Freddie Aguilar humbled by “icon” and “legend” titles

Freddie Aguilar says the new generation inspires him and gives him strength: “Ang mga bata, matindi ang access sa music ngayon. Kahit wala kang TV o radyo, pumunta ka lang sa Internet cafè, makaisang oras ka lang, marami na silang mapapakinggan. Nagbibigay yun sa akin ng lakas, ng inspirasyon.”


Sa kabila ng pagbatikos ngayon sa kanyang personal na buhay, hindi maikakaila ang naiambag ni Freddie Aguilar sa industriya ng Original Pilipino Music o OPM.

Si Freddie ang naghandog sa atin ng walang-kamatayang mga kantang tulad ng “Anak,” “Bulag, Pipi, at Bingi,” at “Magdalena.”

At bilang pagkilala sa kanyang kontribusyon sa Pinoy music, ginawaran siya ng Lifetime Achievement Award sa 5th Star Awards for Music, na ginanap noong October 13.

Pahayag ng singer-composer sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), matapos tanggapin ang kanyang award, “Nadagdagan na naman ang confirmation na hindi nasayang ang mga pinagpapaguran ko.

“Magpapatuloy pa rin akong magsisikap na makapagsulat ng mga awitin na magugustuhan ng mga kababayan natin.”



MUSIC ICON. Kaakibat ng kontribusyon niya sa larangan ng musikang Pilipino, nabigyan na rin siya ng mga kapuri-puring bansag—gaya ng "icon" at "legend."

Saad niya, “Actually, yung salitang ‘icon’ naman, nanggaling ‘yan sa mga kababayan natin, e.

"Hindi naman ‘yan nanggaling sa grupo namin.

“Noong [unang] panahon pa, ang unang-unang tumawag sa akin na ‘icon’ ay writer sa isang broadsheet.

“Noong araw kasi ay madalas yun pumunta sa akin sa Bodega [dating bar sa Quezon City], at siya ang nagbansag sa akin noon.

“Sabi ko pa nga, baka masyadong mayabang na ang dating, e, kasi 1980 ‘ata ay tinatawag na niya akong ‘icon.’

“Taon ding yun ay tinatawag din akong ‘The Legend.’

"E, para sa akin, nakakatakot yun, kasi parang huhusgahan ka ng mga tao, e.

“Parang, ‘Ows, legend ba ‘yan?’

"Mas gusto ko pa nga e parang wala na lang.”

Hanggang ngayon ba ay hindi pa rin mapalagay si Freddie sa titulo bilang isa sa legendary folk singers ng bansa?

Parang nahihiyang sagot ni Ka Freddie, “Hanggang ngayon talaga ay kinakabahan pa rin ako.

“Kahit sa pagkanta, kabadung-kabado pa rin ako.

“Pero kapag nasimulan ko na yung nota, naririnig ko na ang mga palakpak ng tao, unti-unti ay nagkakaroon ako ng kumpiyansa sa sarili ko."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Proud daw si Freddie na ang kanyang mga kanta ay naipasa na sa ibang henerasyon, at patuloy pa ring tinatangkilik.

Saad niya, “Ang mga bata, matindi ang access sa music ngayon.

“Kahit wala kang TV o radyo, pumunta ka lang sa Internet cafè, makaisang oras ka lang, marami na silang mapapakinggan.

“Nagbibigay yun sa akin ng lakas, ng inspirasyon.

“Maging sa bagong banda ko, I’m still into perfecting it, kasi itinuturo ko pa sa kanila kung paano tugtugin yun na galing sa puso.

“Kasi, maraming magagaling na singers, pero kung tutugtog tayo, mula sa puso natin, matatandaan tayo ng tao...

“Mape-penetrate mo ang damdamin ng tao, hindi lamang ang tenga nila, pati ‘kako yung kanilang damdamin.”



LEGACY. Anong legacy ang gusto niyang iwan sa music industry?

“Hindi ko alam, e,” nag-aalangang sagot niya.

“Gusto ko sana na kung anuman yung legacy na iiwan ko, Diyos lamang ang nakakaalam.

“Tulad ng nangyari kay Manong Johnny Enrile, isa ako sa mga tagahanga niya.

“Tapos, kung kailan siya tumanda ay saka nagkaroon ng mga problema.

“Hindi mo iisipin na mangyayari ‘yan kay Manong Johnny, di ba?”

Ang tinutukoy ni Freddie ay ang pagkakasangkot ni Senator Juan Ponce Enrile sa pork barrel scam.

Patuloy pa niya, “So, ang Diyos talaga ang bahala kung ano ang ending noon.

“Ipinapasa-Diyos ko na lang kung paano ako matatandaan ng tao kapag ako’y pumanaw na.”



NEW GENERATION. Ano ang masasabi niya sa mga bagong sulpot na mga mang-aawit ngayon?

“Maraming magagaling,” ani Freddie.

“Problema lang kasi... siguro ay magagalit na naman nito ang mga recording company—pinapakialaman sila ng mga recording company.

“Dinidiktahan sila kung ano ang dapat nilang gawin, so maraming nagagalit sa aking recording company.

“Sabi nila, ‘Binibigyan ko daw ng sungay ang mga singer.’

“Kaya raw sumasagot sila na, ‘Bakit sabi ni Ka Freddie, kailangan daw ay pakinggan ninyo ang nararamdaman namin?’

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Sa akin kasi... ano ba ang tawag doon? Dapat kasi mailabas mo kung ano ang gusto mong gawin. ‘Tama ba ‘to, tama ba ‘tong ginagawa ko?’

"Ganoon dapat, di ba?”



PERSISTENCE. Kilala si Freddie bilang isang mang-aawit na malayang gumagawa ng musika sa sarili niyang paraan, at talagang ipinaglalaban niya ito.

Paliwanag niya, “Ang suwerte ko kasi, sa awa ng Diyos, noong sumikat ako sa buong mundo, na tinanggap na lang ako ng mga recording companies.

“‘Sige na, pagbigyan na natin ang mamang ‘to. Kung sabagay, nakakailang tsamba na ito.’

“Pero, hindi pa rin ako naging masaya doon. Kaya nagtayo ako ng sarili kong recording company, di ba?

“Tapos, marami akong na-discover doon na magagaling na, pati si Nora Aunor ay nai-produce ko ng album.

“Sina Sampaguita, Lolita Carbon [lead vocalist ng grupong Asin], at marami pang singers, hanggang dumating na nga ang pamimirata sa mga kanta.

“Dumating na ang bagong technology na ito ngayon, na mahirap nang magbenta ng CDs dahil nandoon na lahat sa Internet.

“Yun pa lang, malaking problema na.”


CRITICS. Gagawa pa rin ba si Freddie ng bagong album?

“May mga kausap ako,” banggit ng 60-year-old folk singer.

“Pero, ang kaso, hindi ko gusto ang mga gusto nilang ipagawa.

“Nag-usap kami ng isang taga-recording company. Sabi niya, ‘Pare, kung meron akong magandang material na ilalapit sa iyo, gusto mo bang mag-recording?’

“Sabi ko, ‘Oo naman. Nakikita mo nga, paminsan-minsan ay lumalabas pa rin ako sa TV.’

“Pero kung yung mga nagawa ko na noong mga araw, nagbe-beg off na ako.

"Kasi yung mga beteranong fans ko, sila yung unang nagki-criticize sa akin.

“Sila yung nagsasabing, ‘Ka Freddie, ‘wag mo nang gawin yun.’ Sila yun.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN