Phoemela Baranda reveals 15-year-old secret: "Naging dalagang ina ako at a very young age."

Inamin ng model turned TV host na si Phoemela Baranda na malaki ang pagkukulang niya sa anak na si Kim, matapos ilihim ang tunay na pagkatao nito sa mahabang panahon. Eleven years old na ang bata nang malaman nito na si Phoemela ang tunay niyang ina.


Ibinunyag na ni Phoemela Barranda ang tungkol sa katauhan ng kanyang 15-year-old daughter na si Kim, na kanyang inilihim mula sa showbiz at maging sa mga kamag-anak at malalapit na kaibigan.

Sa ekslusibong panayam ng Buzz Ng Bayan noong October 27, inilihad ng 33-year-old model/host na napagdesisyunan niya at ng kanyang yumao nang ina, si Mrs. Proserfina Misa, na hindi ipaalam noon sa mga tao na may anak na siya.

Nagsisimula pa lang daw noon ang karera niya sa modelling.

Salaysay ni Phoemela, “I had Kim when I was 18 [years old].

"Nineteen ako nung ipinanganak ko siya.

"That time, I was still modelling and ang dami kong contracts.

“Actually, that time, my mom was still alive. Siyempre, hindi siya natuwa sa situation. Masama ang loob niya.

“So, sinabi niya sa akin na maybe it’s better if we just hide it.”

Noong ika-apat na buwan ng pagdadalantao ni Phoemela, nagtungo sila ng kanyang ina sa Amerika upang manatili roon hanggang sa ipanganak niya si Kim, gayong ang paalam nila sa mga kakilala ay magbabakasyon lang sila.

“Pagbalik namin, a lot of people were asking ba’t natagalan kami. So, my mom told me na itago ko muna,” ulit ni Phoemela.

Inamin ni Phoemela na hindi gusto ng kanyang ina ang kanyang nobyo noong umpisa pa lang ng kanilang relasyon.

Kaya’t lalo raw itong nagalit nang malamang nabuntis siya ng nobyo.

Patuloy na kuwento ni Phoemela, “Sinabi lang niya sa akin na, ’Siguro it’s better na wag mo na siyang kausapin. Huwag mo nang sabihin sa kanya. Better siguro na tayo na lang mag-alaga sa baby.’”

Ang totoo’y gusto raw siyang pakasalan ng kanyang nobyo, ngunit hindi nila nagawang ipaglaban ang kanilang relasyon.

Noong panahong iyon, hindi rin daw alam ni Phoemela kung paano ipaliliwanag sa ina na buntis siya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Aminado rin siyang wala pa siyang kakayahan noon upang magpalaki ng sariling anak.

Sa kabila nito, kahit kailan ay hindi raw niya naisip na ipalaglag si Kim noong ipinagbubuntis niya ito.

“Yes, yun kaagad inisip namin ng mommy ko. That is not an option.”



THE BIGGER SECRET. Bukod sa kanyang pagdadalantao, inamin ni Phoemela na inilihim din nila ng ina ang tungkol sa katauhan ni Kim.

Ang pakilala raw nila kay Kim ay pamangkin niya ito at anak ng kanyang kapatid na lalaki.

Higit pa roon, inilihim din nila ang katotohan kay Kim.

Ano ang pagkakakilala ni Kim sa kanya?

“I think from pamangkin, naging sister. Five to eight [years old], tapos biglang naging ate na ako.

“Nagbuhay-dalaga ako,” naiiyak na pag-amin ni Phoemela.

Eleven years old na raw si Kim nang ipaalam niya rito na siya ang tunay niyang ina.

Ito ay matapos pumanaw ang ina ni Phoemela noong 2009.

Kung mayroon man daw pinagsisisihan si Phoemela, yun ay hindi na siya nagkaroon ng pagkakataong isaayos ang lahat noong nabubuhay pa ang ina.

“Yun yung pinakamalaking dagok sa akin.

"And I think it woke me up to be mature and to be responsible, at talagang akuin na kung ano yung responsibilidad ko.”



MAKING UP FOR LOST TIME. Ano ang nag-udyok sa kanyang basagin ang katahimikan tungkol kay Kim?

Sagot ni Phoemela, “I owe it to Kim.

"Dalaga na siya. She’s turning 15.

"And ever since my mom passed away, inako ko na talaga.

“Siyempre, sa school, alam ako yung parent. Alam sa school, alam sa lahat.”

Inamin din ni Phoemela na hindi naging madali ang adjustment sa pagitan nila ni Kim.

“Bago ko sinabi sa mga tao na ganito, inayos ko muna yung sa amin.

"Kasi talagang hindi kami ganun kakumportable, ka-close, sa isa’t isa.

“Ilang talaga. Yun talaga ang sinubukan kong i-work out.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Although nagkaroon naman kami ng chance, I try my best na makabawi sa mga lost time.”

Dumating daw sa punto na humingi siya ng tawad kay Kim para sa mga panahong hindi niya pinanindigan ang pagiging magulang para rito.

“Yeah, we already had a talk.

"Kasi hindi naman kami, like, sit-down na seryoso, nagkakaroon ng moments.

“And, I think, nag-away kami, like, a year ago.

"And then, lumabas din from her, na because siguro nga nung lumalaki siya, I wasn’t there for her.

"So, sabi ko, ‘I’m sorry for that.’”



KIM SPEAKS UP. Bilang patunay na handa na si Phoemela na ipaalam sa mundo ang tungkol sa kanyang anak, kasama ng model/host si Kim sa kanyang live interview sa The Buzz Ng Bayan noong Linggo.

Nagkaroon din ng pagkakataon ang hosts ng show na sina Boy Abunda, Janice de Belen, at Carmina Villarroel, na alamin ang saloobin ni Kim tungkol sa lihim na itinago ng kanyang ina sa mahabang panahon.

“I really didn’t know if she was my sister or if she was my aunt,” bungad na pahayag ni Kim, nang tanungin kung ano ang pagkakakilala niya noon kay Phoemela.

Kinalakihan na raw niya na ang kanyang lola ang itinuturing niyang ina, hanggang sa ipagtapat ni Phoemela ang katototohan noong siya ay 11 years old.

“Kinausap niya ako and my tito.

"So they talked to me seriously, and they explained to me everything.

“In-explain naman sa akin na they did it for security, and it was for her career, and kapag sinabi sa lahat, parang, ’Whoa!’”

Sa murang edad ay naintindihan daw ni Kim kung bakit nagawa ng kanyang ina na ilihim ang tungkol sa kanyang pagkatao.

“Yeah, ‘coz I know naman how showbiz is when it comes to like that.”

Hindi ba niya naisip na nagsinungaling sa kanya si Phoemela?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“No. I looked at it at a different perspective. ’Coz I know naman na they did it for a reason,” sagot niya.

Kapansin-pansin na kalmado lang si Kim habang iniinterbyu tungkol sa kanyang malungkot na nakaraan.

Paliwanag niya, “Well, growing up, I was raised to be strong.”

Gusto pa ba niyang makilala kung sino ang kanyang tunay na ama?

“No, because my mom is both my father and my mother now,” sagot ni Kim.



LISTEN TO YOUR PARENTS. Malaki ang pasasalamat ni Phoemela na nabigyan siya ng pagkakataong maipakilala si Kim bilang kanyang anak.

Sabi niya, “Siguro, we really needed this, and I really needed to hear it from her also because, sometimes, I feel incompetent already. Thank you.”

Sa lahat ng kanyang pinagdaanan, isang bagay na natutunan ni Phoemela ay ang kahalagahan ng patnubay ng magulang.

“It took me fifteen years, plus nine months na pagbubuntis [to realize] na really listen to your parents.

“‘Coz when you’re at that age, na akala mo alam mo na’ng lahat, akala mo you’re on top of the world, you’re invincible, akin ang mundo, nagagawa ko lahat.

“When you’re still at that age, yung mga bata, hindi pa rin kayo makakapagdesisyon ng kayo lang.

"Kailangan niyo pa rin ng patnubay ng magulang. So listen to your parents.

“And through the years, [I learned that] you have to be honest to yourself and to all the people.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN