Coco Martin on being smitten with Gretchen Barretto: “Humanga, pero di naman na-in love.”

Coco Martin on admiring Gretchen Barretto: “Lahat kami, hindi lang ako, buong staff talaga. Sobrang bait at sobrang ganda niya. Unang-un,a alam kong napakaganda niya pero di ko inakala na napakabait niyang tao. Masarap siyang kasama kaya nga kaming lahat, nung aalis na siya, hangga’t maaari, sinasabi namin na sana regular na lang siya na part ng movie.”


Hindi pa man nawawala sa ere ang seryeng Juan dela Cruz ay lumabas na ang balitang na-in love si Coco Martin kay Gretchen Barretto, nang minsang mag-guest ang kontrobersyal na aktres sa pinagbibidahang serye ng aktor.

Sa interview ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kay Coco ay hindi naman itinago ng aktor na totoong hinangaan niya nang husto si Gretchen.

Pero hindi naman daw umabot sa na-in love siya rito gaya ng nabalita.

Paglinaw ni Coco, “Humanga, pero di naman na-in love.”

Dagdag niya, “Lahat kami, hindi lang ako, buong staff talaga. Sobrang bait at sobrang ganda niya.

"Unang-una, alam kong napakaganda niya pero di ko inakala na napakabait niyang tao.

“Masarap siyang kasama kaya nga kaming lahat, nung aalis na siya, hangga’t maaari, sinasabi namin na sana regular na lang siya na part ng movie.”

Ayon kay Coco ay nakapag-text silang dalawa ng aktres, pero hindi naman ito nasundan pa.

Aniya, “Once nag-text lang siya sa akin, nag-thank you lang siya sa akin, and then after that wala.”

ZERO LOVE LIFE. Sa ngayon ay siniguro pa rin ng aktor sa PEP na wala pa talaga siyang lovelife at mahaharap na lang niya ito pag mayroon na talaga siyang sapat na oras para pumasok sa isang relasyon.

Sabi niya, “Wala pa muna, siguro pag talagang naayos ko na ang family ko, saka may panahon na ako.”


MEMORABLE EXPERIENCES. Natapos na ang Juan dela Cruz noong nakaraang Biyernes, at para kay Coco, napaka-memorable ang serye dahil maraming magagandang bagay ang nangyari sa kanya rito.

“Napakagandang experience, pero sa kabila nun talagang sobrang hirap nang dinanas namin. Pagod. Wala kaming karapatang magkasakit dahil nagte-taping kami almost 5-6 days a week.

“Sabi ko nga, akala ko gagawa lang ako ng pambata. Mas mabigat pala dahil halu-halo—drama, action, fantasy, love story, may comedy.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Isang napakalaking challenge sa akin na proyekto.

“Sabi ko nga, dahil sa Juan dela Cruz, masarap ang pakiramdam namin kasi marami kaming natulungan, lalo na yung mga kabataan na humihingi sa amin ng tulong, lalo na sa kanilang pag-aaral,” pagmamalaki niya.

MOVIE VERSION NEXT YEAR? Sa pagsisimula noon ng Juan dela Cruz ay nabanggit na nagpaplanong gawin itong isang pelikula.

Malaki naman daw ang posibilidad na matuloy ito sa susunod na taon.

Dagdag ng binata, “Baka next year. Actually, matagal nang napag-usapan ‘yan pero ang original nga namin talaga, pelikula muna bago soap opera. Pero nagkabaligtad, sinoap opera muna bago gawing movie. Sana matuloy next year.”

WISHES TO DO AN INDIE AGAIN. Isa si Coco sa mga aktor na nagsimula sa mga indie films bago ito nakapasok sa mainstream at naging isa sa pinaka-in-demand na aktor sa kasalukuyan.

Naikuwento ng aktor na naghihintay nga raw siya ng offer na gumawa siya ng indie film, pero wala siyang natatanggap sa ngayon.

Excited ding makagawa muli ng pelikula si Coco with Direk Brillante Mendoza.

“Oo naman, nilu-look forward ko talaga na magkasama kami. Ang nangyari lang talaga, minsan pag may pelikula na siyang gagawin, ako naman may soap opera na ginagawa.”

Sabi pa niya tungkol sa indie films, “Naghahanap ako. Dun nga ako nalulungkot kasi walang lumalapit sa akin para gumawa ng movie.

“Hindi, di issue ang pera, alam ko naman ang mundo ng indie, e. Sana makagawa ako ng isang magandang proyekto sa indie saka sa mainstream.



FREE TIME WITH FAMILY. Ngayong maluwag na ang sked ni Coco, mabibigyan na raw niya ng oras ang sarili para makapagpahinga at makasama ang pamilya.

Sa kabila nito ay wala sa plano ng aktor ang lumabas ng bansa para magbakasyon dahil di pala niya ito hilig.

“Siguro kasi November saka December wala pa akong gagawin, baka next year na ako gumawa ng soap opera. Ang pinaplano ko sana, makagawa ako ng pelikula habang nagpapahinga.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Hindi ako mahilig lumabas, siguro sa bahay lang talaga para makabawi sa pamilya ko,” pangwakas niyang pahayag.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN