Julie Ann San Jose ignores intrigues sown by KathNiel fans

Malaking pressure ang nararamdaman ngayon ni Julie Anne San Jose dahil ginagawa na niya ang kanyang ikalawang album. Ang una kasi niyang self-titled album ay umabot na sa 7X Platinum mark.


Nagpaliwanag ang Kapuso young singer-actress na si Julie Anne San Jose sa hindi niya pagdalo sa 5th PMPC Star Awards For Music, na ginanap sa Solaire Hotel noong October 13.

Si Julie Anne ang nanalong Best New Female Recording Artist.

Bago kasi ng awards night ay nagpasabi siyang dadalo. Pero ilang oras bago magsimula ang programa ay bigla siyang nagpaabiso na hindi na siya makakapunta.

“Actually, nagkaroon po kasi ako ng mall show sa SM Baliwag, sa Bulacan. Bale grand fans day ko po iyon.

“Natapos po, late na,” paliwanag ni Julie Anne nang makausap siya ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa Sunday All Stars kahapon, October 27.

May mga nag-iisip na baka hindi siya pinapunta ng GMA dahil sa ABS-CBN ang airing ng Star Awards For Music.

Paglilinaw ni Julie Anne, “Pupunta naman sana po ako, kaso hindi lang kami talaga umabot.”

Mayroon ding haka-haka na hindi kaya umiwas lang si Julie Anne dahil nandoon ang hukbo ng supporters ng KathNiel loveteam nina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla?

Nagwagi ng dalawang awards si Daniel: New Male Recording Artist of the Year at Pop Album of the Year.

Balita kasing matindi ang awayan sa pagitan ng mga tagahanga nina Daniel at Kathryn at ng tambalan Julie Anne at Kristoffer Martin.

Halos magkatapat kasi ang airing ng primetime series na Kahit Nasaan Ka Man, na pinagbibidahan nina Julie Anne at Kristoffer sa GMA, at ang Got To Believe nina Kathryn at Daniel sa ABS-CBN.

Sabi ni Julie Anne tungkol dito, “Ay, naku, huwag na sana po nilang gawing issue ‘yon.

“Sobrang ang taga-tagal na’ng issue na ‘yon.

“At saka… wala. Gusto ko rin pong manahimik.

“Nananahimik na po ako, at sana huwag na pong palakihin iyon.

“Kasi, hindi pa rin naman po kami nagkikita nina Daniel, di ba?

“Kaya wala naman pong dapat na gawing big deal pa iyon.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Pero tanggap daw Julie Anne na ang mga ganitong intriga ay bahagi na ng pagiging artista.

Sabi niya, “Siguro nga po, that’s one of the things na kailangan mong ano, kumbaga, that’s the price that you have to pay.”

Matibay na ba ang loob niya sa mga intriga? Napaghandaan na niya kung paano haharapin ang mga ito?

“Oo naman po. Oo naman.

“Although, siguro depende na rin po sa issue.

"Kasi yung ibang mga issue, medyo nakakasakit na, di ba?

“And siyempre ako, tao lang naman ako, nasasaktan. Kahit sabihin mong artista ‘yan.

"Pero ano… I really have to deal with these kind of issues,” sabi ng 19-year-old Kapuso talent.

STILL FEELING THE PRESSURE. Noong magsisimula pa lang umere ang Kahit Nasaan Ka Man, aminado si Julie Anne na malaking kaba at pressure ang kanyang nararamdaman.

Ngayong maganda naman ang feedback ng viewers at tanggap naman ang loveteam nila ni Kristoffer, relaxed na ba siya?

“Ano… somehow may pressure pa rin po din.

"Kasi siyempre, kailangan naming i-maintain lahat—simula sa story, sa acting.

"At saka mismo yung viewers talaga.

“Pero, of course, sorang happy po talaga ako, at saka thankful, kasi sinusuportahan po nila yung show namin."

Nagpasalamat din si Julie Anne sa lahat ng mga tumangkilik sa kanyang self-titled album, na ngayon ay naabot na ang 7X Platinum mark.

Sabi niya, “Akala ko kasi po, hanggang dun na lang, e—five times Platinum, yung quintuple.

"E, lately, sinabi sa akin, umabot pa raw ito ng seven times Platinum!

“Sabi ko, ’Grabe!’ Sobrang nakakatuwa talaga yung feeling.

“Na… hindi ko alam! Ano na nga ba ang tawag sa seven times Platinum?”

Dagdag niya, “Sa ngayon, nagre-recording na po ako for my next album.

"Ang target po namin, mai-release ito by February next year.”

Paano kaya hahabulin ng kanyang next album yung 7X Platinum record ng kanyang first solo album?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Oo nga po, e. Naku, nakaka-pressure para dun sa second album!” natatawang sabi ni Julie Anne.

“Kailangang mas maganda talaga yung mga songs.

"Pumipili pa rin kami ngayon ng mga tracks na talagang akma dun sa second album. And pinagpaplanuhan po talaga na mabuti.

“Pressure talaga. Pero parang mas gusto kong isipin na mas challenge ito para sa akin.”

Totoo bang may plano ring Valentine’s concert para sa kanya next year?

“Probably, yeah," tugon ni Julie Anne.

“Possible po na magkaroon ako ng Valentine concert.

"Pinagpaplanuhan pa po ng network… ng management."

REGULAR STUDENT. Sa kabila ng kanyang hectic schedule, hindi pa rin naman napapabayaan ni Julie Anne ang kanyang pag-aaral.

Third year na siya ngayon sa Angelicum College, sa Quezon City, kung saan kumukuha siya ng kursong Communication Arts.

“I go to school every Tuesday and Thusday.

"MWF [Monday, Wednesday, Friday] naman ang taping ko for Kahit Nasaan Ka Man.

“E, usually, kapag nag-taping kami, kinabukasan pa kami napa-pack up, e.

"So, after ng taping, diretso na ako ng school.

“Whole daw ang klase ko.”

Madalas ay kulang siya sa pahinga at halos walang tulog. Hindi ba siya nahihirapang isingit ang pag-aaral?

“Yes, sobra! Sobrang hirap po talaga,” pag-amin niya.

Paano niya kinakaya?

“As much as possible po talaga, umiinom ako ng energy drink. Tapos, I eat healthy foods.

“Para, at least, di ba, hindi ako himatayin or something. Hindi ako magkasakit,” sabi ni Julie Anne.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN