Senator Bong Revilla files civil case against pork-barrel scam whistleblowers

Kasunod ng bintang ni Senator Ramon "Bong" Revilla Jr. na pineke ang kanyang pirma upang makuha ang kanyang PDAF ng mga whistleblowers sa sinasabing pork-barrel scam, nagsampa rin ng civil case ang senador laban sa mga ito, kabilang na si Benhur Luy.


Nagsampa si Senator Ramon "Bong" Revilla Jr. ng civil case laban sa whistleblowers ng diumano’y pork-barrel scam.

Ayon sa legal counsel ng actor-politician na si Atty. Joel Bodegon, ang kaso ay isinampa nila sa isang korte sa Cavite, bandang late August hanggang early September ng taong kasalukuyan.

Ang kaso ay naglalayong ipawalang-bisa ang lahat ng mga dokumentong ginamit ng whistleblowers upang i-access ang Priority Development Assistance Funds (PDAF) ni Senator Revilla.

Pahayag ni Atty. Bodegon, sa phone interview niya sa GMA News Online ngayong araw, November 1: "Finorge nila ang pirma ni Senator at ng kanyang senior staff na si Richard Cambe para makuha nila ang PDAF..."

Dagdag pa niya, "Ito ay para ituwid ang mali."

Gusto rin daw ni Senator Revilla na isauli ng mga whistleblowers sa gobyerno ang mahigit kalahating bilyong piso, o P500 million, ng kanyang pork-barrel fund na diumano’y ibinulsa ng mga ito.

Pahayag ni Atty. Bodegon tungkol sa whistleblowers, "Sila ang kumuha.

"Sila ang kumuha ng mga cheke. Sila ang nag-withdraw at nagdeposito sa mga bangko.

"Wala naman silang ebidensiya na napunta ito kay Senator Revilla.

"Sinasabi rin ni Janet Napoles na wala sa kanya, kaya sila ang kumuha nito."

Kasalukuyang nahaharap sina Senator Revilla at Napoles—ang sinasabing mastermind ng pork-barrel scam—sa kasong plunder sa Office of the Ombudsman.

Inaakusahan si Senator Revilla na nagbulsa diumano ng P224.5 million na kickback galing kay Napoles.

Bukod sa kanya, 37 katao pa ang nahaharap sa kasong plunder, bribery, malversation, at graft dahil sa diumano’y nakinabang sila mula sa pagpopondo sa mga pekeng non-government organizations gamit ang PDAF.

Kabilang din sa kinasuhan sina Senators Jinggoy Estrada at Juan Ponce Enrile.

"PANGGIGIPIT." Samantala, ipinagkibit-balikat lamang ng kampo ng pork-barrel scam whistleblower na si Benhur Luy ang civil case na isinampa ni Senator Revilla.

Sa panayam ng dzMM ngayong araw sa legal counsel ni Luy, na si Atty. Levito Baligod, sinabi nitong ginigipit lamang ng senador ang whistleblowers.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Aniya, "Ang ginagawa ni Senator Revilla ay maliwanag na panggigipit lamang sa whistleblowers.

"Kung di niya naiintindihan masyado ang kanyang action, mas makakasama pa ito sa kanyang legal situation."

Idinagdag din ng abugado na ang kanyang kliyente at iba pang ginamit ni Napoles, bilang presidente ng mga pekeng foundations, ay hindi direktang naglabas at tumanggap ng pork-barrel funds.

Sabi ni Atty. Baligod, "Hindi si Benhur ang may kasalanan niyan.

"Hindi si Benhur ang tumatanggap ng sulat niya. Mukhang nananaginip yata sila...

"Nangyari lamang iyan dahil may sabwatan si Senator Revilla, si Ginang Napoles, at mga tiwaling opisyal ng gobyerno."

Ayon pa kay Atty. Baligod, walang legal na basehan si Senator Revilla na hilingin ang pagpapasawalang-bisa ng mga accounting documents ng whistleblowers, dahil hindi naman kasama ang senador sa gumawa ng mga papeles na ito.

"Puwede mo lang ipa-annul ang isang dokumento kung isa ka doon sa nag-prepare niyan, at sasabihin mo na mali ang pagka-prepare.

"Ang accounting records ni Benhur, sarili niyang accounting ito," sabi ng abugado ni Luy.

Ngunit kontra naman ng abugado ni Senator Revilla, ang mga whistleblowers na ito ang unang nag-akusa sa senador.

Sabi ni Atty. Bodegon, "Sino ba ang nagigipit dito?

"Walang kamalay-malay ang senador, tapos finalsify nila ang pirma.

"Sinampahan pa nila ng kaso [ang senador] kasama ang NBI."

Ang NBI (National Bureau of Investigation) at ang DOJ (Department of Justice) ang nagsampa ng kaso kay Senador Revilla at sa ibang sinasabing sangkot sa kriminal na paggamit ng pork barrel.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN