German Moreno to receive Gawad Amerika award; promises to discover more new talents

German Moreno on his Gawad Amerika award: “Isa itong inspirasyon dahil isa na naman itong parangal, isang pagkilala sa iyong naiambag sa industriya. Nakakataba ng puso na after all these years ay nandiyan pa rin sila para mapahalagahan ang isang Kuya Germs.”


Nakatakdang magtungo sa Los Angeles, California, ang Mastershowman na si German “Kuya Germs” Moreno para tanggapin ang Icon Award mula sa Gawad Amerika Foundation (GAF).

Ang GAF ay isang non-profit civic organization na nakabase sa Amerika.

Sa loob ng maraming taon, ang GAF ay nagbibigay-kilala sa mga Pilipino na nagtagumpay sa kani-kanilang larangan.

Kabilang sa mga nagawaran ng award na ito ay sina Manny Pacquiao, John Lloyd Cruz, at Senator Jinggoy Estrada.

Kuwento ni Kuya Germs, nang makausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa kanyang radio program kamakailan, “Isa itong pagkilala sa akin na hanggang ngayon ay nasa industriya pa rin ako.

“Bumabandera ka pa rin kahit papa’no, siguro nakita nila yung achievements ko sa showbiz for how many years.

“Ito lang naman ang kayamanan ni Kuya Germs—walang cash!” sabay-tawa niya.

“Joke lang yun! Pero ang totoo, thankful ako sa kanila sa pamunuan ng Gawad Amerika dahil pinahalagahan nila yung kontribusyon ko sa industriya.”



OFF TO THE U.S. Kailan ang punta ni Kuya Germs sa Amerika?

“Well, sa November 2 ang alis namin, sa Los Angeles, California.

“Hopefully, ma-meet namin doon yung mga taong nagpapahalaga sa akin at sa ibang gagawaran nila ng award.”

Sinu-sino ang makakasabay niyang tatanggap ng award?

“Hindi ko pa alam kung sinu-sino dahil wala naman silang inilagay sa letter kung sino pa ang ibang awardee.

“Bale doon ko lang makikita kung sinu-sino ang kasabay kong tatanggap ng award.”


INSPIRED AND EXCITED. Anong pakiramdam ni Kuya Germs na hindi lang dito sa Pilipinas pinapahalagahan ang kanyang kontribusyon sa showbiz?

“Itong year na ito, simula ng mag-celebrate ako ng fifty years sa showbiz, sunud-sunod na yung natatanggap kong award.

“Although sa Amerika, hindi naman ito ang una kong award na tatanggapin dahil nakatanggap na rin ako noon.

“Siyempre para sa akin nga, e, isa itong inspirasyon dahil isa na naman itong parangal, isang pagkilala sa iyong naiambag sa industriya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Nakakataba ng puso na after all these years ay nandiyan pa rin sila para mapahalagahan ang isang Kuya Germs.

“At ito ngang Gawad Amerika ay siya ring nagbigay ng award sa ating Pambansang Kamao na si Manny Pacquaio at ilan pang taga-industriya.”

Sa dami ng awards na natanggap na ni Kuya Germs, nae-excite pa ba siya sa pagtanggap nito?

Sabi niya, “Siyempre. Dahil hindi naman kasi basta-basta ibinibigay na lang ang ganito kalaking award.

“Hindi ka naman nila papahalagahan kung wala kang magandang nai-contribute… like, ako sa showbiz, at si Manny Pacquiao sa mundo naman ng boxing.

“Kaya naman every time na may magbibigay ng award sa akin, nae-excite pa rin ako.

“Lagi kong iniisip na laging unang award yung natatanggap ko.

“Masarap yatang tumanggap ng award, kasi dito mo makikita yung pinaghirapan mo, yung pagmamahal mo sa larangang pinasok mo.

“At ako nga ay dito sa industriya, sabi ko nga, di ba? Hangga’t kailangan ako ng showbiz, mananatili ako dito.

“Hangga’t may naniniwala sa isang Kuya Germs, walang dahilan para magretiro ako sa showbiz.

“Kaya nga yung pagiging starbuilder ay pinagpapatuloy ko pa rin sa Walang Tulugan tuwing Sabado ng madaling-araw.

“At kahit nga madaling-araw na yung show, e, marami pa rin ang nakiki-walang tulugan at nanonood ng show.

“Inaabangan kasi nila yung mga kabataang tinutulungan ko sa show, kung saan ang ilan sa kanila ay unti-unti na ring gumagawa ng pangalan sa showbiz.

“Nandiyan si Jake Vargas, Teejay Marquez, Hiro Peralta, Ken Chan, Aki Torio, Arkin del Rosario, Shaira Lopez, Rhen Escaño, Renz Valerio…

“UPGRADE, Franciscan Quintet, Buboy Villar, Jack Roberto, at marami pang mga potential na mga bata sa show na puwede ring magamit ng [GMA] network.

“Hangga’t may mga kabataang kailangan ang tulong ng isang Kuya Germs, tutulong at tutulong ako.”



DEDICATION. Kanino niya inaalay ang award?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Unang-una sa Panginoon, sa mga mahal ko sa buhay at sa lahat ng taong naniniwala kay Kuya Germs.

“Hindi naman kasi tatagal ang isang Kuya Germs sa industriya kung wala yung mga taong sumusuporta.

“At sa mga taong nagtiwala at patuloy na nagtitiwala sa akin, nakaukit sa aking puso na hindi ako tinalikuran…

“Kahit sabihin pa natin na may mga tao na kung minsan iba iniisip sa iyo—yung mga taong gusto kang ibagsak, minsan nagagamit ka.

“Kung sabagay, hindi mo talaga minsan maiiwasan ‘yan kasi ganyan talaga sa showbiz.

“Thank God, thank God, kasi kung hindi naman dahil sa Panginoon ay hindi naman ako muling gagawaran ng award.”

Anong masasabi niya sa mga taong patuloy siyang ibinabagsak?

“Well, mas marami pa rin naman ang mga taong naniniwala sa akin… yung they respect you at ‘yan ay naramdaman ko noong fifty years celebration ko.

“Nandiyan yung mga taong first time mo lang na-meet, like yung may-ari ng Resorts World…

“Na pabiro ko lang sinabi na gusto ko doon gawin yung 50th Showbiz Anniversary ko, and immediately sinabi niya na, ‘Oo naman.’

“Para sa akin, it’s an honor na doon ko gagawin ang isa sa pinakamahalagang araw sa buhay ko.

“Kaya naman nagpapasalamat talaga ako sa kanila, dahil doon ginanap ang 50th Showbiz Anniversary ko.

“Ganoon naman talaga, di ba? Ang buhay, marami kang bagay na tinitiis.

“Pero kailangan mo talaga lumaban at maging matatag para hindi ka nila basta-basta na lang mapapabagsak.

“Basta ako, prayers lang ang sagot ko sa kanila.

"Kapag may mga taong pilit akong binabagsak, nagdarasal na lang ako—yun lang ang kakampi ko at doon lang ako kumakapit.”


DETRACTORS. Ano ang mensahe ni Kuya Germs sa detractors niya?

“Well, may kasabihan nga tayo na you can’t please everybody.

“Naturalmente na meron at merong mga taong ayaw ka, pero wala ka namang magagawa, kasi hindi mo naman sila mapipilit na gustuhin ka.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“So, dasal na lang. Ipinagdadasal ko na lang sila, kaysa naman idaan mo pa sa away.

“O makipagsagutan ka sa kanila, wala namang mangyayari at mas palalalain mo lang ang sitwasyon.

“Mas magandang tumahimik na lang at bahala na sila.

“Basta ako, mas tinitingnan ko na lang ang mga taong nasa paligid ko na nagmamahal sa akin, kaysa bigyan ng pansin yung mga taong ayaw ako.



SHOWBIZ PLANS. Ano pa ba ang mga bagay na gustong gawin ng isang Kuya Germs?

Nag-isip muna bago sinabing, “Ano pa ba?

“Ganoon pa rin, ang mag-discover ng mga bagong artista.

“Kaya nga I always pray sa Diyos na sana ay tumagal pa ang aking buhay para ng sa ganoon ay mas marami pa akong maiambag sa industriya.

“Yun naman yung sinasabi ko na, kung puwede sana, dito muna ako para naman may maiambag pa ako sa industriya.

“Sinasabi ko nga sa Panginoon na hindi ka man perpektong tao at may nagagawa ka ring kasalanan.

“Pero meron ka namang nagagawa na na-i-share mo sa ibang tao.

“Iyon siguro yung mahalaga na hindi lang ang sarili mo ang iniisip mo,” saad ni Kuya Germs.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN