yo. Alam naming hindi mo rin ako pinabayaan, sa lahat ng pinagdaanan ko, sa lahat ng mga kaso, andiyan ka, at binibigyan mo ako ng support talaga. Lahat kami.”

“And, of course, our Chairman, the chairman of TV5, PLDT, Maynilad, Philex, lahat na po, lahat, Smart, ano pa ba? Lahat ng klase po na nagbibigay ng tulong sa sambayanan, nagbibigay ng pangangailangan, ilang milyong Pilipino po ang natutulungan ng taong ito, hindi lang po pagtulong.

“Yung mga empleyado po niya, na nabibigyan ng magandang buhay ang pamilya—our Chairman, Mr. Manny V. Pangilinan. Sir, thank you so much.

“Napakabait niyo po, binigyan niya pa ako ng farewell dinner. Marami pong salamat, Sir, at ngayon ko lang naramdaman ho mawala sa isang channel na binigyan pa ako ng handa.”

Pinasalamatan din ni Willie and bagong presidente ng TV5.

Aniya, “And of course our new boss, Mr. Noel Lorenzana, Wowowee pa lang, alam ko [doon sa] Uniliver, di mo ako pinabayaan, naniwala ka sa akin.

"Hanggang kanina, nagtext ka sa akin. You’re a boss. Boss, sana, till we meet again, thank you so much.

“Sa lahat po ng mga nakasama namin, sa lahat po ng mga taong nakasama namin sa araw-araw—dito po, ang pinapansin yung mga hindi pinapansin.

“Ang importante po dito, binibigyan ng halaga, kahit sino ka, lalo na po yung taong kapuspalad, yung mga tao pong nangangarap, akala nila wala ng katuparan ang pangarap.

"Meron po, basta may mga programang katulad nito.

“Mga pag-asang ’binibigay. Nandito kami hindi naman po para maging masaya kami, nandito po kami para magiging masaya kami kung nakapagbibigay kami ng kasiyahan sa inyo sa araw-araw.”

“This is our last day—thank you so much sa TV5, sa lahat ng bumubuo at sa mga nakasama naming artista, mga guests

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"At, siyempre, nakakalungkot po, alam niyo, kung kailan naging close yung mga hosts, kung kailan naging malapit sila sa isa’t isa, nakikita ko kapag nagla-lunch kami diyan, sila, nakikita ko ang saya.

“Kung alam niyo lang po na tuwang-tuwa po ako dahil, sabi ko, pag masasaya ang mga hosts, walang intriga. Paglabas sa entablado, masaya kami lahat dito para pasayahin kayo.”

Binanggit at pinasalamatan din ni Willie sina Arci Muñoz, Lovely Abella, Luningning (na nasa studio), at si Ethel Booba at Ate Gay na minsan ay nakasamaan niya ng loob.

Sinabi ni Willie na hindi siya nagtatanim ng sama ng loob kaninuman.

Aniya, “Ako po ang taong hindi nagtatanim ng galit kahit kanino. Ako po yung taong… wala sa akin yung hatred, bitterness. Wala po sa akin yun.”

Nabanggit din ni Willie ang kanyang pagsisimula noon bilang solo noontime host sa Wowowee, dahil napansin daw siya nina Charo Santos-Concio, Cory Vidanes, at Gabby Lopez sa Magandang Tanghali Bayan show nila noon ni Randy Santiago at John Estrada sa ABS-CBN.

Kinuwento niya pa na nalungkot siya noong nawala sa ere ang Wowowee dahil nagkaroon nga ng problema si Willie noon sa ABS-CBN management.

Pero, ang TV5 ang nagbigay ng tulay daw para maipagpatuloy niya ang pagbibigay-saya sa mga tao.

Pagpapatuloy pa niya, “Mawawala po kami dahil sa aming paningin, e, masyadong mahal kami. Pero hindi po totoo yun. Mahal namin kayo, yun ang importante.”

Pinasalamatan din niya ang mga mananahi nila, propsmen, at make-up artists. Pati na sina dating Senador Manny Villar, ang asawa nitong si Senator Cynthia Villar, at ang anak nilang si Camille na naging co-host niya sa show, na dumating din sa last episode nila.

Binanggit din niya sa pasasalamat ang kanyang manager na si Jay Montelibano, na tumatayong business unit head ng programa.

Pakiusap din ni Willie, ‘Sa pagsasara po ng yugtong ito sa buhay namin, sana po, sa pagbukas nito ay tayu-tayo pa rin ang magkikita-kita. Tayo tayo pa rin ang magsasama-sama.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Hindi rin nakalimutan ni Willie na magpasalamat sa Diyos.

Sa huli, sinabi ni Willie sa mga tagapanood ang kanyang labis na pasasalamat sa mga ito na nagluklok sa kanya sa kanyang tagumpay.

SALAMAT SA INYO. Isa pang kanta ang inalay ni Willie na bagong komposisyon ni Lito na may titulong, “Salamat Sa Inyo.”

Pagkatapos niyang umawit, pamamaalam niya, “Sarado na po ang Wowowillie, may bubuksan. Para sa magandang pag-asa at magandang buhay. Abangan niyo po ’yan.”

Natatawa niyang dugtong, “Wala pang kumakausap sa akin.”

Dagdag uli niya, “Abangan niyo lang ’yan. Pag may kakausap, pag-iisipan. Salamat.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN