Senate orders Janet Napoles to appear in November 7 hearing on pork barrel scam

Ayaw pangunahan ni Senate Blue Ribbon Committee Chairman Sen. Teofisto Guingona III ang posibilidad na tumanggi si Janet Lim-Napoles na magbigay ng testimoniya sa Senado. "Let’s not speculate. You will never know kung ano ang mangyayari hangga’t andun talaga siya, magsalita siya o hindi. We will only know what will happen when she is already there," saad ng senador sa isang press conference ngayong araw, October 21.


Nakatakda nang humarap sa Senado si Janet Lim-Napoles, ang itinuturong mastermind ng kontrobersiyal na 10-billion-peso pork barrel scam.

Ayon sa ulat ng GMA News, pormal nang inihain ang subpoena kay Napoles, na nag-uutos ditong dumalo sa Senate hearing na gaganapin sa Senate session hall sa November 7.

Ang naturang subpoena ay ipinadala ngayong araw, October 21, sa Fort Sto. Domingo, kung saan nakapiit si Napoles dahil sa kasong illegal detention, na kasalukuyang dinidinig sa Makati Regional Trial Court.

Si Director Carmelo Valmoria, Philippine National Police [PNP]-Special Action Force commander, ang siyang naatasang magdala kay Napoles mula sa Sto. Domingo Fort papunta ng Senado para sa hearing.

Noong nakaraang linggo lang pinirmahan ni Senate President Franklin Drilon ang naturang subpoena pagkatapos ng ilang linggong pagtutol nito.

Ang subpoena ay pirmado rin ni Senate Blue Ribbon Committee (Committee on Accountability of Public Officers and Investigation) Chairman Senator Teofisto Guingona III.

Ang Senate Blue Ribbon committee ang siyang inatasan na mag-imbestiga sa anomalya kaugnay ng Priority Development Assistant Fund (PDAF) o mas kilala bilang pork barrel.



FACE OFF. Ilan sa mga mambabatas na sangkot umano sa pork barrel scam ay sina Senator Jinggoy Estrada, Senator Bong Revilla at Senator Juan Ponce Enrile.

Mahalaga ang inaantabayanang testimoniya ni Napoles sa pag-usad ng imbestigasyon dahil siya ang itinuturong utak sa likod ng mga pekeng non-government organizations na tumatanggap ng bilyun-bilyong pisong halaga mula sa PDAF.

Nakatakda ring magtuos sa November 7 Senate hearing sina Napoles at ang whistleblowers na sina Benhur Luy at ina nitong si Gertrudes, Marina Sula, Merlina Suñas, Mary Arlene Baltazar at Simonette Briones.

Sa isang press conference, sinabi ni Senator Guingona na magandang pagkakataon ito upang i-cross check ang mga pahayag ng nabanggit na whistleblowers laban kay Napoles.

Aniya, “I think it is very convenient so that we can have a system of check and balances. Whatever is stated can be validated or repudiated by the whistleblowers.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Nang tanungin kung anong hakbang ang gagawin ng Senado sakaling tumanggi si Napoles na mabigay ng anumang testimonya sa nakatakdang Senate hearing, ang tanging sagot ni Senator Guingona, “Let’s not speculate.

"You will never know kung ano ang mangyayari hangga’t andun talaga siya, magsalita siya o hindi.

"We will only know what will happen when she is already there.”

Nilinaw rin ng senador na ang desisyong idiretso sa PNP ang subpoena kay Napoles ay base sa probisyon ng Rule 14 ng Senate Rules of Court na nagsasabing:

“When the defendant is a prisoner confined in a jail or an institution, service shall be effected upon him by the officer having the management of such jail or institution who is deemed deputized as a special sheriff for said purpose.”

Dagdag pa ni Senator Guingona, “Dadaan din sa korte dahil magpapaalam sa korte yung PNP. Sila na ang magpapaalam sa korte.”

Sa huli, sinabi ng senador na sa isang buwan pa ini-schedule ang naturang Senate hearing, dahil prayoridad sa ngayon ang pagresponde sa mga pangangailangan ng mga biktima ng lindol sa Central Visayas.

Sa kasalukuyan, nahaharap si Napoles sa tatlong plunder complaints sa Office of the Ombudsman dahil sa kanyang partisipasyon umano sa pork barrel at Malampaya fund scam.

Ang mga senador na sina Estrada, Enrile at Revilla ay nahaharap din sa kasong plunder dahil sa pagkakasangkot umano ng mga ito sa pork barrel scam.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN