Mike Tan on being dropped from Katipunan: “Nanghinayang, na-frustrate, kung anu-ano na, kasi pinaghahandaan ko yun.”

Mike Tan on his role in Mga Basang Sisiw: “Gusto ko siya, nagustuhan ko siya dahil sa gray character niya. Yun ang gusto ko, e. Yung tuwing bibigyan ako ng role, palaging gray—hindi mabuti, hindi masama. Kumbaga, umiikot.”


Nabalita noon na kasama si Mike Tan sa GMA News TV epic series na Katipunan, na tumatalakay sa buhay ng bayaning si Andres Bonifacio.

Ang Katipunan ay pinagbibidahan nina Sid Lucero, Glaiza de Castro, at Benjamin Alves.

Nabalitang si Mike ang gaganap na Emilio Aguinaldo.

Ngayon ay si Nico Antonio na ang Emilio, na isang malaking bayani rin ng Pilipinas sa pakikipaglaban sa pananakop ng Espanya.

Ano ang nangyari at hindi siya natuloy sa proyekto?

Bunyag ng StarStruck winner sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), “May mga internal issues po, pinalitan na lang din po ako.”

Anong "internal issues" ito?

“Tungkol lang po sa kontrata.

"Well, wala naman po sigurong kailangang itago kung hindi naman kailangan."

Hanggang February 2014 pa ang guaranteed contract ni Mike, kaya maaari pa siyang mabigyan ng ibang project.

Sabi niya, “Mapu-fulfill na po kasi nila yung guaranteed contract.

"So, bigyan na lang daw po ako ng isang show, kesa ibigay sa akin ang Katipunan.”

Nanghinayang ba siya na hindi siya nakasama sa Katipunan?

“Nanghinayang, na-frustrate, kung ano-ano na, kasi pinaghahandaan ko yun.

"E, nangyari, let it go, let’s move on,” sabi niya.



FINAL EPISODE. Samantala, ngayong araw, October 31, na magtatapos ang kinabibilangang afternoon soap ni Mike sa GMA, ang Mga Basang Sisiw, na ngayong Biyernes na ang final episode.

Tumagal ito sa ere ng halos limang buwan.

Ikinatutuwa ni Mike na mula umpisa hanggang sa pagwawakas ng Mga Basang Sisiw ay nanatiling mataas ang rating nito.

Aniya tungkol sa serye, “Mga isang buwan bago ako lumabas, pero siguro, mga 18 or 19 weeks din ako na diretso na.

“Masaya, kasi iba naman yung naging karakter ko sa show.”

Ito ay sa kabila nang hindi siya ginawang male lead sa soap.

“Gusto ko siya, nagustuhan ko siya dahil sa gray character niya. Yun ang gusto ko, e.

“Yung tuwing bibigyan ako ng role, palaging gray—hindi mabuti, hindi masama.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Kumbaga, umiikot.”

May kasunod na ba siyang programa sa GMA?

“Wala pa naman akong naririnig. Pero, as of now, okay naman ako.

"Marami rin nagsisimula ngayon. Sana, sana makuha tayo."

Sa susunod niyang proyekto, magre-request ba siya kung ano pa ang gusto niyang gawin?

“May karapatan ba ako?” nakangiting tanong ni Mike.

“Tingnan natin, hindi naman ako makakapag-demand, e.

“Under ako ng GMA, so kung ano ang ibigay nila sa akin, yun ang tatanggpin ko, kasi nasa kontrata rin naman namin yun.”



INDIE FILM. Bukod sa Mga Basang Sisiw, nabanggit ni Mike sa PEP na mayroon pa siyang ibang ginagawang project.

Lahad niya, “Aside from this kasi, may ginagawa rin po kasi akong indie film, yung Gatas ng Ina.

"Kasama ko sina Lauren [Young], Enzo [Pineda].

“Yung kuwento kasi, kay LJ [Reyes] umiikot.

"Siyempre nabuntis, iniwan, nanganak sa Fabella [Hospital], nahirapan… doon kami nagkita.

“Ang pinaka-tinutukoy rin, na yung dapat nga, gatas ng hayop para sa hayop, at ang gatas ng ina, para kay baby.

“I think, it’s an advocacy film din.”


PERSONAL REWARDS. Sa pagtatapos ng kanyang mga project, nagbibigay ba siya ng reward para sa sarili?

Nag-isip sandali si Mike at sinabing, “Ano ba? Siguro mamumundok na lang ako ulit.”

Literal daw siyang umaakyat ng bundok dahil isa ito sa mga paborito niyang gawin.

“Reward yun sa akin.

“Yung huling akyat ko, sa Mt. Ugo. May mga kasama po talaga ako kapag umaakyat.

“Nagpa-public bus kami, like bus to Baguio, then magdyi-jeep kami.”

Dagdag ng 26-year-old actor, “Siguro sa akin ngayon, pahinga na lang muna.

“Kasi yung reward sa sarili, para sa akin, minsan parang gastos lang.

"Ayokong gumastos, in short.”

Ano ang ginagawa ni Mike sa perang kinikita niya mula sa showbiz?

“Itinatabi!” natatawang sabi niya.

COOKING HOBBY. Kapag wala raw siyang ginagawa at nasa bahay lang, nahihilig daw si Mike sa pagluluto.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ano ang madalas niyang lutuin?

“Minsan pomodoro. Pero kapag nagluto ako, ayoko po ng sauce na binibili sa labas.

“Gusto ko, ako ang gumagawa ng sauce. Tapos, mga tuna pasta.

“Dati ko pa kasi gustong magluto, bata pa ko.

"Nae-enjoy ko naman ang niluluto ko.”

Wala ba siyang planong mag-aral ng culinary arts?

“Plano, pero iniisip ko pa kung culinary, or gusto ko lang talagang malaman kung ano ang gusto ko."

Umabot ng third year sa Industrial Psychology si Mike, pero hindi niya maituloy ang kurso dahil baka magbago na naman daw ang isip niya.

“Baka kasi nasa culinary na ako, tatapusin ko, tapos baka sinayang ko lang din ang oras ko, kasi may iba pa pala akong gusto,” sabi niya.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN