Senators Bong Revilla, Jinggoy Estrada push for appearance of Janet Lim Napoles in Senate hearing

"Masyado na maraming nadadamay, masyado nang maraming pangalan ang nadudurog—at isa na ako dun," pahayag ni Senator Bong Revilla (kaliwa) kaugnay ng kontrobersiyal na pork barrel scam. Ito raw ang dahilan kung kaya’t pabor siyang humarap sa isinasagawang Senate hearing si Janet Lim Napoles, nang lumabas na raw ang katotohanan. Bukod kay Senator Revilla, ang mga kapwa niya senador na dawit din sa pork barrel scam ay ang kaibigan niyang si Jinggoy Estrada (ka


Pabor sina Senator Ramon "Bong" Revilla Jr. at Senator Jinggoy Estrada na humarap sa isinasagawang hearing ng Senate Blue Ribbon Committee, kaugnay ng pork barrel scam, si Janet Lim Napoles—ang itinuturing na "pork barrel scam queen."

Sinasabing si Napoles ang nagtatag ng mga kaduda-dudang non-government organizations (NGOs) na nalagakan ng bahagi ng Priority Development Assistance Fund (PDAF), o pork barrel, ng ilang mga mambabatas.

Sina Revilla at Estrada ang dalawa sa tatlong senador—ang isa pa ay si Juan Ponce Enrile—na kinasuhan ng Department of Justice at National Bureau of Investigation ng plunder at malversation of funds kaugnay ng paggamit ng mga ito ng kanilang PDAF sa mga kuwestiyonableng NGOs ni Napoles.

Sa panayam ni Senator Revilla sa media, na lumabas sa GMA primetime news na 24 Oras ngayong gabi, October 15, sinabi nitong: “Mas maganda pumunta si Janet Napoles dito nang lumabas na yung katotohanan, nang matapos na yung gulo na ’to.

"Masyado na maraming nadadamay, masyado nang maraming pangalan ang nadudurog—at isa na ako dun.

"Hindi ako natatakot dahil malinis ang konsensiya ko.”

Wala rin daw problema kay Senator Estrada sakaling ipatawag ng Senado si Napoles.

Pahayag ng actor turned politician sa kanyang statement: “Hindi dapat isuko ang aming karapatan, our authority as an institution. We can summon anybody especially if it concerns national interest.”

Gaya ni Senator Revilla, iginiit ni Senator Estrada na wala siyang dapat ikatakot dahil malinis din ang kanyang konsensiya.

Ayon naman kay Senator Alan Peter Cayetano, kung sakaling papaharapin sa imbestigasyon si Napoles, dapat din daw dumalo sa naturang pagdinig ang mga mambabatas na nadawit sa pork barrel scam.

Matatandaang nag-inhibit sina Senators Revilla, Estrada, at Enrile sa pagdalo sa mga nagdaang hearings ng Blue Ribbon Committee kaugnay sa pork barrel scam.

Ito raw ay para hindi sila maakusahang makaimpluwensiya sa imbestigasyon.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Saad ni Cayetano, “Hindi masi-settle ang isyu na ’to pag hindi humarap ang lahat ng dapat humarap.

"Pero yung ituturo mo, siya dapat humarap, ako hindi... mali ’ata yun.”

Pero para kay Senator Revilla, hindi pa rin daw siya haharap sa mga isinasagawang hearing.

Pinagsabihan naman ni Senator Estrada si Senator Cayetano na huwag siyang pangunahan.

“Wag niya akong pangunahan. Alam ko ang ginagawa ko.”

Samantala, hindi pa nagbigay ng pahayag si dating Senate President Enrile tungkol sa usaping ito.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN