Senators Bong Revilla and Jinggoy Estrada hit DOJ’s move to cancel their passports

Umalma ang kampo ni Senador Bong Revilla sa kahilingan ng Department of Justice na kanselahin ang pasaporte ng mga mambabatas na sangkot sa pork-barrel scam. "Unless we are now under martial law, it is ridiculous for this government to resort to cancellation of passports of those they wrongfully charge as part of the pork barrel scam," saad ni Atty. Joel Bodegon, legal counsel ni Senador Revilla.


Pormal na hiniling ng Department of Justice (DOJ) na kanselahin ang pasaporte nina Senador Juan Ponce Enrile, Jinggoy Estrada, Bong Revilla, at iba pang personalidad na humaharap ngayon sa kasong plunder, malversation of funds, at graft.

Ang mga kaso ay kaugnay nang patuloy na imbestigasyon sa ma-anomalyang gamit ng Priority Development Assistance Fund (PDAF), o mas kilala bilang pork-barrel scam.

Nakasaad sa liham ni DOJ Secretary Leila de Lima kay Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Albert del Rosario na may legál na basehan ang pagkansela ng pasaporte ng tatlumpu’t-pitong kataong sangkot diumano sa isyung kurapsiyon.

Nabigyan ng kopya ng liham ang GMA News at iba pang reporters ngayong araw, October 24.

“The link between corruption and security has been explicitly recognized under international law,” saad ni Secretary De Lima sa kanyang liham sa DFA.

Wala raw ipinagkaiba ang mga pulitikong sangkot sa malakihang kurapsiyon sa mga teroristang itinuturing na banta sa seguridad ng bansa.

Saad ni Secretary De Lima: "Politicians and their cohorts who pluck the food away from a hungry child’s mouth are no different from the terrorists who sow physical insecurity among the populace, when they cause economic insecurity among the people by stealing livelihood resources and money intended for calamity."

Ayon naman kay DFA Spokesperson Raul Hernandez, hindi pa nakakarating sa kanilang tanggapan ang opisyal na request ng DOJ.

Ngunit nakahanda raw silang suriin ito sa oras na matanggap ang liham mula sa justice secretary.

ONGOING PLUNDER CASE. Matatandaan na noong September 16 ay pormal na inihain ng DOJ at National Bureau of Investigation (NBI) sa Office of the Ombudsman ang kasong plunder laban kina Senador Enrile, Estrada, at Revilla.

Ayon sa DOJ at NBI, nakipagsabwatan ang mga mambabatas sa businesswoman na si Janet Lim-Napoles.

Si Napoles ang itinuturong utak sa likod ng mga pekeng non-government organization [NGOs], na diumano’y tumanggap ng milyon-milyon mula sa PDAF ng mga mambabatas.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Nahaharap din si Napoles sa kasong plunder, malversation, at corruption of public officials, dahil sa mga itinayo umano nitong bogus NGOs.

Ayon sa naunang reports, sinasabing tumanggap ng kickback, mula sa ghost projects ng pekeng NGOs na kunektado kay Napoles, ang tatlong miyembro ng Upper House.

Si Senador Enrile, P172.8 million;

si Senador Estrada, 183.79 million;

at si Senador Revilla, 224.5 million.

Ilan pa sa mga nadadawit sa kasong plunder ay tatlong dating kongresista at ang staff ng iba pang mga mambabatas.

FLIGHT RISK. Layunin daw ng DOJ na siguruhing madaling mahagilap ang mga akusado, sakaling ipatawag sila ng Office of the Ombudsman.

Binanggit ni Secretary De Lima na apat sa mga nadawit sa pork-barrel scam ay nakaalis na ng bansa at hindi pa bumabalik hanggang ngayon.

Aniya, “Nasaan na sila ngayon? Nobody knows. Ang suspetsa namin, they are trying to evade accountability."

Ang tinutukoy ni Secretary De Lima ay sina Jessica Lucila "Gigi" Reyes, dating chief of staff ni Senador Enrile;

Ruby Tuason, itinuturong representative ng opisina nina Senador Enrile at Estrada;

Rodolfo Plaza, dating congressman ng Agusan del Sur;

At Antonio Ortiz, dating director-general ng Technology Resource Center na isang government corporation.

Panay na raw nakaalis ng bansa ang mga ito noong mga buwan ng Agosto at Setyembre.

“Ayaw namin na, by the time matapos ang Ombudsman sa investigation at by the time maisampa sa Sandiganbayan ang kaso, ay halos wala na yung mga gusto naming i-try."

Hindi inaalis ni Secretary De Lima ang posibilidad na pati ang mga sangkot na mambabatas ay takasan din ang reklamong plunder laban sa kanila.

“They have the capacity and the means and resources to be a flight risk, just to evade the processes of the Philippine justice system.”


REVILLA, ESTRADA OBJECT. Samantala, umalma ang kampo ni Senador Revilla bunsod ng hiling ng DOJ na kanselahin ang pasaporte ng senador.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ayon sa legal counsel ni Senador Revilla na si Attorney Joel Bodegon, walang basehan ang aksyong ito ng DOJ.

“Unless we are now under martial law, it is ridiculous for this government to resort to cancellation of passports of those they wrongfully charge as part of the pork barrel scam,” saad ni Atty. Bodegon sa isang text message na ipinadala sa GMA News.

Iginiit din niya na walang awtoridad ang DOJ para ideklarang “national security risk” ang kanyang kliyente, dahil kasalukuyan nang dinidinig ang kaso sa Office of the Ombudsman.

“The Ombudsman has not even yet determined if the report should be set for preliminary investigation,” katuwiran pa ni Atty. Bodegon.

Sa isang hiwalay na panayam ng GMA News, nagbigay din ng opisyal na pahayag si Senador Estrada hinggil sa isyu.

“Wala pa namang kaso. I think that is a premature decision on the part of the DOJ,” maiksing sagot ni Senador Estrada.

As of press time, hindi pa nagbibigay ng reaksyon si Senador Enrile tungkol sa hiling ng DOJ na kanselahin ang kanyang pasaporte.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN