Angelika dela Cruz pins political rivalry as motive for harrowing attempt on her life

Kagabi, ika-19 ng Oktubre, isang lalaki ang nagtangkang sumaksak kay Angelika dela Cruz habang ang aktres ay nangangampanya para sa pagka-barangay captain.


Nagkagulo sa Barangay Longos sa Malabon kagabi, ika-19 ng Oktubre, nang may magtangkang patayin si Angelika dela Cruz, na tumatakbong barangay captain sa lugar.

Pagsasalaysay ni Angelika nang makausap siya ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal): “Nag-house to house ako, siguro mga 5:30 o 6 ng gabi yun, biglang may sumugod sa akin na tao na may hawak na kutsilyo.

"Yung tinutukan na ako, na parang sasaksakin na ako.

"Buti na lang, may bodyguard ako na ’binigay ng asawa ko, hinatak nila ako.

"Pinayuko nila ako, kasi baka merong magbaril naman, kaya takot na takot talaga ako.”

First time raw maka-experience ni Angelika ng ganoong karahasan. Ngayon pa rin lang daw siya pumasok sa pulitika. At ngayon pa lang siya nagsisimulang mangampanya.

Nang mangyari ang insidente, inamin ng Kapuso actress na hindi niya alam ang gagawin niya.

“Parang nanigas kasi ako, parang natulala ako sa sobrang pagkabigla.

“Buti na lang, alert naman ang mga bodyguards ko. Nahatak nila ako, kasi hindi ko na alam ano ang gagawin ko."

Kaagad na inilayo si Angelika sa lugar ng insidente, dahil bigla namang sinugod daw ng mga taga-roon ang taong nagtangkang sumaksak sa kanya.

Kinuyog daw ito at pinagbubugbog.

Mabuti na lang daw na, bagamat galit na galit ang mga taong nakapaligid, hindi nila ito napatay.

Nagsadya si Angelika kaninang tanghali, ika-20 ng Oktubre, sa Tondo General Hospital, kung saan isinugod ang tao upang magamot ang mga sugat at pasa-pasa nito mula sa pambubugbog.

Doon na rin pinakumpirma ng mga pulis kay Angelika kung iyon nga ang taong sumugod sa kanya na may dalang kutsilyo.

Ang suspetsa ni Angelika, may kinalaman ang nangyari sa pulitika.

Ayon sa kanya, “Ang masakit pa nito, pinsan ko pa ang kalaban ko na barangay captain."

Alam niyang pulitika raw ito lahat, dahil meron pa raw silang nakuhang litrato ng taong iyon na suot ang T-shirt na may tatak ng pangalan ng pinsan ni Angelika na tumatakbo laban sa kanya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sinubukan daw nilang ipabunyag sa taong iyon kung sino ang nag-utos sa kanyang saktan si Angelika, pero matigas daw ang tanggi nito.

Saad pa ni Angelika, “Pulitika talaga, at natatakot ako, dahil hindi naman ako sanay sa ganito.

"Alam mo naman tayo sa showbiz, pa-smile smile lang at pakaway-kaway kapag lumalabas.

“Wala naman akong kaaway, e, kaya alam kong may nag-utos sa kanya.”

Ngayong linggo ay nakatakdang pormal na magsampa ng reklamo si Angelika laban sa taong nagtangkang pumaslang sa kanya, at maaari raw na damay na rito ang ilang pinagsususpetsahan nilang nag-mastermind nito.

Bukas ang website na ito sa anumang statement na gustong iparating ng mga kalaban ni Angelika sa pulitika tungkol sa insidenteng naganap.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN