Director Wenn Deramas clarifies he was downed by pneumonia, not by mild stroke as initially reported

Iniyakan daw ng direktor na si Wenn Deramas ang hindi niya pagdalo sa premiere ng pinakabago niyang pelikula, ang Bekikang, noong isang linggo. Na-confine kasi noon sa ospital si Direk Wenn dahil sa sakit na pneumonia. Sabi niya, "Habang sila ay tumatawa at nakikiiyak sa pelikula, ganun din ang iyak ko."


Nilinaw ng direktor na si Wenn Deremas na pneumonia ang naging karamdaman niya, kaya hindi siya nakadalo sa premiere ng pelikula niyang Bekikang noong October 21.

Ang lumabas na ulat noon ay “mild stroke” ang dahilan ng pagkaka-ospital ng direktor at ng hindi niya pagdalo sa sariling premiere.

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Direk Wenn sa special screening ng Bekikang—ang launching movie ni Joey Paras—sa Cinema 3 ng Trinoma Mall, kagabi, October 29.

Saad niya, “Hindi ako na-stroke, pneumonia…

“Pero di pa nila niru-rule out yung possibility na mayroon din akong diperensiya sa puso.

“Kasi nung dumating ako ng hospital, sa ER [Emergency Room], hindi ako makahinga, tapos mataas yung heart rate ko.

“Nilagay ako sa ICU [Intensive Care Unit] para lang maobserbahan.

“Pero after two days, nag-stabilize lahat, okay lahat.

“Ang mayroon ako pala, pneumonia.

“Same symptoms, e—di ka makahinga, pag nakahiga ka, para kang nalulunod.

“Yung buong pag-stay ko sa hospital ng ten days ay dahil sa pneumonia.”

Dagdag niya, “May balita na lumabas na na-stroke ako, pero mas ipinagpapasalamat ko sa Panginoon na hindi totoo yun.

“Kahit ako din kasi, nung last few days ko sa ospital, parang manicure-pedicure na lang ang iniintindi ko.

“Talagang humingi lang ang katawan ko ng pahinga.

“Kasi starting nung July, araw-araw talaga, walang patlang ang trabaho ko.

“Binatukan lang ako ng Diyos… Batok nga ang na-feel ko nung nakita ko yung hospital bills ko!” biro pa niya.



THANKFUL FOR PRAYERS. Labis-labis naman ang pasasalamat ng 45-year-old box-office director sa lahat ng mga taong nagdasal, dumalaw, nagpadala ng text messages, at tumawag sa kanya.

“Dumarating din ultimo sila Anne Curtis, sila Vice [Ganda] para ipag-pray over ako.

“Mayroon ding mga dumarating doon na mga kaibigan ko, talagang lagi-lagi, dasal-dasal—yun lang naman ang pinapaniwalaan ko.

“Of course, may tulong ang medisina, ang siyensiya, pero ang greatest doctor pa rin natin, ang Panginoon.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Pag mag-isa na lang ako at nagdarasal din, sinasabi ko sa kanya, ‘Diyos, ito na ba yun?’

“Siyempre, OA ako nang kaunti…

“E, ’pinalabas niya ako ng ospital. Malamang, hindi pa.

“Malamang, marami pa akong gagawin.”

Ayon kay Direk Wenn, isang leksiyon ang nangyari sa kanya. Na-realize raw niya kung gaano kahalaga ang kalusugan ng isang tao.

“Leksiyon ito na ang tao ay may hangganan.

“Yung pagpupuyat, yung pag-iisip, may hangganan lahat yun.

“Natuto ako dun.”



MISSING THE PREMIERE. Inamin ni Direk Wenn na iniyakan niya ang hindi niya pagdalo sa premiere night ng Bekikang.

“Alam mo, totoo, nung premiere night, patuloy ang dating sa akin ng mga texts ng mga tao habang nanonood. Nagbe-breakdown ako.

“Hindi ko nililihim, ang Bekikang ang pangalawa sa pinakapaborito kong pelikula na ginawa.

“Na alam kong magandang-maganda ang nagawa ko dito, tapos ngayong gabi, nawala ako.

“So, grabe ang iyak ko.

"Habang sila ay tumatawa at nakikiiyak sa pelikula, ganun din ang iyak ko."



BAWAS-TRABAHO MUNA. Sa ngayon ay bawas-trabaho muna raw si Direk Wenn.

Sabi niya, “Ang sarap nga ng pakiramdam na nagkagulo sila, nagkagulo sila sa mga nangyaring pagbabago sa aking schedule.

“Magandang-maganda naman ang nai-present sa akin nung manager ko [June Rufino], ni Mark Guilia, ng Galema, at ng Viva Films, para sa Girl Boy Bakla Tomboy.”

Ang Galema ang afternoon soap ni Direk Wenn sa ABS-CBN na pinagbibidahan ni Andi Eigenmann.

Ang Girl Boy Bakla Tomboy naman ang ididirek niyang pelikula para sa 2013 Metro Manila Film Festival (MMFF). Bida rito sina Vice Ganda at Maricel Soriano.

Patuloy ng direktor, “So, inayos nila talaga yung cut-off.

“Sa Galema, nagdagdag kami ng isang direktor, si Direk Toto Natividad, para lumuwag-luwag nang kaunti ang aking schedule.”

Tiniyak din ni Direk Wenn na tuloy pa rin ang Girl Boy Bakla Tomboy bilang entry sa MMFF, taliwas sa balitang ipu-pull out na raw ito.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Oh, yes, hindi puwedeng hindi, kasi marami nang na-pull out na pelikula sa MMFF.

“Handa na ako para sumali dun, at maraming taong nakaabang at napakaraming tao ang hinihintay ang pelikulang yun para sa Kapaskuhan.

“Ako mismo ang unang-unang malulungkot pag hindi natuloy yun.

“So gumawa ang Star, Viva, my manager Tita Jun, and my staff in Galema, para ma-work out yung schedule.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN