Mikael Daez refuses to talk about rumored girlfriend Megan Young

Mikael Daez is named one of the ambassadors of the Eat Brown Rice campaign. During the press presentation of the campaign today, October 16, it was inevitable that he would be asked about rumored girlfriend Megan Young. But to no avail. He quickly changed topics.


Ngayong araw, Oktubre 16, ipinakilala sa media si Mikael Daez bilang isa sa mga celebrity ambassadors ng Eat Brown Rice campaign.

Ang programang ito ay itinatag ng dalawang non-profit organizations, ang Dakila at Oxfam, at naglalayong humikayat sa mas maraming Pilipino na kumain ng brown rice.

Sa panayam ng media at PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kay Mikael, sa PETA Theater Center sa Quezon City, binanggit nito na matagal na niyang alam ang benepisyong dulot ng pagkain ng brown rice.

“Well, actually, matagal-tagal na.

"Even before nagkaroon ng mga diets, mga trending diets o kung anu-ano, iyong mga magulang ko sila iyong nagturo sa akin.

“Kasi dating-dati pa, health buffs na talaga sila. Noong hindi pa uso ang pag-e-exercise at pagdyi-gym, uso na sa mga magulang ko ang gano’n.

“So, itinuro nila iyon sa akin, naipasa sa akin iyon, and dati pa kumakain na sila ng brown rice, red rice, black rice… sinusubukan nila.

“So, ngayon mas aware ako sa health benefits at gusto ko sanang ibahagi iyon sa mga tao.”

Dagdag pa ni Mikael, na gabi-gabing napapanood sa “Midnight Snack” segment ng GMA news program na Saksi, “Alam ko sa ‘Midnight Snack,’ ang dami kong ipinapakitang pagkain, pero dapat hindi pa rin napapabayaan iyong health.

“Siyempre, paminsan-minsan, puwedeng mag-splurge, puwedeng kumain ng masarap, ng matamis. Okay lang iyon.

"Pero dapat alam pa rin ng mga tao kung ano ang tamang kainin, ano ang makukuha nila pag kumakain sila ng white rice, ano ang makukuha nila pag kumakain sila ng brown rice.

“So, that’s why very active ako dito sa Eat Brown Rice campaign.”

Mahilig ngang kumain si Mikael ng brown rice, at nakasanayan na nga rin niya ang tamang paraan ng pagluluto nito.

“Basta tinatantsa ko lang, just a bit more water.”

FROM MEGAN YOUNG TO FANTASERYE. Dahil sa impluwensiya ni Mikael sa kanyang manonood, pati ba ang rumored girlfriend niyang si Miss World 2013 Megan Young ay nahikayat na rin niyang kumain ng brown rice?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Hindi ko alam, e. Tanungin niyo na lang [siya],” nakangiting sagot ng Kapuso host-actor.

“But I’m sure mahilig siya sa brown rice. Bilang kaibigan ko siya, I’m sure she is,” pahabol niya.

Bago pa man sumali si Megan sa Miss World Philippines pageant ay naging usap-usapan na ang pagkakaroon nila ng relasyon ni Mikael.

Kapansin-pansin na noong kasagsagan ng Miss World 2013 ay madalas ang pagpahayag ni Mikael sa social media ng kanyang suporta sa actress-beauty queen.

Tatanungin pa sana ng media ang hunk actor tungkol sa tunay na estado ng kanilang relasyon, subalit nagpahiwatig na ito na ayaw niyang pag-usapan si Megan nang ilihis niya ang sagot sa tanong ni GMA News correspondent Lhar Santiago.

Wika ni Lhar, “Nagkita ba kayo noong short visit niya dito sa Pilipinas?”

Sagot ni Mikael: “Ako at iyong brown rice? Iyong brown rice naman matagal nang nandito, hindi lang iyon bumibisita dito.

“Matagal na akong may relasyon sa brown rice. Matagal ko nang kinakain iyon.”

Muling nilinaw ang tanong kay Mikael: “Nagkita na ba kayo ni Megan?”

Isang simpleng ngiti, sabay iling, ang kanyang naging tugon.

Muling tanong kay Mikael: “Pero ang good friends naman, even if you don’t see each other, nananatili ang pagkakaibigan, di ba?”

Sagot naman niya, “Tama. Marami namang kaibigan diyan na hindi mo nakikita, pero kaibigan pa rin.”

Sa sumunod na tanong—kung paano na sila ni Megan ngayong nakaalis na ito patungong London para gampanan ang obligasyon bilang Miss World—ay tuluyan nang inilihis ni Mikael ang usapan.

“A… Ako ay may bagong teleserye, so abangan niyo iyon!

“Primetime. Iyon na. Iyon na nga, makikita niyo na lahat ng brown rice na kinain ko dahil wala yata akong T-shirt doon sa ano ko.”

Isang fantaserye, sa direksyon ni Ricky Davao, ang kasalukuyang ginagawa ni Mikael.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Natutuwa ako kasi binigyan ako ng tiwala ng GMA na ganapin ang role ko dito.

"Kasama ko po si Kylie Padilla, Benjamin Alves, and marami pang iba, sila Ms. Jean Garcia…

“Natutuwa ako kasi nilagay na nila ako sa afternoon, nilagay na nila ako sa morning, nasubukan ko na rin ang news, kaya ngayon primetime na ulit.

“For the first time in a… I think one year, one and a half years, kaya naman natutuwa ako at gusto ko talagang pursigihin at pagtrabahuhin para maganda iyong makita ng mga tao.”

Physically demanding daw ang kanyang role dito na isang taong-ibon.

“Exposed na exposed ang katawan ko dito kaya physically demanding.

"Kahit si Direk Ricky tumawag po sa akin, sabi niya, ‘Mik, kailangan ganito ka, kailangan ganito ka.’

“‘Sige po, Direk, sige po. Okay, magba-brown rice na lang ako.’ Gano’n, kaya kailangan mag-gym.

"Iyon iyong requirement, iyon iyong hinihingi ng character, so iyon iyong ibibigay ko.

“Kaya ngayon, todo na akong mag-gym. Nilalaan ko talaga iyong oras ko para mag-gym.

“Aside from that, ang daming mga workshop para doon sa mga character namin, kasi nga po fantaserye po siya at may mga harness-harness, magko-chroma kami, maggi-green screen kami.

“Napakalaking proyekto niya kaya, ako naman, gusto ko na lang ibuhos iyong lahat ng kaya ko para mapaganda at maihanda ko iyong sarili ko.

“Sobra akong excited kasi for the first time, harness, chroma, gano’n, fantaserye.

"Kakaiba siya, e. Kakaiba, so I’m looking forward to it, at feeling ko talaga magugustuhan ninyo.”

Sa huli, muling tinanong si Mikael: “Ang ibon ba ay walang balak lumipad papuntang London?”

“Wala. Kailangan ko munang lumipad doon sa may Quiapo, saka na ang London.”

Ilang minuto lamang matapos ang interbyu ay umalis na si Mikael patungong Quiapo, Manila, kung saan sila nakatakdang mag-taping para sa bago niyang fantaserye.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN