Dennis Trillo still reeling from the success of TomDen loveteam

Dennis Trillo on being blamed for the recent breakups of former girlfriends Jennylyn Mercado and Cristine Reyes: “Kawawa naman ako! Ang tahimik ko na. Sa lalake na lang nga ako nakikipag-loveteam, tapos ganyan pa rin ang makukuha kong balita? Ha-ha-ha!”


Kahit natapos na ang pag-ere ng highly successful primetime series ng GMA Network na My Husband’s Lover, ramdam pa rin ang impact na nilikha nito.

Partikular na ang nabuong loveteam nina Dennis Trillo at Tom Rodriguez, ang TomDen, na masasabing kauna-unahang tambalan sa Pilipinas ng dalawang lalaking artista.

Komento ni Dennis tungkol dito, “Nakakatuwa, dahil kahit tapos na yung programa, parang marami pa ring magagandang nangyayari.

“Pinag-uusapan pa rin ng mga tao.

"Dahil dun, nagkaroon pa kami ni Tom ng CD.

“Na karamihan dun sa mga kanta na ginawa namin, mga revivals ng ’80s OPM. Kumbaga, napaka-novelty ng mga kanta.

“Na kaya rin namin pinili ‘yon, dahil gusto rin namin na marinig iyon ng mga kabataan ngayon.

"Na hindi inabutan na ’pinapatugtog ito sa radio noong mga panahon na ‘yon."

Dagdag ng mahusay na 32-year-old actor, “Sa totoo lang, yung pagkakaroon namin ng album, nakakagulat nga iyon, e.

"So, nang nabalitaan namin na nag-number one ito sa iTunes, mas lalo pang ano, kumbaga, sobra-sobra na yata ‘yon.

"Parang mas lalo kaming hindi makapaniwala na, ’Totoo bang nangyayari ang lahat ng ‘to?’

“Nakakatuwa, na hindi ko ma-explain.

"Minsan naguguluhan pa rin ako, kung ano ba talaga ang gusto ng tao sa tambalang ito sa show na ‘yon.

“Masuwerte kami na kahit tapos na yung programa, hindi pa rin nagtatapos yung trabaho namin.”

Bukod sa kanilang album, kinuha rin sina Dennis at Tom bilang endorsers ng isang sikat na local clothing brand.

ALBUM PROMO AND U.S. TOUR. Sa tingin ni Dennis, saan na papunta ang TomDen loveteam ngayon? May project ba ulit para sa tandem?

Sagot ng Kapuso actor, “Sa ngayon, hindi ko alam. Pero marami akong naririnig, hindi pa lang confirmed.

“Sa ngayon, ang ginagawa namin, nagpu-promote kami para dun sa CD.

"Tapos, itong November, meron naman kaming series of shows sa U.S. para ikutin din yung mga tumatangkilik ng programa.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Dennis sa presscon ng pelikulang Sapi, noong Martes, October 22, sa Mandaluyong City.

Handa ba siya na, kung hindi man sila ulit ni Tom, kapwa lalaki na naman ang makakatambal niya sa susunod na project?

“Hindi ko pa nga alam kung sino pa ang ipa-partner sa akin na lalaki!” sabay ngiti ni Dennis.

“Pero sa ngayon, okey na muna siguro ‘yon. Magtatapos na muna sa My Husband’s Lover.

“Siguro kung maisipan man nilang gumawa ng sequel or book two, bahala na. Pero, open naman ako.

“Open siyempre, dahil alam ko na marami pa ring nag-aabang. Na yung iba, medyo nabitin.

“Kung magkaroon man, bakit hindi? Di ba?”

Kahit pareho silang lalaki ni Tom, na naging magka-loveteam, hindi ito nakabawas sa macho image nila.

Nandun pa rin ang kilig sa kanila ng mga kababaihan at maging ng mga bading.

“Oo nga, e. Nakakatuwa lang na ganun pa rin ang pagtanggap nila. At naniniwala sila dun sa pag-arte namin.

“Siguro, dahil na rin sa sincerity namin, na pareho kami ni Tom na seryoso sa trabaho kaya siniseryoso rin kami ng mga nakakapanood sa amin,” saad ng aktor.

THE BREAKUP SCAPEGOAT. Habulín pa rin ng intriga si Dennis.

Nadawit siya sa breakup ng naging girlfriend niyang si Cristine Reyes sa huling boyfriend nitong si Derek Ramsay.

Siya rin ang napabalitang dahilan nang hiwalayan ng nakarelasyon din niya noon na si Jennylyn Mercado at ang boyfriend nitong si Luis Manzano.

Parang siya tuloy ang tipo ng ex-boyfriend na tila mahirap makalimutan ng kanyang mga nakarelasyon.

“Baka!” natatawang biro niya.

Pero dagdag ni Dennis, “Kawawa naman ako! Ang tahimik ko na.

“Sa lalaki na lang nga ako nakikipag-loveteam, tapos ganyan pa rin ang makukuha kong balita?"

NO COMMUNICATION WITH EXES. Wala na raw silang communication ng mga ex-girlfriends niya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Lahat ng mga nakaraan, tinigilan ko na.

"Masaya ako sa mga nangyayari sa akin ngayon.

“Kaya, hanggang do’n lang ako.”

Mayroon pang balitang nakita raw silang magkasama ni Jennylyn.

“Magpakita sila ng ebidensiya o litrato,” hamon ni Dennis.

Baka naman lookalike lang ni Jennylyn yung sinasabing ka-date niya?

“Ewan ko. Basta ako, wala talaga.

“I’m not seeing or dating anyone right now. Focused ako sa trabaho.

“Okey lang ako na single ngayon, dahil siguro ito ang nagwu-work sa akin.

“Yung pagiging single ko, siguro mas nakatulong ‘yon para mas maging focused ako sa mga ginagawa kong trabaho.

“And nararamdaman ko naman iyon, na nagwu-work talaga sa akin, kaya hindi ko muna inaatupag ‘yon,” sabi ni Dennis tungkol sa panliligaw o pagkakaroon ng lovelife.

Aabot ng Pasko o hanggang next year pa na wala siyang special someone?

Sagot niya, “Ayoko nang magkamali.

"Hangga’t hindi ko pa nakikita yung sigurado ako, ayoko munang sumugal ulit."

Dagdag pa ni Dennis, “Sana hindi na siya artista.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN